Responsive Ad Slot

Maid FinderFind employer quickly!
Download the App!
Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Pinosasan ng 5 taong gulang na alaga!

25 July 2019

Image may contain: one or more people
Ang litrato na nai-post ni Diana pagkatapos siyang posasan ng 

Tarantang nag post sa isang Facebook page ng mga bagong dating na OFW si Diana (hindi tunay na pangalan) para humingi ng tulong dahil kinabitan siya ng posas ng kanyang alagang batang babae na mahigit apat na taong gulang pa lang, at ini-lock.

Kasalukuyan daw siyang nagliligpit ng mga ikinalat na stuffed toys sa kuwarto ng alagang makulit noong ika-23 ng Hulyo nang lapitan siya ng bata at niyaya siyang maglaro.

“Bigla niyang ininsert yung posas sa kamay ko at sabi ay alam daw niya kung paano alisin, at bigla niyang nilock,” sabi ni Diana. “Ang sabi ko hindi matatanggal dahil wala ang susi. Nasaan ang susi, kako. Hindi niya daw alam.”
Gusto pa nga daw ng bata na ikabit sa magkabilang kamay niya ang posas, “mabuti at naagapan ko,” sabi ni Diana.

“Ang iyak ko kanina, sabi ko (sa bata) pag di natanggal sa kamay ko ito ikaw na gagawa sa bahay nyo, ikaw na maglilinis, maglalaba, magluluto at asikasuhin mo sarili mo. ‘Nobody will take care of you…Yung iyak ko naisigaw ko sa kanya pero hindi po ako nananakit, naiistresss lang po ako.”

Nang matakot ay kinalikot pa daw nang husto ng bata ang posas hanggang sumikip ito, at napasigaw si Diana sa sakit. “Nasigawan ko na ang bata na huwag niyang galawin at masakit na kako.”

Call us!

Gusto naman diumano ng bata na makatulong na matanggal ang posas dahil natatakot sa ina at ito ang nagbigay sa kanya para laruin ito.

Takot na takot na tinawagan ni Diana ang kanyang amo sa telepono para humingi ng tulong nguni’t sinabihan lang siya nito na pumunta na lang siya sa isang metal shop para pabuksan ang posas.

Sa Facebook group, dumagsa bigla ang nag “like” sa post ni Diana, kasabay ng kung ano-anong payo para makawala siya sa bakal niyang pulseras. May mga pumuna din, at nagtanong kung bakit napaglaruan siya ng ganoon ng isang paslit. Pero marami ang natawa.
Sa hanay ng mga gustong makatulong, may nagpadala ng litrato na may gabay kung paano makawala sa posas na naka-lock. Kailangan lang daw na tusukin ang isang butas malapit sa lock para ito magbukas. Mayroon ding nagsabi na tumawag na siya ng pulis, at kung ano-ano pa.

Mabuti na lang at isang ka-building niya ang nakakita, at agad siyang sinabihan na bumaba sa kanilang lobby at magpasaklolo sa guwardiya doon.

Iyon nga ang ginawa ni Diana, at karay-karay ang alaga na bumaba sa lobby ng kanilang building at sinabi sa guwardiya ang “I need help.” “Buti may tumulong kasi hindi din matanggal ng guwardiya na babae,” sabi ni Diana.

Image may contain: one or more people
Kinailangang sirain ang posas para matanggal sa kamay ni Diana
Hindi rin matanggal ng sumaklolo  lock ng posas kaya sinira na lang niya ito para makawala si Diana.

Kitang-kita sa litrato na ipinakita ni Diana sa Facebook ang gasgas sa kanang kamay niya nang hindi sinasadyang naisara pa ng bata ng todo ang lock.

Pag-uwi kinagabihan ay natawa pa daw ang kanyang among babae sa ginawang kalokohan ng anak.

Ayon sa amo, may nagregalo lang daw sa kanya ng posas. Pero sa naulinigan ni Diana, sa usapan ng mga amo, ito ay isang sex toy, at kasama sa mga iniregalo ang isang uniporme ng pulis na ipinasukat pa ng babae sa anak nito habang nagtatawa.

“Ang alam ko ay nakatago yun, hindi ko alam kung paano napunta sa kuwarto ng bata,” sabi ni Diana.

Ayon pa kay Diana, pitong buwan pa lang siyang naninilbihan sa pamilya ng amo. Mabait naman daw ang mga ito, bagamat minsan ay may “saltik” din. Bukod dito, ubod daw ng kuripot ang mga ito, at ang ibinibigay na pera para sa kanilang pagkain ng tatlong beses sa isang araw ay $200 lang kada linggo.

“Nagtitiis na lang ako para sa mga anak ko sa Pilipinas,” sabi ni Diana.

Siya daw ay isang single mother na may tatlong anak na kasalukuyang inaalagaan ng kanyang ina sa Pilipinas.

Bagamat iisang bata lang ang kanyang inaalagaan ay parang lima naman daw ang katauhan nito dahil sa likot at tigas ng ulo. - DCLM
==
I-try mo ito, Kabayan: Kung interesado kang ma-contact ang mga advertiser namin dito, pindutin lang ang kanilang ad, at lalabas ang auto-dialer. Pindutin ulit upang tumawag. Hindi na kailangang pindutin ang mga numero.


Don't Miss