Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Maswerte sa dating amo

18 July 2018

Maswerte si Mayla dahil itinuring siyang kapamilya ng kanyang mga among German. Sa loob ng pitong taon niya sa Hongkong ay iisang amo lamang ang kanyang pinaglingkuran at siya na rin ang nagpalaki sa mga anak nito.

Nang magpasyang bumalik na sa Germany ang mga ito kamakailan ay inalok nila si Mayla na sumama sa kanila. Ilang beses na ring nakapunta sa Germany si Mayla dahil madalas siyang isama ng mga amo sa kanilang pagbabakasyon doon. Laking tuwa naman ni Mayla mga panahong ito dahil mas malaki ang pasahod sa kanya doon, dahil ito ay batay sa kanilang batas.

Nguni’t kahit di hamak na mas malaki ang kikitain niya kapag pumayag siyang sumama sa Germany ay tinanggihan ni Mayla ang alok dahil ayaw niyang malayo sa mga kamag-anak at kaibigan sa Hong Kong.

Madalas kasi, tuwing araw ng Linggo na pahinga nila, ay sama sama silang kumakain o kaya ay namamasyal, samantalang wala siyang ibang kakilala sa Germany kundi ang mga amo. Naintindihan naman ng mga amo ang kanyang desisyon, kaya hindi siya inawat na maghanap ng ibang lilipatan bago pa sila makaalis ng Hong Kong.

Pero bilin ng amo, sakaling magbago ang kanyang isip ay kontakin lang sila agad.

Sa ngayon ay halos 10 buwan na siya sa mga bagong amo sa Happy Valley at handa na siyang sumuko sa pagod. Halos araw-araw ay maghapon siyang nagluluto, mula sa tinapay at kung ano-ano pang putahe na gusto nilang kainin, kaya namamaga at sumasakit na ang kanyang mga kamay.

Dahil dito ay nagpasya siya na tawagan ang  dating amo, at mabuti na lang ay naghihintay pa rin ang mga ito sa kanya. Agad nilang inayos ang kanyang mga papeles, at ngayon ay may tatlong taong visa na siya sa Germany. 

Kahit ang kanyang mga alaga ay masaya na makakapiling nilang muli ang kanilang yaya. Handa na rin siya na malayo sa mga kamag anak kung ang kapalit ay isang magandang buhay sa Germany. Tutal, alam naman niyang makakahanap din naman siya ng bagong mga kakilala doon.

Si Mayla ay 38 taong gulang at tubong Ilocos Sur. May asawa siya at dalawang anak. Nakatakda siyang lumipad papuntang Germany sa susunod na buwan.– Ellen Asis

Don't Miss