
Isang halimbawa na lang ang nakaraang bagyong humampas hindi lang sa Hong Kong, kundi sa Pilipinas na rin. Siyempre, dahil sa lakas ng ulan, nagbaha sa Hong Kong at sa mga lugar na tinamaan ng bagyo sa Pilipinas. Nagliparan din ang maraming bagay, dala ng malalakas na hangin sa parehong lugar.
Ang pagkakaiba lang ay ilang oras ang pagkatapos dumaan ang bagyo, balik na sa dating gawi ang Hong Kong. Bumaba agad ang baha. Naglinis ng kalat ang mga kinauukulan. Nagpasada ang mga bus at ibang sasakyang pampubliko. Nagbukasan ang mga opisina at mga palengke. Naglabasan ang mga taong humahangos sa kani-kanilang obligasyon. Kinabukasan, burado na ang bakas ng kalamidad na dumaan.
Sa Pilipinas, isang linggo na ang nakararaan ay naghihintay pa rin ng relief goods ang ilan sa mga nasalanta. Samantala, naglabasan ang mga pekeng balita at pekeng larawan na sako-sakong bigas ang ipinamamahagi sa mga nasalanta. Ang baha sa iba’t ibang lugar ay hindi pa rin humuhupa. Ang buong bayan ay parang sadlak pa rin, kahit taun-taon ay sumasailalim ito sa ganitong oportunidad upang matutong maghanda sa mga bagyong darating.
Bakit hanggang ngayon, parang hindi pa rin nasanay ang Pilipinas? O baka naman ang nakasanayan ng bayan ay ang pagiging biktima sa ganitong kalakaran?
Kung nabuksan ang mga mata nating nakatira sa ibayong bansa sa pagmamasid sa pagkakaibang ito, hindi dapat matapos ang prosesong ito dito. Sana ay maibahagi din natin sa ating bansa ang ating natutunan.
Gaya ng nakasaad sa ating mga kontrata, ang ating pagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi pagmatagalan. Ang araw din ay darating na tayo ay uuwi, upang doon na tuluyang manirahan.
Sana ay hindi masayang ang ating karanasan at magamit natin sa ikauunlad hindi lang ng ating kabuhayan, kundi ng ating bayan.