Responsive Ad Slot

Maid FinderFind employer quickly!
Download the App!
Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Sapilitang SSS at insurance, dagdag pahirap sa OFW

21 October 2018

Ni Vir B. Lumicao

Nahaharap ang mga OFW sa karagdagang bayarin sa darating na taon kapag pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong panukalang batas ukol sa pagpapatupad ng mandatory coverage ng Social Security System sa lahat ng mga OFW.

Ipinasa noong Okt 8 ng dalawang sangay ng Kongreso ang Senate Bill 1753 o Social Security Act of 2018, o SSA 2018, na nagtatakda ng sapilitang pagsali ng mga OFW sa SSS, ang tagapamahala ng pensiyon ng mga pribadong manggagawa.

Ang bagong batas ay itinulak sa Kongreso ni Emmanuel Dooc, pangulo at punong ehekutibo ng SSS.

Ang pangunahing target ng SSA 2018 ay ang bawat isa sa tinatayang 10 milyong Pilipinong nagtatrabaho sa labas ng bansa upang magsilbing mekanismo ng pag-iimpok nila para sa kinabukasan nila, ayon kay Dooc.

Sa kasalukuyang sistema, ang isang OFW na nagbabayad ng PhP1,760 bawat buwan nang di kukulangin sa 10 taon ay magkakaroon ng PhP6,400 na buwanang pensiyon; ika-13 buwang pensiyon; pampalibing na PhP20,000; salary loan na hanggang PhP32,000, at utang sa pabahay na aabot ng PhP2 milyon, sabi pa ni Dooc.

Gayunman, nagngingitngit ang mga OFW sa pagkakapasa sa Kamara ng nasabing panukalang-batas, dahil itinatadhana din nito na itaas ng 1 porsiyento ang dating 11% kontribusyon ng bawat miyembro, tuwing ikalawang taon. Ibig sabihin simula sa 2019 ay tataas ito sa 12%, hanggang umabot ng 15% sa 2025.

Ang masaklap, simula sa 2019, papasanin ng OFW pati ang ambag ng amo sa 12% kontribusyon, kaya magiging PhP2,400 ang babayaran niya ng sapilitan sa SSS buwan-buwan.

Nagbubunyi si Dooc tiyak na tatabo ng labis-labis na pondo ang gobyernong Duterte mula sa sapilitang pagsali ng mga OFW sa SSS, na siyang mangangasiwa sa pagpapalago ng perang ambag nila.

Tinatataya ng Migrante, ang pandaigdigang organisasyon ng mga manggagawang Pilipino sa labas ng bansa, na mula sa PhP4.64 bilyon na boluntaryong ambag ng mga OFWs noong 2016 ay lolobo nang 3,000% patungo sa PhP144 bilyon sa unang taon pa lang ng pagpapatupad ng batas na ito.

Limpak-limpak na pera ng OFW iyan na iglap na makakamal ng gobyerno. Wala sanang problema kung may sapat na garantiya ang gobyerno na ang perang sapilitang pipigain sa mga mangggagawa ay iingatan at palalaguin ng SSS.

May dahilang makaaamoy ng baho ang  marami sa bagong maniubrang ito ng pamahalaan dahil noong panunungkulan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nabunyag ang tangkang pagwaldas ng administrasyon sa perang nakalaan para sa pensiyon ng mga manggagawa.

Ang napipintong paniningil sa kanila ng sapilitang SSS contribution ay iba pa sa mandatory insurance na US$144 sa sisingilin naman ng Philippine Overseas Employment Administration sa mga OFW tuwing pipirma sila ng kontrata tuwing ikalawang taon.

Sa kabila ng mga dagdag-singil na ito, hindi nakikitaan ng madla ng aktibong kampanya ang gobyerno laban sa mga gahamang employment agency na patuloy na pumipiga sa mga manggagawang papunta sa ibang bansa.

Talamak ang paniningil ng mga ahensiya ng illegal na placement fee na itinatago nila sa iba’t ibang bayarin, tulad ng sapilitang pagti-training ng mga manggagawang malaon nang namamasukan at natututo ng mahahalagang kaalaman sa ibang bansa.

Garapalan na ang pagpiga ng gobyerno sa dugo ng mga OFW na dapat lang ilantad at tutulan ng mga manggagawa at ng kanilang mga pamilyang tuwirang naaapektuhan ng mga mapagsamantalang patakaran.   

Don't Miss