Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Food Trip

CHINESE HOROSCOPE

Ugaliing makinig!

Join us at Facebook!

May bagong recipe si Rita dahil sa taranta

29 November 2016

Araw-araw, alas tres pa lang ng hapon ay abala na si Rita sa paghahanda ng hapunan. Kung minsan kasi ay ginagahol siya sa oras lalo na kapag biglang umuuwi nang maaga ang kanyang among lalaki.

Lalo kasing natataranta si Rita kapag ganito dahil bukod sa pagkukumahog niyang maisalang na ang sabaw na ilang oras kung pakuluan, panay din ang hingi ng kung ano-ano ng amo. Pagpasok pa lang ng pinto, utos agad si Sir na ipagtimpla ito ng kape.

Nakasimangot na iniwan muna ni Rita ang tinitimplahang pork chop para sa hapunan at ipinagtimpla ng kape ang amo. Pagkatapos ay balik ulti si Rita sa pagtitimpla ng marinade sa pork chop.

Dahil mag-aalas singko na, paspasan na ang paghuhugas niya ng mga gulay at paghihiwa ng mga sangkap. Kailangan pa kasi niyang sunduin ang alaga sa bus stop ng alas singko. Bumaba na muna si Rita para sunduin ang alaga at pagdating nila ay inumpisahan na niyang ibabad ang pork chop sa hinanda niyang panimpla.

Bandang alas- siyete naman ay darating na ang among babae, kaya't walang tigil sa kaiikot sa kusina si Rita.

Matapos i-steam ang isda at gulay, nagprito na si Rita ng tinimpla niyang pork chop. Nagtaka siya dahil mabilis itong pumula at tila madaling masunog at mangitim gayung wala namang toyo sa timpla nito. Nang ihain na niya ang niluto ay sinabi ng kanyang amo matapos itong tikman na hindi daw nito alam na ang pork chop daw ay puwedeng gawing dessert!

Nagtaka at bahagyang nainsulto si Rita sa sinabi ng amo dahil akala niya ay pinipintasan ang luto niya.

Kumuha ng isang pirasong pork chop ang amo niya at nakangiting inabot kay Rita at sinabing tikman niya. Nang isubo ni Rita ang ulam at nalasahan ito, natawa rin siya dahil saksakan nga naman ng tamis ang timpla nito.

Doon niya naalala na asukal pala ang nailagay niya sa halip na asin dahil nataranta siya nang magpatimpla ng kape ang among lalaki sa kanya. Nagsorry naman si Rita at hindi naman nagalit ang amo dahil akala din nito ay sadyang matamis talaga ang timpla ng bagong recipe niya.

Si Rita ay isang dalaga, taga Negros at nagtatrabaho sa Tsuen Mun. – Jo Campos

Don't Miss