Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Ang OFW bilang nobelista

31 March 2016


Vanesa Bañares

Ni Vir B. Lumicao

Para kay Vanesa Bañares, hindi hadlang ang pagiging isang kasambahay upang makamit ang pangarap na makilala sa naiiba at higit na maipagmamalaki, kapaki-pakinabang at kagalang-galang na larangan – an
g pagiging isang nobelista.
Hindi tulad ng maraming malikhaing manunulat na animo’y nagkukulong sa kanyang toreng garing, si Vanesa ay nakatuntong sa lupa at nakikihalubilo sa mga tao bilang isang tagapayo ng mga may problemang kapwa kasambahay sa kanilang simbahan.
Ang sari-saring kuwentong-buhay na inilalahad sa kanya ng mga OFW ay nagsisilbing isang di-natutuyuang balon ng inspirasyon at materyales para sa kanyang mga katha.
May tatlong taon pa lamang na nagsusulat si Vanesa, ngunit sa loob ng panahong iyon ay nakatapos na siya ng 33 nobela. Ang 23 sa mga iyon ay nalathala sa Wattpad at mayroon nang 70,250 tagasubaybay.
Ang Wattpad ay isang diban ng mga nobela, tula, maikling kuwento at iba pang kathang-isip sa internet na nababasa nang libre ninuman.
“Marami na akong tagasubaybay, hindi lang dito sa Hong Kong kundi maging sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa,”  sinabi ni Vanesa sa isang pakikipanayam sa amin sa isang malilim at tahimik na sulok sa Victoria Peak kamakailan.
Ang isa niyang akda, ang “Alex, Alex” halimbawa, ay mayroong 11,600 tagasubaybay at 403 boto ng mga mambabasang nagandahan sa nobela tungkol sa dalawang magkaklase sa high school na magkapangalan ngunit magkaiba ang ugali at nagkakaasaran, hanggang sa nag-iba ang ihip ng hangin.
Ang tema ay pag-ibig at ang inasintang mga mambabasa ay mga kabataan, ang wika ay magkahalong English at Tagalog at gumamit ng mga makabagong salitang-kabataan tulad ng “nerd,” “jock” at iba pa kaya habang binabasa mo ay para ka ring nakapaloob sa eksena, nakikisalamuha at nakikinig sa mga tauhan.
At palibhasa’y online ang nobela, maaring maglahad ng paghanga, magbigay ng opinyon o kumontra ang isang mambabasa sa mga pangyayari sa nobela.
“Kung minsan nga ay sinasabi nilang nabibitin sila sa ending kaya nagdaragdag ako ng isa o dalawang chapter,” sabi ni Vanesa.
Ayon kay Vanesa, hindi siya nag-aral ng pagsusulat, ni hindi rin naging mamamahayag noong siya ay nag-aaral pa. Kamakailan lamang siya nagsimulang magsulat ng mga kuwento at sumuong kaagad sa masalimuot at puno ng paghahamon na daigdig ng nobela. Ngunit napaghandaan daw niya iyon sa pamamagitan ng araw-araw na pagsusulat ng talaarawan.
“Mahilig din ako talagang magbasa ng mga libro,” sabi niya. “Noong araw pa, basta may mahagilap akong libro ay binabasa ko.”
Magugulat kayo kapag nalaman ninyong malayo sa pagsusulat ang tinapos ni Vanesa sa pamantasan at di-hamak na malayo ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho.
Aniya, siya ay nagtapos ng agrikultura sa University of the East Caloocan dahil umano ang kanyang ama ay isang magsasaka. Ninais niyang pag-aralan ang siyentipikong kaalaman sa pagsasaka upang mapaunlad ang hanapbuhay na iyon ng kanyang angkan sa Bulid, Masbate, at ng daan-daan pang mga magbubukid sa nasabing probinsiya.
“Marami akong naging trabaho sa Pilipinas. Minsan sa resort, nagbabantay sa swimming. Kung hindi ganoon kalakas, nagdi-design ako ng wedding dress, yaong nilalagyan ng beads. nagtrabaho sa real estate, naging sekretarya…” kuwento ni Vanesa.
“Yaong ibaba ng opisina namin sa real estate ay patahian. Kapag wala akong ginagawa sa itaas ay bumababa ako at nakikialam sa tinatahi nila. Pakialamera ako talaga. Hanggang sa natuto akong manahi at magdisensyo ng mga wedding dress,” sabi ng 34-taong-gulang na nobelista.
Naisip naming ang kaalaman niya sa pananahi marahil ang pinagmulan ng kanyang disiplina at husay sa pagtatagni-tagni ng iba’t ibang mga tauhan at pangyayari upang makagawa ng kuwento.
Tulad ng iba pang manunulat, ang ideya o balangkas ng isang luwento ay bigla na lang kumikislap sa kanyang isip, at hindi niya iyon pinalilipas.
“Kung minsan ay naghuhugas ako ng pinggan, tapos biglang papasok sa isip ko ang ideya. Agad kong isinusulat iyon, kahit sa aking palad, para hindi ko malimutan.” Kapag nasimulan na niyang isulat ay parang batis na raw ang pagdaloy ng ideya mula sa kanyang isipan.
Isang malaking hamon ang pagsulat ng isang nobela, mula sa paggawa ng balangkas, paglikha ng mga tauhang gumaganap sa kanyang nobela at pagdetalye sa pagkakaiba ng kanilang mga pagkatao, pagtatagni-tagni ng mga sitwasyon at pangyayari, pagkukrus ng mga landas ng mga pangunahing tauhan, ang dramatisasyon o mga pag-uusap nila, ang tunggalian, at sa bandang huli, ang kasukdulan at paghupa ng kuwento.
Mula sa pagsusulat at paglalathala ng mga nobela sa Wattpad ay tumanggap siya isang araw ng isang email mula sa Maynila na nag-aalok na bilhin ang ilang nobela niya at ilalathala sa romance series ng Red Room, sa isang kundisyon – na gagamitin ang mga ideya niya para sa aklat sa romance pero iba ang susulat. Dagdag na kundisyon: hindi niya maaaring ilathala sa Wattpad ang nobelang nabili na sa kanya.
Sa ngayon, aniya, ay limang nobela na ang nabibili ng Red Room sa kanya at hindi pare-pareho ang presyo. Noong una, binayaran siya umano ng $4,500 sa nagustuhang nobela at iyon ay ibinili niya ng isang laptop. Tapos nasundan iyon ng tatlong nobela na binayaran sa kanya ng $13,800.
“Hindi ko akalaing kikita pala ako sa mga sinusulat ko,” ani Vanesa, na maybahay ng isang tricycle driver at ina ng isang 16-anyos na lalaki.
Hindi ba siya nababahala sa kasunduan sa Red Room na bibilhin ng naglalathala ng libro ang kanyang mga ideya at ibang pangalan ang ilalagay na may-akda?
“Ang sabi nila, hindi nila gagamitin nang buo ang aking nobela, gagamitin lang nila ang ideya ko, dahil kapag ginamit daw nila nang buo ang nobela ko ay pangalan ko na ang ilalagay nila at magiging exclusive writer na ako sa kanila,” paliwanag niya.
Masaya si Vanesa dahil kahit isa lamang siyang katulong, nagagamit niya ang libreng oras niya sa bahay ng among British upang magsulat. Mababait daw ang kanyang mga amo at dalawang batang anak ng mga ito. Minsan ay napansin raw ng amo na hindi umaabot sa kusina ang wifi connection sa bahay kaya nagpakabit ito ng router.
Limang taon na siya sa Hong Kong at hindi siya nagpapalit ng amo. Wala pa siyang balak bumalik sa Pilipinas dahil mas may panahon daw siya rito para sa pagsusulat at maayos ang kuneksiyon sa internet.
Gusto niyang samantalahin ang kalayaang iyon para pormal na mag-aral ng malikhaing pagsusulat at photography upang sa pagbalik niya sa kanyang pamilya ay may taglay siyang bagong kaalaman at makapagbagong-buhay doon bilang isang manunulat.

Don't Miss