
Ang may-akda ay isang residente sa Canada, na dumating doon bilang caregiver 10 taon na ang nakakaraan. Ito ang kuwento ng kanyang pagpapakasakit para maging ganap na residente, at madala doon ang kanyang pamilya. Bago tumulak patungong Canada, si Bhing A. Valin ay nagtrabaho sa Hong Kong ng 10 taon, at naging isa sa mga masisipag na manunulat para sa The SUN.
May 22, 2014, kasama ko ang mga alaga kong sina Morgan, 4 at Evan, 2, sa Vancouver International Airport. Matiyaga kaming naghihintay, habang daan-daang tao ang naglalabasan sakay ng eroplano na nagdala sa apat na miyembro ng aking pamilya galing sa Pilipinas.
Noong una, pigil na pigil ako sa pag-iyak dahil kinakantiyawan ako ni Morgan: “Somebody is going to cry, I tell you”.
![]() |
Downtown Vancouver (Photo: city government) |
Ganito kong kausapin ang aking alaga, na parang isang matanda gayong musmos pa ito. Iyon ang aking paraan ng pakikipag-usap sa mga bata para umakto rin sila na parang adult sa pakikipagtalastasan kanino man. Epektibong epektibo yon sa aking obserbasyon sa lahat ng inalagaan ko mula pa sa Hong Kong hanggang dito sa Canada.
Habang naghihintay kami sa pagsulpot ng aking pamilya, sandaling nagbalik-tanaw ako sa panahong nag-aayos pa ako ng papeles ko mula sa Hong Kong papunta sa Cranbrook, British Columbia, ang una kong tinirhan sa Canada.
Pebrero, 2006 nang sabihan ako ng amo kong Australyano na nakatira sa Mid-Levels na -release na nila ako sapagka’t buntis na ang asawa niya at hindi na ako kakailanganin sapagkat hihinto na rin ito sa pagtuturo ng ballet.
Hmm, sounds reasonable, ika ko. Pero humirit ako: “Would you mind not to issue a release letter for me yet? I will go home and pick up all the documents I will be needing to apply to Canada. Just give me two months and I will be out of here!”
Halos mahalikan ko ang bumbunan ng amo ko nang pumayag siya. Binigyan pa ako ng pamasahe pauwi ng Pilipinas at pabalik ng Hong Kong, plus allowance na HK$3,000 at Php 2,500 na sobra nila noong namasyal sila sa Boracay. Ang saya ng lola mo!
Bhing A. Valin |
Sumulat ako sa consulate at sinabing ako ay nagbitiw na sa aking trabaho kaya minadali nila ang issuance ng aking visa. Dahil wala akong ibang paraan para mabayaran ang agency fee ko, isinanla ko ang tatlo kong time deposit certificates sa PNB na iniingatan ko para sa tatlo kong anak. Maigi na lang at may natira pa ako kay panganay.
Dali-dali akong nagpaalam sa mga amo ko at tuwang-tuwa naman sila. Pinabaunan nila ako ng kanilang mga yakap at halik at isang tabong luha. Ayaw naman akong bitawan ng anak nila dahil halos dalawang taon akong “love of his life”. Wala na daw siyang kalaro, kasama sa panonood ng TV, at karaoke buddy. Binaon ko papunta ng Canada ang magagandang ala-alang iyon.
Ang buhay ko sa Cranbrook sa loob ng 15 buwan ay bittersweet. Napakalaki ng bahay ngunit malungkot. Kalahating kilometro ang layo mo sa unang kapit-bahay. Kung nasa itaas ka ng bahay ay mistulang nasa isang kaharian ka sa tuktok ng burol.
Mabait sa una ang Hungarian na amo ko, ngunit paglaon ay lumabas din ang natural. Bawal humawak ng telepono pag nagtatrabaho ka, pero puwede kang mag-internet pagkatapos. Bayad ako para sa walong oras na pagtatrabaho pero laging lampas sa siyam na oras bago ako matapos. At dahil nakatira ako sa bahay nila, hindi maiwasang pati Sabado at Linggo ay nahihila ako ng walong taong gulang nilang anak, habang ang mag-asawa ay nakatutok sa kambal nilang baby.
Sa isip ko, “Hay makisama ka para magtagal ka.” Panay din ang dasal ko na mabigyan ako ng ekstrang trabaho para may panggastos at makalimutan ang lungkot.
Sa kalaunan ay natuklasan ko na hindi lang ako ang caregiver sa mapanglaw na lugar na iyon na may ganoong panalangin, lalo na at nasa simbahan kami. Kaming limang Pilipina na nandoon ay iisa lagi ang dinarasal, ang masubsob sa trabaho dahil kapag nasa kuwarto na kami at nag-iisa, kailangang may nakahanda nang malaking tuwalya dahil tiyak na babaha ang luha.
Dininig naman ni Lord ang dasal ko na iyon! Binigyan ako ng ekstrang trabaho, kaya nadagdagan ang kita ko at nabawasan ang aking gastos dahil hindi na ako nakakagala masyado at nadadala sa mga tukso sa mata.
Unti-unti ko nang nabayaran ang mga nagastos ko sa pagpunta rito sa Canada.