Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Food Trip

CHINESE HOROSCOPE

Ugaliing makinig!

Join us at Facebook!

MMFF, mahina sa takilya

04 January 2017

Tulad ng inaasahan, hindi gaanong tinangkilik ng publiko ang Metro Manila Film Festival 2016. Sa unang araw ng festival ay kapuna-puna na maikli ang pila sa alin man sa walong pelikulang kalahok. Sa isang mall sa QC na puntahan ng maraming tao dahil  balitang mas mura ang ticket dito, ay iilan lang ang mga nanonood, at sa apat na sinehan dito, tatlo lang ang festival entries, at ang isa ay nagpapalabas pa rin ng The Super Parental Guardians na hindi napasali sa MMFF. Ganoon din ang ginawa sa ibang mga malls, na ibinalik din ang Enteng Kabisote sa isa sa mga sinehan nito upang dumami ang manonood.

Sinabi ng pamunuan ng naturang festival na naabot naman daw ang target na kita sa unang araw ng pagpapalabas ng walong kalahok. Sinabi rin nila na ang apat na pelikulang nanguna sa takilya sa unang araw ng pagtatanghal ay ang mga sumusunod (alphabetical order):  Babae sa Septic Tank, Die Beautiful, Seklusyon at Vince & Kath & James, pero bawal pa raw sabihin kung magkano ang kinita ng mga ito hangga’t hindi natatapos ang sampung araw na pagtatanghal.

Pero may nag-post sa social media na diumano ay taga-ABS CBN, at inilabas din sa pahayagan ang opening day box office results: nanguna ang VKJ na naka-P17 million, pangalawa ang Die Beautiful na kumita ng P10.5 million, pangatlo ang Ang Babae sa Septic Tank na naka-P9.4 million. Pang apat ang Seklusyon, panlima ang Saving Sally, pang-anim ang Oro, pampito ang Kabisera at panghuli ang Sunday Beauty Queen.  .

Sa pangatlong araw ng festival, ang apat na pelikula na nasa bottom four ay nanawagan na suportahan ang kanilang pelikula upang magtagal pa ito sa mga sinehan. Nagbigay na rin sila ng 30% discount para sa mga estudyante, PWDs (Persons With Diasabilities) at senior citizens upang mapalakas ang kanilang mga pelikula.

Lima sa mga walong kalahok ay graded A ng Cinema Evaluation Board (CEB): Ang Babae sa Septic Tank, Die Beautiful, Sunday Beauty Queen, Saving Sally at Vince, Kath & James. Ang “Oro” at Seklusyon ay graded B, at tanging ang pelikula ni Nora Aunor na  “Kabisera” ang hindi binigyan ng grado.

Ang may gradong A ay bibigyan ng 100% amusement tax rebate sa Metro Manila, at 65% naman para sa may gradong B.

ANNE -ERWAN, BILLY- COLEEN, ENGAGED NA

Bumuhos ang pagbati kina Anne Curtis at sa boyfriend niyang si Erwan Heusaff matapos lumabas kamakailan ang video ng naganap na proposal ng binata sa aktres noong huling nagbakasyon sila sa Amerika. Nagtungo sila doon para makasali si Anne sa NYC marathon noong Nobyembre.
Binati si Anne ng kanyang mga mga kasamahan sa “It’s Showtime “, kung saan ay ipinakita rin niya ang kanyang suot na engagement ring.

Si Erwan ay kapatid ng Kapuso actress na si Solenn Heusaff, at kilala bilang chef, food blogger at restaurant owner. Nagkakilala sila ni Anne noong 2009, at nag-exclusive dating mula noong 2010. Pareho silang mahilig mag-travel, at madalas ay nakakasama nila ang ka-tropang IT girls na sina Isabel Daza, Solenn, Georgina Wilson at Liz Uy at kani-kanilang mga foreigner boyfriends, at maliban kay Liz ay sunud-sunod na ring nagpapakasal.

Ilan sa mga naging karelasyon ni Anne ay sina Oyo Sotto, Richard Gutierrez, Paolo Araneta at Sam Milby.

Wala pang balita kung kailan o saan gaganapin ang kanilang kasal.

Samantala, noong Dec. 20, naganap din ang proposal ng isa pang host sa Showtime  na si Billy Crawford sa kanyang girlfriend na si Coleen Garcia, na dati ring co-host ng show. Nangyari ito sa isang restaurant sa Quezon City nang mag-dinner ang dalawa doon, kasama ang ilang malalapit na kaibigan.

Ayon ka Billy, 34, matagal na niyang nabili ang engagement ring dahil sigurado na raw siya sa kanyang sarili na si Coleen, 24, na ang gusto niyang pakasalan at makasama habang buhay. Humanap lang daw siya ng tamang oras na makapag-propose, sa tulong ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak.

Ipinagkatiwala niya ang singsing sa kanilang kaibigan na si Ria Atayde upang itago muna ito sa loob ng 18 buwan bago natuloy ang proposal. Kakaba-kaba raw si Ria habang  nakatago ang singsing sa kanyang vault. Base sa mga larawan ni Coleen, mukhang mamahalin ang singsing na nakasuot sa kanyang daliri: napapalibutan ito ng maliliit na brilyante at ang tampok na bato ay hindi raw bababa sa 2-karat ang laki.  

Gaya ni Anne, wala pa ring petsa kung kailan matutuloy ang kasal nina Billy at Coleen dahil ayon kay Billy, marami pa raw silang nga commitments na dapat nilang tapusin. Abala si Billy sa kanyang hosting at singing career sa iba’t ibang programa sa ABS CBN, at si Coleen ay abala rin sa promotion ng kanyang pelikulang “Extra Service” na ipapalabas sa mga sinehan sa January.

Kamakailan ay bumiyahe ang dalawa papuntang Spain upang doon mag-Pasko at bagong taon kasama ang pamilya ni Coleen, na nauna nang umalis. Ang ama ni Coleen ay isang Espanyol at Pilipina ang kanyang ina.  

ALDUB, ABALA SA TAPING NG BAGONG TV SERIES.

Excited na sina Alden Richards at Maine Mendoza na gawin ang kanilang unang primetime TV series na “Destined To Be Yours” ng GMA 7. Noong December 20 ay nagsimula na silang mag-taping, at kabado raw si Maine dahil ito ang kanyang unang seryosong pagganap sa TV. Maging si Alden ay naninibago rin dahil mahigit ding isang taon siyang nabakante sa paggawa ng TV series.
Sumailalim daw sila sa tatlong linggong acting workshop noong nakaraang buwan, kaya kahit papaano ay napaghandaan nila ang kanilang bagong project. Nakita raw ni Alden at iba nilang kasamahan na may ibubuga sa pag-arte si Maine, kahit ayaw daw nitong maniwala na sinasabi nila.
Sinabi rin ni Alden na hindi totoong mawawala na sila sa Eat Bulaga ni Maine dahil malaki ang utang na loob nila sa show kung saan sila nakilala nang husto. Ito ang naging daan upang maging top endorsers sila ng mga iba’t ibang produkto at makagawa ng mga pelikula na tumabo ng husto sa takilya. Si Alden ay nakabili na ng magandang bahay, mamahaling mga sasakyan at gamit, at may sarili nang restaurant, ang Concha’s na may dalawang sangay na. Naging in-demand din sila sa mga shows sa iba’t ibang bansa.

Bagama’t pahinga muna sila sa kalyeserye dahil abala sila sa kanilang bagong TV series,

mapapanood pa rin sila bilang co-hosts sa Eat Bulaga. Bago magpasko, nag-taping sila ng ilang episodes kaya nagkaroon sila ng ilang araw na bakasyon upang makapiling ang kanilang mga pamilya sa araw ng pasko at bagong taon. Excited si Alden dahil ito ang unang pasko ng kanyang pamilya sa bago nilang bahay, at magkakaroon din siya ng oras na mabisita ang kanyang dalawang restaurants.

ANGEL, NASIRA DAW ANG BUHOK KAYA LAGING NAKA-WIG
Usap-usapan ang pagkasira daw ng buhok ni Angel Locsin dahil sa treatment na ginawa ng isang sikat na salon kaya daw lagi siyang naka-wig na mahaba at kulot na buhok. Nalalagas daw ang buhok niya at sari-saring ispekulasyon ang lumabas sa tunay na dahilan nito.

Hindi pa nagsasalita si Angel, pero kung sakaling kasalanan ito ng salon, siguradong mahaharap ito sa malaking problema, at masisira pa ang pangalan nito.

Don't Miss