Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Food Trip

CHINESE HOROSCOPE

Ugaliing makinig!

Join us at Facebook!

Nagkagalit sa utang

04 January 2017

Maganda ang naging pagkakaibigan nina Sheryl at Patty na iisa ang naging amo sa Mid-Levels. Dahil pareho silang nanggaling sa Kabisayaan ay naging matulungin at maunawain sila sa isa’t isa. Pareho silang nakaulit na ng kontrata sa kanilang among Intsik dahil mabait naman ito at maayos ang trato sa kanila.

Maging sa mga personal na suliranin ay nagkakaalaman at nagdadamayan sila.

Dahil sa matalik na pagkakaibigan nila ay buo ang tiwala ni Sheryl kay Patty. Kaya nang nalaman ni Patty na hihiram si Sheryl ng pera sa isang lender para sa kanyang kapatid noong Agosto 2013 ay nakiusap ito na isama na rin siya pag-utang.

Pumayag si Sheryl at nang nakuha niya ang hiram na  $40,000 ay pinaghatian nila iyon sa kasunduang maghati sila sa pagbabayad sa buwanang hulog na $3,236. Maayos na nakapagbayad sa umpisa ang bawat isa ngunit di nagtagal ay nagkaproblema na sa bayad si Patty, hanggang sa doon nagsimula ang alitan ng dalawa.

Nauwi pa iyon sa pagkakatanggal ni Sheryl sa trabaho. Gayunpaman, itinuloy niyang bayaran ang kanyang utang kahit nasa Pilipinas siya at walang trabaho, hanggang sa mahigit $16,000 na lang ang natitirang dapat namang bayaran ni Patty.

Kaso, hindi binayaran ni Patty ang kanyang utang, at dahil kay Sheryl nakapangalan ang utang ay siya ang hinahabol ng lending company. Samantala, hindi na niya nakukontak si Patty dahil naka-block na siya sa cellphone nito. Na-unfriend na rin siya sa Facebook.

Dahil lumagpas sa $120,000 ang di nababayarang utang ay tuluyang naubusan ng pasensiya si Sheryl at nagsampa kamakailan ng kaso laban kay Patty sa Small Claims Tribunal. Gayunpaman, hindi niya alam kung masisingil pa niya ang dating kaibigan. Si Sheryl ay isang single mother na taga-Antique. - VBL                                                                                                                                  

Don't Miss