Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Demokrasya

31 March 2016

Ni Ate Kulit

Kamakailan, isang tagpo sa Chater Road ang pumukaw sa aming puso. Sa kahabaan ng isinarang kalsada (dahil Linggo noon)—mula sa tapat ng Worldwide House hanggang sa dati na nating kilala bilang Legco—ay tatlong grupong politikal ang nagpakita ng kani-kanilang kulay: asul at pula ng grupong maka-Marcos, berde ng grupong Makabayan, at dilaw ng mga sumosuporta sa Roxas-Robredo. Kanya-kanyang kulay, hindi lamang ng damit kundi ng paniniwala.
At siyempre, palakasan din sila ng kani-kanilang sound system. Walang tumalo sa grupong maka-Marcos, dahil mayroon silang stage at mamahalin pa ang kanilang nirentahang gamit. Ang dalawa pang grupong nabanggit ay may baon namang maliliit na portable stereo na de-baterya. Kung sa stage ay may beauty contest, sa kabilang dulo naman ay may pasayaw ng Zumba.
Nakatutuwang pagmasdan ang mga grupong ito: abala sila sa kani-kanilang gawain, pero hindi nagkakapikunan. Nakatutuwa dahil ipinapakita nito ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa isang haligi ng demokrasya: ang karapatan ng bawa’t isa na humawak sa kanya-kanyang paniniwala, at ipagtanggol ito sa pamamagitan ng halalan.
At nakatutuwang makita ito sa Hong Kong dahil, kung tutuusin, dito rin unang nag-ugat ang mga prinsipyong pinagmulan ng mga institusyong tanggap na natin bilang sangkap ng isang demokrasya.
Hindi ba ang Hong Kong ang naging base ng mga Pilipinong unang nag-aklas laban sa pananakop ng Espanya? Hindi ba sa Hong Kong din unang ginawa ang watawat ng Pilipinas? At hindi ba dito rin nagsilbi bilang OFW—bilang isang doktor sa mata—ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal?
Gaya ng mga Pilipinong naka distiyero (o exile sa Inggles) noong pagsasara na ng ika-labinsyam na dantaon, tayo ngayong kasisimula pa lang ng ika-dalawampu’t isang dantaon ay nagsisikap ding mailuklok ang gusto nating tagapamahala, habang naghihintay ng pagkakataong makauwi sa ating bansa.
Kaya naman napansin namin ang mga sulyap na may halong paghanga mula sa mga nakaka-intinding taga rito. Ang karapatan na kanilang pangarap pa lamang ay tinatamasa na natin ngayon.

Don't Miss