Sa unang Linggo mula nang bumalik sa Hong Kong si Labor Attache Jalilo dela Torre, puno ang kanyang opisina maghapon. Hindi lang iyon: bawa’t ilang minuto ay lumalabas ang isang grupo para palitan ng kasunod na grupo. Kaya ang waiting room ay puno rin.Isa lang ang pakay ng mga grupong ito: gusto nilang payagang tumulong sa mga proyekto ni Labatt Jolly bilang volunteer.
Inabutan namin ang isang grupo ng mga guro mula sa National Organization of Professional Teachers tungkol sa kanilang pagbabalik bilang volunteer sa POLO. Nang lumabas sila, sumunod naman ng mga volunteer mula sa Filipino Nurses Association at Balikatan sa Kaunlaran, na gustong tumulong sa Health-WISE, ang proyektong magbibigay ng libreng pagsukat ng blood sugar at blood pressure sa 18th floor ng Polo-Owwa simula Nov. 4.

Nagdadatingan ang mga volunteer sa POLO dahil binuksan ulit sa kanila ang mga pinto nito—na nagpapakitang ang pagtingin sa kanila bilang nakakagulo lang sa operasyon ng POLO ay lipas na.
Noon kasing pinauwi si Labatt Jolly, iba’t ibang grupo ang nag-protesta upang siya ay ibalik para matapos man lang niya ang kanyang tour of duty. Kumalat kasi sa pinauwi si Labatt dahil nilakad ito ng ilang may-ari ng employment agency na apektado sa paghihigpit niya sa kanilang operasyon.








