![]() |
Itinanggi ng Pilipina ang sakdal nang humarap sa Eastern Court |
Mariing itinanggi ng isang Pilipina ang sakdal na tatlong beses niyang sinaktan ang among lalaki sa mismong bahay nito sa Tavistock, Tregunter Path sa Mid-Levels.
Tatlong beses na sumagot ng “Not guilty” si Romalyn
Lappay Marinay, 36, nang tanungin kung inaamin niya ang mga sakdal laban sa
kanya nang humarap siya sa Eastern Magistracy kaninang umaga.
Dahil sa kanyang pagtanggi sa sakdal na “common
assault” ay itinakda ni Magistrate Ivy Chui ang paglilitis sa kaso sa May 17
hanggang May 19, at pinayagan muling magpiyansa si Marinay sa halagang $1,000.
Ayon sa sakdal, nangyari ang diumano’y pananakit ni
Marinay sa among si Shek Yuet hey na isang abugado, sa tatlong magkakahiwalay
na petsa. Ang una ay noong Nov. 29, 2020, ang pangalawa ay noong March 17, 2021
at ang pangatlo ay noong July 21, 2021.
Si Shek ay asawa ng nakapirma sa kontrata ni
Marinay. Nangyari ang mga diumanong pananakit ng Pilipina sa among lalaki sa
mga panahong nagkakaroon ng hidwaan ang mag-asawa at nagdesisyon nang
maghiwalay.
Ayon sa tagausig, mayroon silang siyam na testigo,
pero hiniling ng depensa na gawin na lang itong isa dahil hindi naman itatanggi
ng akusado ang mga kuha ng mga video camera na balak gamitin na ebidensya laban
sa kanya, basta masiguro lang nito na hindi ito na-edit.
May dalawa namang testigo na tatawagin para sa
depensa ng Pilipina.
Inutos ng mahistrado na subukan ng dalawang panig na
magkasundo na maipasa sa korte ang “admitted facts” sa kaso nang hindi lalampas
sa dalawang araw bago ang takdang paglilitis.