Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Paano humarap sa blackmail

08 September 2016

Halos tumalon si Magdalena sa bintana sa kahihiyan nang makitang lumabas sa Facebook ang kanyang mga seksing larawan na ini-upload ng kanyang ka-chat ng ilang taon at naging boyfriend niya paglaon. Nakipagkalas sa lalaki si Nancy, na may-asawa na, matapos mapag-alaman sa mismong mga kamag-anak nito na nakilala niya sa Facebook na hindi totoong balo ito dahil buhay na buhay pa ang asawa nito at nagsasama pa sila. Napaniwala si Magdalena noon na ang lalaki ay balo dahil mismong anak nitong lalaki ang nakisabwatan para maloko siya. Noong umayaw si Magdalena ay inumpisahan na siyang i-blackmail ng lalaki. Kapag hindi raw siya magbigay ng pera ay ipo-post daw nito sa Facebook mga larawan niyang seksi. Sa takot ay nagpadala nga siya ng perang hinihingi ng lalaki, ngunit nang lumaon ay umalma na siya dahil palaki nang palaki na ang hinihingi nito, at lagi pa siyang tinatakot na isusumbong siya sa kanyang asawa. Nang mapuno ay napag-isipan ni Magdalena na ipagtapat na lang sa kanyang asawa ang pagkakamaling nagawa niya. Noong una ay nagalit ang kanyang asawa, ngunit sa bandang huli ay nanaig pa rin ang pagmamahal nito kay Magdalena, at pinatawad siya. Dahil dito ay nagkaroon ng lakas ng loob si Magdalena na humingi ng tulong sa mga awtoridad laban sa lalaking minsan ay naging mabait, maalaahanin at mapagmahal sa kanya, na ngayon ay mistulang demonyo na. Batay sa kasunduan nila ng mga awtoridad ay nagpanggap si Magdalena na gusto pa rin niya ang lalaki, at niyaya niya itong makipagkita sa kanya sa airport pagdating niya. Lingid sa kaalaman ng lalaki ay mga mga pulis nang naghihintay para arestuhin siya. Nagpanggap si Magdalena na nagugutom kaya dumaan muna sila sa isang kainan. Doon ay pinag-order niya ng pagkain ang lalaki, at pinaiwan ang cellphone nito. Pagtayo nito ay agad na tinanggal ni Magdalena ang memory card ng telepono nito kung saan alam niyang naka-store ang mga pangit niyang litrato. Pagbalik ng lalaki ay nandoon na ang mga pulis na huhuli sa kanya. Sa takot ng lalaki ay nagmakaawa itong hindi na manggugulo at magbabago na. Bandang huli ay naawa naman si Magdalena at ang asawa niya, lalo’t naisip nilang may pamilya din ang lalaki. Saka na lang nila nalaman na sadyang gawain pala ng lalaking ito ang manloko sa mga babae para kumita ng malaking pera nang hindi nagbabanat ng buto. Matapos ito ay bumalik sa Hong Kong si Magdalena na masaya dahil hindi siya sumuko sa malaking pagsubok na kinaharap niya. Ang mas maganda pa ay lagi nang nakiki-chat sa kanya ang kanyang asawa at nagme-message, na hindi nito dating ginagawa. Marahil ay sa takot na mabaling na naman ang pagtingin ni Magdalena sa ibang lalaki na magpapahalaga sa kanya. Ang payo naman ni Magdalena sa mga kapwa OFW na may-asawa, huwag na huwag makikipagchat sa ibang lalaki para hindi masuong sa problema. Kausapin na lamang daw ang kabiyak na mag-online ito lagi para makapag-usap sila tuwing nalulungkot ang isa’t isa dahil sa kanilang pagkakawalay. Si Magdalena ay naninilbihan sa mga Western na amo sa Saikung.  – Marites Palma

Don't Miss