Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Sharon at Gabby, balik tambalan?

17 October 2016

Tuloy-tuloy na ang pagbabalik ni Sharon Cuneta sa showbiz. Pagkatapos ng pagiging isa sa mga hurado sa reality singing contests na “The Voice Kids” at “Your Face Sounds Familiar”, nakatakda naman niyang muling balikan ang kanyang singing career, na siyang naging susi niya upang tanghalin bilang isa sa pinakamalaking bituin ng Philippine showbiz. Magkakaroon siya ng concert na gaganapin sa October 15 at 22 sa The Theater ng Solaire Resort and Casino.
Guests niya sa concert ang Team Sharon ng The Voice Kids at ang kanyang anak na si Frankie Pangilinan. Ang pamangkin niya (anak ng hipag niyang si Angeli at asawa nitong si Gary Valenciano) na si Paolo Valenciano ang director ng show.
Inaasahang magbabalik-tanaw si Sharon sa mga pinasikat niyang awitin na likha ng ilan sa pinakamahuhusay na composers ng bansa na sina Rey Valera (Mr. DJ, Pangako sa ‘Yo, Maging Sino Ka Man, Kung Kailangan Mo Ako, Kahit Wala Ka Na, at Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko), George Canseco ( Langis At Tubig, Dear Heart, Dapat Ka Bang Mahalin at version niya ng Ngayon At Kailanman), Willy Cruz ( Bituing Walang Ningning, Sana’y Wala Ng Wakas, Pangarap Na Bituin, Sana’y Maghintay Ang Walang Hanggan, Init Sa Magdamag), Louie Ocampo ( Ikaw at Hagkan) at Odette Quesada ( To Love Again). May bago rin siyang mga awitin mula sa bago niyang album sa ilalim ng Star Records.
Samantala, namataan sa backstage ng PICC kamakailan si Sharon na kausap ang dating asawang si Gabby Concepcion, na ama ng panganay niyang anak na si KC. Malakas ang bulung-bulungan na ibabalik ang tambalan nila sa pelikulang inihahanda ng Star Cinema para sa kanyang pagbabalik sa pag-arte.
Kamakailan ay naging special guest siya sa “Magandang Buhay”, at ipinahayag niya ang kanyang kasiyahan sa mga bagong project niyang gagawin. Tatlong pelikula ang nakatakda niyang gawin: isang indie film, isa pang pelikula na gagawin niya bago matapos ang taong ito, na ipapalabas sa unang bahagi ng 2017, at ang huli ay isang napakalaking pelikula na pinaghahandaan na rin daw niya.
Ibinahagi rin niyang aktibo na siyang muli sa social media upang mapalapit muli sa kanyang mga fans, at magkakaroon din siya ng regular spot sa You Tube, kung saan ay maaari niyang sagutin ang mga tanong ng mga fans, dahil na-miss na daw niya ng husto ang pagkakaroon ng talk show.
Patuloy din ang kanyang pagdi-diyeta upang magampanan ang mga nakahanay niyang projects. Sa kasalukuyan ay 66 lbs na ang nabawas sa kanyang timbang, kaya mas ganado  pa siyang ituloy-tuloy na ito.  

KRIS, UMALMA SA PARATANG NA GINAMIT ANG KUWINTAS NI IMELDA 
Hindi napigilan ni Kris Aquino na mag-react sa patuloy na kumakalat na kuwento na ginamit niya ang kuwintas ng dating First Lady Imelda Marcos, na kabilang sa nakumpiska ng gobyerno ng Pilipinas sa pamilya Marcos.
 “It seems you don’t want me to stay quiet and your trolls want to keep perpetuating lies about me. My friend JC Buendia & my sister Viel both showed me this paulit-ulit na FB post. The necklaces supposedly belonged to Mrs Marcos & I was brazen enough to wear them for the APEC DINNER. Duh?”
“The necklace I wore was made from cubic zirconia & silver—hindi po DIAMONDS. In other words fake sila, although Bottega Veneta naman. ENOUGH! And the TRUTH is on my side—including credit card receipts,” pahayag niya tungkol sa nasabing kuwintas na patuloy naman niyang ginagamit dahil nga bayad naman daw niya ‘yun kung saan ipinakita niya pa sa kanyang Instagram account ang receipt nito at kahon ng Bottega.
“I have a long standing event for #ARIEL on Tuesday, even if my necklaces aren’t appropriate for showing how you can remove more than 100 different types of stains—what the heck, isusuot ko na sila. After all I paid for them with hard-earned, tax-paid income.
“Hindi ko na problema kung yung pagnanakaw ng iba trip nilang ibintang/pagtakpan using me- and to be perfectly clear, I’m not referring to Mrs. Marcos.
“So this is FAIR WARNING—stop lying about me if you don’t want your rotting skeletons unearthed. #IAMBACK,” ang banta pa niya.

AGOT, KINUYOG NG DUTERTE SUPPORTERS
Marami ang humanga sa tapang ng aktres na si Agot Isidro nang ipahayag niya ang inis niya kay Pangulong Duterte, bilang reaksyon sa balitang hinahamon nito ang EU (Europe Union) at US na tanggalin ang ibinibigay na tulong (aid) sa Pilipinas dahil kakayanin naman ito ng bansa.
“Unang una, walang umaaway sa iyo, ikaw ang nang-aaway. Pangalawa, yung bansa, kung saan ka iniluklok ng 16 million out of 100++ million people ay third world. Kung makapagsalita ka parang superpower ang Pilipinas eh. At excuse me, ayaw namin magutom. Mag-isa ka na lang. Wag kang mandamay. Hindi na nga nakakain ang nakararami, gugutumin mo pa lalo. Pangatlo, may kilala akong psychiatrist. Patingin ka. Hindi ka bipolar. You are a psychopath”.
Tulad ng inaasahan, kinuyog si Agot sa social media ng mga supporters at tagahanga ng presidente. Kung anu-anong mga salita ang ibinato sa aktres, gaya ng bobo, baog at kung anu-ano pang panlalait. Isa sa mga masugid na tagapagtanggol ng pangulo ay ang aktres na si Elizabeth Oropesa, na nag-post ng larawan niya na nakasuot ng T-shirt na may nakasulat na “It’s a Duterte thing you wouldn’t understand”. Nilagyan pa niya ito ng caption  ng “one of the 16 million psychopaths”.
Kung marami ang galit kay Agot, na napapanood gabi-gabi sa TV series na “Ang Probinsyano”, marami rin naman siyang kakamping celebrities na naniwalang tama ang kanyang sinabi at dapat irespeto kung anuman ang kanyang opinyon. Kabilang sa mga ito sina Leah Navarro, Jim Paredes, Mitch Valdez, at Cherry Pie Picache.
Si Agot (Maria Margarita Amada Fteha Isidro sa tunay na buhay) ay isa sa pinamatatalinong showbiz personalities sa Pilipinas. Nagtapos siya ng BS Interior Design sa University of the Philippines, at nag-aral ng Fashion Buying & Merchandising sa Fashion Institute of Technology sa New York, kung saan ay nag-graduate siya bilang magna cum laude. May master’s degree din siya sa communication arts sa Ateneo de Manila University. Siya ay isang singer/ recording artist, host, at movie actress. Nagsimula siya bilang singer, kasama ang kanyang dalawang kapatid na babae sa TV show ni Sharon Cuneta, bago siya kinuha bilang host ni direk Johnny Manahan sa ‘Sang Linggo n APO Sila. Siya ay ikinasal noong 2000 kay Manu Sandejas, pero hindi sila nagkaanak.

MARK ANTHONY, NASA KULUNGAN PA RIN 
Naiiyak si Alma Moreno nang magbigay ng pahayag tungkol sa panganay na anak niyang si Mark Anthony Fernandez, na nakulong sa masikip na Angeles District Jail, kasama ang 102 preso. Awang-awa daw siya sa anak dahil hindi ito makatulog nang maayos at makakain nang husto, kahit masasarap ang pagkain na dinala niya. Hindi rin daw stable ang blood pressure nito na minsan ay biglang tumataas. Nagpapasalamat si Alma sa lahat ng nagdarasal para sa kanyang anak at sa suporta ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan, lalo na kay Lorna Tolentino at sa dalawa nitong anak na sina Ralph at Renz Fernadez, ( kapatid ni Mark sa amang si Rudy Fernandez).
Si Mark Anthony ay dati nang nagkaroon sa problema sa drugs at ipina-rehab ng kanyang mga magulang. Nitong nakaraang buwan ay nasabat siya sa checkpoint sa Angeles, Pampanga, at nagtangka pang tumakas, pero nasukol din. Nakuha sa kanyang kotse ang isang pakete na may isang kilong marijuana, na iginigiit niya ay hindi kanya dahil hindi pa daw niya binili. Ilang ounces lang daw ang kanya doon. Inamin naman niyang gumagamit siya nito bilang pangontra sa sakit na kanser, na siyang ikinamatay ng tatay niya. Sa isinagawang test sa kanya, nagpositibo siya sa marijuana, pero negatibo sa iba pang uri ng drugs.
Si Mark Anthony ay isang mahusay na actor na nag-umpisa sa showbiz bilang miyembro ng Guwaping, kasama nina Jomari Yllana at Eric Fructuoso. Sa kabila ng naging problema niya sa drugs, marami ang nagsasabi na likas na mabait ang aktor, lalo na sa kanyang mga kapatid sa ama at sa ina. Ang kanyang binatilyong anak na si Grae Fernandez ay nagpahayag ng suporta sa ama, kahit naghiwalay na ang kanyang mga magulang. Ang girlfriend ni Mark Anthony ngayon ay isang model, na kasama niyang naninirahan sa isang condominium sa Pampanga.

ALDEN, HOST SA ASIAN TV AWARDS 
Balitang makakasama sina Maine Mendoza at Alden Richards ng Eat Bulaga Dabarkads na magbabakasyon sa Germany at London, at nakatakdang umalis sa katapusan ng Oktubre. Pero dahil sa dami ng commitments ni Alden, kabilang na ang concert niya sa Island Cove sa Cavite sa October 28, (kasama nina Ely Buendia, Aiza Seguerra, at James Wright), baka humabol na lang siya sa grupo.
Sa December ay magkakaroon ng concert si Alden sa Hong Kong dahil matagal na raw itong hiling ng kanyang mga fans dito.
Babalik din siya sa Singapore sa December 2 dahil isa siya sa mga host ng 21st Asian Television Awards, kasama sina Adrian Pang (sikat na Singaporean actor), model at TV host Stephanie Carrington, at Baki Zainal (Malaysian TV & radio host). Gaganapin ito sa Suntec Singapore Convention & Exhibition Center.
Sa kabila ng napakaraming pinagkakaabalahang trabaho, nais pa ring ituloy ni Alden ang kanyang pag-aaral. Pero sa ngayon, tila malabo pang mangyari ito dahil araw araw siyang nagta-trabaho at halos wala nang pahinga.

Don't Miss