Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Kapag walanghiya ang natulungan

19 October 2016

Sising sisi ngayon si Stella sa ginawang pagtulong sa girlfriend ng kanyang pinsan para makapunta ito sa Hong Kong. Imbes kasi tumanaw ng utang na loob ay ito pa ang naging dahilan ng pagkasira ng magandang relasyon nilang magpinsan.

Ayon kay Stella na beterana na sa Hong Kong, ilang buwan pa lang dito ang kanyang hilaw na hipag na si Divina ay mataas na agad ang lipad nito. Sinubukan daw niya itong pagsabihan na huwag masyadong mag facebook dahil bago pa lamang sa among Intsik ngunit hindi siya sinunod. Sa halip ay isinumbong nito sa nobyo na agad namang kumampi sa bagong dating.

Hindi makapaniwala si Stella na siya pa ang lalabas na masama dahil sa kagustuhan niyang makatulong.

Ang hindi niya kasi matanggap ay ang ginawang pagmamalaki ni Divina na lihim niyang nilagyan ng regla ang ginawang sopas para sa amo para diumano mapaamo niya ito. Galit na galit si Stella dahil alam niyang labag sa batas ang ganitong gawain dahil minsan na ring may nakulong na Indonesian ng dahil dito.

Ang isa pang dahilan ng kanyang pagsesermon dito ay iyong lihim na pagkuha nito ng larawan ng among natutulog sa kanilang silid tulugan. Hindi dapat gawin yun ng isang matinong kasambahay, sabi ni Stella, ngunit galit ang ginanti ni Divina.

Ang hindi pa niya alam, habang ginagawan nito ng kawalanghiyaan ang among Intsik ay naghahanap na ito ng ibang lilipatan. Nang makahanap ng among puti ay tuluyan na nitong siniraan si Stella sa pinsan.

Sa galit ay gusto na sanang isumbong ni Stella si Divina sa dating amo, ngunit nanaig pa rin ang awa niya dito. Baka daw kasi makasuhan si Divina at makulong, at hindi na muling makapagtrabaho sa Hong Kong.

Ang ginawa niya ay blinock na lang sa Facebook ang hilaw na hipag para hindi niya laging nakikita sa mga post at nang matahimik na siya. Si Stella ay mula sa Cagayan Valley at kasalukuyang nakatira sa New Territories.— Marites Palma

Don't Miss