Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Jadine, Totohanan Na Ang Relasyon

07 March 2016

Ni Ate Johna

Dumagundong ang Smart Araneta Coliseum sa lakas ng tilian ng mga fans nina James Reid at Nadine Lustre sa kanilang concert na JaDine Love Concert na ginanap noong February 20. Maaga pa lang ay mahaba na ang pila ng mga fans at diehard OTWOListas (masugid na tagasubaybay ng top rating “On the Wings of Love” TV series nina James at Nadine) na mga nagbabakasakaling makakuha pa ng tickets dahil sold out agad
Hindi nabigo ang mga fans dahil kinilig sila ng husto sa sa ka-sweetan ng kanilang mga idolo sa bawa’t number nila, lalo na sa bandang huli ng palabas, nang sabihan ni James si Nadine ng “I love you”.

Pagkatapos ng show ay na-interview ang dalawa, at inamin nila na magkarelasyon na sila mula pa noong February 11. Nag-I love you daw siya kay Nadine dahil talagang na-in love na siya sa kanyang ka-loveteam, na sinagot naman ni Nadine ng “I love you too”. Sinabi ng young actor na kahit lumaki siya sa Australia kaya sanay siya na madaling magka-girlfriend, si Nadine ay niligawan daw niya ng Pilipino style. Dinadalaw daw niya ito sa kanilang bahay at nagpaalam sa mga magulang ng dalaga bago niya ito napasagot.

Tila boto rin ang ama ni James kay Nadia dahil namataan pa ang aktres na yumakap dito pagkatapos ng concert. Nakita rin silang kasama nina James at Nadia na mag-dinner. Si James ay tila welcome din sa tahanan nina Nadia dahil minsan ay nakakasalo rin nilang kumain sa bahay ang binate.

Si James ay nanalo sa Pinoy Big Brother Teen edition noong 2010. Ang unang pelikulang pinagtambalan nila ni Nadine ay ang “Diary ng Panget” na naging box office hit kaya nabuo ang JaDine loveteam.  

Sa pagtatapos ng OTWOL, nakalinya na ang mga iba’t bansang pupuntahan ng JaDine para sa TFC channel. Inaasahan ni James na mas mag-eenjoy daw sila ni Nadine sa kanilang pamamasyal at trabaho ngayong wala na silang dapat itago.

MARIAN, BALIK- TRABAHO NA
Nahihirapan daw si Marian Rivera kapag iniiwan niya si baby Maria Letizia o baby Zia, ang panganay nila ni Dingdong Dantes lalo na’t nasanay siyang siya ang nagpapaligo at nag-aalaga dito, at bini-breastfeed pa rin niya ito. Pero dahil kailangan na niyang muling magtrabaho, tanging sa kanyang ina o lola niya lang ipinagkakatiwala ang anak. 

Bumalik na ang aktres sa “Sunday Pinasaya” bilang isa sa mga host nito, at nakalinya na rin ang kanyang iba pang projects sa Kapuso Network, kabilang na ang pagganap niya bilang Ynang Reyna sa remake ng “Encantadia”, na dating ginampanan ni Dawn Zulueta. Magkakaroon din sila ng talk show ni AiAi delas Alas.

Nagpapasalamat si Marian sa kanyang home network dahil hindi gaanong mabigat ang kanyang mga gagawin at may cut-off time siya dahil naiintindihan nila ang kanyang kagustuhang bigyan ng prayoridad ang kanyang pamilya, lalo na at maliit pa ang anak nila ni Dingdong.

Dahil nag-iisang anak, gusto ni Marian na madagdagan pa hanggang lima ang anak nila ni Dingdong, kahit aminadong nahirapan siya sa kanyang unang panganganak dahil 18 oras daw siyang nag-labor. Pero sa ngayon ay naka-focus muna siya kay Zia dahil ayaw niyang mapabayaan ang kanyang panganay kung sakaling mabuntis siya agad.

Tahimik at pribado ang binyag ni Zia noong February 14, Valentine’s Day, na ginanap sa simbahan ng St. Alphonsus Mary de Liguori sa Makati City na dinaluhan ng kanilang pamilya, malalapit na kaibigan at mga ninang at ninong, kabilang na si Sen. Grace Poe. Ang pinili raw nilang mga ninang at ninong ay iyong mga inaasahan nilang magiging pangalawang magulang kay Zia kung wala sila ni Dingdong.  

ROCHELLE AT ARTHUR, ENGAGED NA
Magarbo ang ginawang paghahanda ng aktor na si Arthur Solinap para sa kanyang ginawang proposal sa kanyang matagal nang girlfriend na si Rochelle Pangilinan noong February 20.  Ginanap ang proposal sa Balay Indang Resort sa Cavite, kung saan daw sila unang nagkakilala nang magkasama sila sa dating show ng Sex Bomb Dancers na “Daisy Siete”.

Walang kamalay malay si Rochelle na naroon din ang kanilang mga magulang, kamag-anak, at malalapit na kaibigan, kabilang ang mga dating kasamahan ni Rochelle sa SexBomb Girls na sina Sunshine Garcia, Aira Bermudez, at Mia Pangyarihan. Naroon din ang mga Kapuso stars na sina Andrea Torres, Sef Cadayona, at kasamahan ni Arthur sa Pepito Manaloto na John Feir, Janna Victoria at Michael V na kasama ang kanyang misis na si Carol Bunagan.

Dumating din ang ilang executives ng GMA Network, at mga kasamahan nila sa PPL Entertainment Inc na sina Jolina Magdangal kasama ang asawang si Mark Escueta at kanilang anak, Angelika dela Cruz kasama ang kapatid na si Mika dela Cruz; Gabby Eigenmann at asawang si Apples; Max Collins; at ang pinsan ni Arthur na si Dingdong Dantes.

’Di ba lagi nating kinakanta yung ‘Ayaw Ko Tumanda?’ Ang totoo talaga no’n, ayaw ko tumanda na hindi ka kasama. Lagi nating sinasabi na okay lang lahat basta magkasama tayo?, ang bungad na tanong ni Arthur. Nagpapasalamat daw siya dahil dumating si Rochelle sa kanyang buhay, at siya na ang gusto niyang makasama habang buhay, sabay luhod at prisinta ng engagement ring, at tanong na “Will you marry me?”. Tuluyan nang napaiyak si Rochelle, at halos hindi makapagsalita at tango na lang ang naisagot niya sa nobyo. Habang ginaganap ang proposal ay may singer ding umawit ng kanilang mga  paboritong awitin, at pagkatapos maisuot ang singsing ay sinimulan ang fireworks display.   

GLORIA, AYAW PANG MAG-ASAWA SI BELLE
Kung siya ang masusunod, ayaw pa sanang payagan ni Gloria Diaz na magpakasal ang kanyang anak na si Isabelle Daza. Twenty seven pa lang daw si Belle, at pwede pang maghintay ng tatlong taon bago ito magpakasal. Siya daw kasi ay 36 years old na nang mag-asawa, pero nagkaanak pa naman siya, si Belle at ang kapatid na si Ava.

Pero para kay Belle, ito na ang tamang panahon na magpakasal sila ng kanyang boyfriend na si Adrien Semblat, isang French at country manager ng Adidas Philippines, dahil halos pitong taon na ang kanilang relasyon. Sa KrisTV ay inilahad ni Belle ang love story nila ni Adrien, na kasama ring nag-guest sa show. Magkasundo raw sila sa maraming bagay, lalo na ang pagkahilig nila sa sports at travel. Marami na rin silang lugar na napuntahan at isinama na ng binata si Belle magbakasyon sa France para makilala ang pamilya nito.

Sa Tuscany, Italy, gaganapin ang kasal ng dalawa, bago matapos ang taong ito. Pamilya at ilang kaibigan lang daw ang dadalo sa kanilang Catholic church wedding. Ang magkakasal sa kanila ay isang tiyuhing pari ni Belle.  Kahit mag-aasawa na, ipagpapatuloy pa rin ni Belle ang kanyang showbiz career, lalo na nasa Pilipinas pa rin ang trabaho ng trabaho ng kanyang magiging asawa.

Samantala, ang barkada ni Belle na tinaguriang IT Girls na sina Solenn Heussaff, Anne Curtis at pinsan niyang si Georgina Wilson ay sunod sunod na ring magpapakasal. Nauna na si Solenn na nagkaroon ng “celebration union” sa Argentina sa kanyang boyfriend (o asawa na?) na si Nico Bolzico. Si Georgina ay nakatakda na ring magpakasal sa London sa April, sa kanyang boyfriend na si Arthur Burnand.


Don't Miss