Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Nakitang muli ang true love

21 February 2018

Si Lyn ay isang Ilongga, 35 taong gulang at dalaga. Kamakailan, salamat sa Facebook, ay nagtagpo silang muli ng dating ka penpal na naging kasulatan niya noong 19 taong gulang pa lang siya at nasa second year sa college.

Nakuha ni Lyn ang pangalan ng lalaki mula sa isang programa sa radio na madalas niyang pakinggan noon. Agad naman daw sinagot ang sulat niya ng lalaki, pero nakadalawang sulat lang siya bago tumigil.

Uso na kasi ang SMS noon at gusto ng lalaki na sa text  na lang sila mag-usap pero wala siyang cellphone ng mga panahong iyon. Nakatapos ng kanyang kurso si Lyn at nagpunta sa Saudi Arabia, tapos ay sa Kuwait para magtrabaho.

Taong 2011 nang maisipan niyang hanapin sa Facebook ang dating penpal, at ganoon na lang ang gulat niya dahil pareho pa silang walang asawa. Nang umuwi si Lyn mula sa Kuwait ay sinundo siya ng binata sa airport para muling magpakilala. Napadalas din ang pagdalaw nito habang siya ay nakabakasyon.

Pagbalik ni Lyn sa Kuwait ay doon na nanligaw sa kanya ang lalaki. Ayon kay Lyn hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa dahil gusto na rin niya ang dating penpal at pareho naman silang walang pananagutan sa buhay.

Pag-uwi niyang muli ay ipinakilala na siya ng kasintahan sa mga magulang nito, at ganoon din ang ginawa niya. Wala namang masabi ang mga magulang ni Lyn dahil mabait at tahimik ang kanyang nobyo, at kahit wala siya sa Pilipinas ay laging nagdadala ng mga groceries sa kanila.

Sa ngayon ay limang taon na ang kanilang relasyon at nasa Hong Kong na si Lyn, ngunit balak niyang umuwi na para magpakasal kahit naka anim na buwan pa lang sa amo.

Paalala ni Lyn sa mga single, huwag mawalan ng pag-asa kasi basta kapalaran mo siya kahit magkalayo kayo  ng mahabang panahon ay hahanap ng pagkakataon ang tadhana para muli kayong magtagpo. – Merly T. Bunda

Don't Miss