Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bawal magpahinga sa bagong amo

31 October 2016

Ang akala ni Ester, lahat ng mga among puti ay mababait at hindi istrikto kaya’t nang matapos ang kontrata niya sa among intsik ay tinanggap niya ang alok na trabaho ng isang pamilyang Briton. Masaya niyang ipinagmalaki sa mga kaibigan na ang bago niyang trabaho ay magiging mas maayos kaysa dati.

Matapos ang pagproseso ng kanyang bagong kontrata, nagsimula na si Ester at maayos naman ang naging simula. Mataas kaysa dati ang kanyang suweldo at may food allowance pa. Makaraan ang ilang buwan ay sinabi ng kanyang among babae na titigil na ito sa trabaho para tulungan siyang mag alaga sa kanyang dalawang maliliit na anak.

Ang hindi inaasahan ni Ester ay magiging mahirap ang kanyang trabaho dahil laging nakabantay ang amo. Tuwing umaga ay may listahan na siya ng dapat niyang gawin sa araw na iyon, bukod pa sa pag-aalaga ng mga bata. Mas maaga pa kaysa dati ang gising niya dahil kailangan niyang gumawa ng juice at almusal para paglabas ng kanyang amo ay handa na ang lahat.

Laging nakakulong sa kuwarto ang among babae ngunit alam ni Ester na nakamasid ito lagi sa bawa’t galaw niya. Minsan ay nalimutan niyang linisin ang lababo pagkatapos gamitin ng amo dahil inuna muna niyang kumain ng almusal. Pinuntahan siya agad ng amo para sabihin na unahin muna niyang tapusin ang gawain bago siya kumain. Napakamot na lang ng ulo si Ester at iniwan ang kanyang almusal para sundin ang utos ng nito.

Kahit sa pagluluto ng kanyang pagkain, nagrereklamo ang kanyang amo na nauubos umano ang kanyang oras sa paghahanda ng sarili niyang pagkain. Nasisita pa si Ester kapag gumagamit siya ng mantika at ibang gamit sa kusina. May food allowance na umano siya at hindi na siya dapat gumamit ng mga pangsangkap na nasa kusina.

Pinagsabihan din siyang bawal siyang pumasok sa kanyang kuwarto kung hindi pa siya tapos ng trabaho. Kapag nakikita ng amo na nakaupo si Ester sa kusina, agad na hahanap ito ng iuutos para lang may gawin siya.

Kung minsan ay napapaiyak na sa pagod si Ester. Mas mabuti pa noong ang amo niya ay Intsik na walang pakialam kung magpahinga siya basta’t tapos na ang kanyang gawain. Maghapon pang solo niya ang bahay dahil gabi na kung dumating ang datng amo. Dahil dito ay nagsisisi si Ester kung bakit tinanggihan niya ang alok nito na mag-recontract dahil sa kagustuhan niyang sumubok magtrabaho sa among puti. Alam niya na kailangan na niyang bunuin ang dalawang taon at baka sakaling umayos pa ito. –Jo Campos

Don't Miss