Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Showing posts with label DIY Travel. Show all posts
Showing posts with label DIY Travel. Show all posts

Plover Cove Reservoir

Posted on 08 April 2017 No comments
Itaas, ang puting estatwa ng Tsz Shan Monastery.


Kung kabilang ka sa mga mahilig tumuklas ng mga tagong lugar na magaganda sa Hong Kong, napapanahon na marahil na maglaan ka ng isang araw para mamasyal sa Plover Cove Reservoir na nasa loob ng Plover Cove Country Park sa bandang hilaga ng New Territories.

Matatagpuan ito sa ma-burol na parte ng Tai Mei Tuk, at mararating sa pamamagitan ng pagtahak ng daan sa bungad ng pasilangang bahagi ng Tolo Harbour at Double Haven.

Bagamat liblib ang lugar na ito, madali pa rin itong mapuntahan sa pamamagitan ng mga pampublikong transportasyon. Iyan kasi ang tunay na atraksiyon ng Hong Kong – walang malayo o mahirap puntahan, dahil kahit saan ay may masasakyan.

Mag-umpisa sa Tai Mei Tuk at makipagsapalaran sa mailap na kagubatan ng hilagang bahagi ng Hong Kong. Kapag narating mo na ang lugar na ito ay siguradong  nawawala na sa isipan mo ang pagmamadali para makabalik agad sa siyudad. Sulit na sulit ang mahaba at masikot na paglalakbay sa ganda ng tanawin na babantad sa iyo.

Para makarating dito, sumakay ng MTR papuntang Taipo Market. Mula rito ay sumakay naman ng bus, maaring ang 20C mini bus o kaya ay 75K KMB bus. Kung marami kayo at gusto ninyong mapadali ang biyahe ay maari ding sumakay ng taxi papuntang Tai Mei Tuk.

Gugugol ng mga 20 minuto sa paglalakbay bago marating ang Tai Mei Tuk kung sa mini bus ka sasakay at kung sa KMB bus naman ay aabot ang biyahe ng ng 35 minuto.

Sa bus pa lang ay agad nang gagaan ang pakiramdam dahil magaganda ang iyong madadaanang tanawin, lalo na ang nakapaligid na kabundukang hitik sa punong kahoy. Lubhang nakakagaan ng pakiramdam ang makita ang luntiang mga puno sa paligid, at malanghap ang preskong hangin.
Kapag natanaw na ang Tsz Shan Monastery ay palatandaan ito na malapit ka na sa lugar na bababaan mo. Kakaiba ang ganda ng tanawing tatambad sa  iyo, dahil ang puting estatwa na nasa monasteryo ay parang nakalutang sa itaas ng makapal na kakahuyan sa bundok. Ang malawak na parte naman ng lawa na punong puno ng bakawan sa tabi ng daan ang nakakadagdag ng ganda sa lugar na iyong binabaybay.
Sa pinakahuling tigilan ng bus kailangang bumaba. Agad na tatambad sa iyo ang isang maayos at magandang kanayunan, kung saan ang mga bahay ay hindi lalampas sa tatlong palapag ang taas. May lugar para mag-barbecue, na karaniwan nang ginagawa ng mga bumibisita dito, na ang marami ay mga kasambahay, lalo na tuwing araw ng Linggo o piyesta opisyal.

Para sa mga taong aksyon naman ang hanap, may mga puwesto kung saan maaring umarkila ng bangka o bisikleta ng hindi kukulangin ng 30 minuto.

Kung nais mamundok maaring umakyat sa Family Trail Walk sa loob lamang ng 30 minuto. Sa paikot-ikot na paglakad dito ay makikita na ang kabuuan ng pader ng dam, at iba pang parte ng malawak na parke ng Plover Cove. Medyo hihingalin ka lang ng kaunti sa pag-akyat ngunit sulit na sulit naman dahil kakaiba ang mga tanawing makikita habang iniikot ang Family Trail.

Pagkatapos sa trail ay maari nang dumiretso sa daan pataas papunta sa Water Sports Centre, hanggang marating ang Plover Cove Reservoir.

Ang reservoir o imbakan ng tubig ay kilala dahil nandito ang pinakamalaking dam sa Hong Kong, na ang lawak ay umaabot sa 24 ektarya, at nasa dalawang kilometro ang haba. May tatlo pang maliliit na dam na itinayo sa paligid nito para tuluyan itong mahiwalay sa dagat.

Inumpisahan nitong itayo noong 1960, habang ang Hong Kong ay nag-uumpisang mamroblema sa tubig dahil sa lumalaki nitong populasyon, at walang tulong na maibigay ang Tsina. Labintatlong taon ang inabot bago ito tuluyang natapos.

Pagkatapos itong maitayo noong 1968 ay tinanggal lahat ang tubig-dagat sa loob nito at pinalitan ng freshwater para maging isang lawa. Noong 1973 ay itinaas muli ang pader ng dam hanggang sa siyam na palapag para mas lumaki ang lugar na imbakan ng tubig.

Sa paglalakad sa paligid ng dam ay abot-tanaw ang napakalinis na tubig sa Tolo Harbour, na kilala bilang pinakasentro ng industriya sa perlas noong Tang Dynasty. Sa panahong marami pang perlas ang nakukuha mula sa parteng ito ng dagat ay umabot sa apat ang bilang ng pearl farms sa lugar, na pinangalangang Sham Chung, Lo Fu Wat, Ngau To Wan at Fu Long Wat.

Tuwing Sabado at Linggo at mga piyesta opisyal, ang mga pasyalan sa paligid ng reservoir ay napupuno ng mga mahihilig sa panlabas na aktibidad gaya ng windsurfing, kitesurfing at pamimingwit ng isda. Marami ding mga dumadayo para magbisikleta at magpalipad ng saranggola.
Maari ding maglakad-lakad na lang para magmasid sa paligid, at mapansin ang mga maliliit na isla sa di kalayuan, at pati na ang mga matatayog na gusali sa kabilang parte ng dagat.

Sa dulo ng pader ng dam ay mararating ang isang maliit na isla. Kumaliwa ka at tuluyan nang maglalaho sa paningin ang mga siklista at iba pang abala sa iba-ibang gawain bukod sa paglalakad.
Ang payapa at mala berdeng-asul na kulay ng tubig ng reservoir ang tatambad sa iyong kaliwa, at mas matingkad na kulay asul na tubig-dagat naman ang nasa kanang bahagi. Sundan  ang paliko-likong daan paikot sa napakagandang islang iyong kinaroroonan bago tahakin ang ilang mas maliliit na konkretong dam.

Mula dito ang mas masigasig na pamumundok ay mag-uumpisa na. Ang pag-akyat baba mula sa mga burol ay hindi masyadong mapapansin dahil sa ganda ng tanawin. Nasa iyo na kung hanggan saan ang kaya mong marating bago bumalik sa pinanggalingan.

Para sa mga lulong sa pamumundok na nagnanais maikot ang buong reservoir o ang makipagsapalaran patungong Double Heaven o Wu Kau Tang, kakailanganin ang isang buong araw ng paglalakad. Kailangan itong paghandaan lalo na kung tag-init dahil may kalayuan ang lakaran papunta sa islang ito.

Maaring mag-umpisa sa pamumundok sa Wu Kau Tang kung nais ikutin ang buong lugar. Lumabas lang sa Tai Mei Tuk kung saan maraming kainan, at sumakay pabalik sa MTR station ng Tai Po Market. Mula doon ay sumakay ng 20R minibus patungong Wu Kau Tang. – Marites Palma

Ang ibang landas patungo kay Buddha

Posted on 11 March 2017 No comments


Ni Vir B. Lumicao at Emz Frial

Karamihan ng mga nais dumalaw sa dambana ng Giant Buddha sa Lantau ay sumasakay sa bus mula sa Mui Wo Pier o sa Tung Chung MTR station. Ang malalakas ang dibdib at tuhod ay doon naman sa iba’t ibang mapaghamong landas sa kabundukan dumaraan.

May ilang yugto ng 70-kilometrong Lantau Trail na pamimilian ng mga hiker papunta sa Ngong Ping o sa Fung Wong Shan (Lantau Peak, 934 metro) saan mang dako ng Lantau sila magmumula.
Ang Tung Chung-Ngong Ping Section ng Lantau Trail ay madalas daanan ng mga umaakyat dahil sa magagandang tanawin mula sa matatarik na hagdang-semento o mabatong landas.

Mula Tung Chung ay mahigit dalawang oras ang lakad kung mabilisan ngunit kung mabagal ang lakad at nagpapahinga, aabutin ito ng limang oras. May layong 8.4 kilometro hanggang 10 km mula Tung Chung hanggang Ngong-Ping.

Sa mga naghahanap ng madaling ruta, tahakin ang landas sa Nim Yuen, sundan ito paahon sa mumunting pamayanan ng mga nagtatanim ng gulay bago daanan ang Yeun Tan Temple malapit sa Shek Mun Kap. Doon ay sundan ang Tei Tong Tsai Country Trail hanggang sa campsite sa hugpungan ng Nei Lak Shan at Lantau Peak.

Mas maikli ang rutang ito na tinatayang 7 km lamang, ngunit puro paahon kapag patungo sa Buddha at puro pababa naman kung pabalik sa Tung Chung.

Di sinasadyang napadaan ang pangkat namin kami sa isang madali ngunit doble ang habang ruta nang umakyat kami noong Peb 2 sa Ngong Ping. Natuklasan namin ito dahil sarado ang dati naming landas sa ruta ng cable car at naghanap kami ng iba.

Puro patag ito sa umpisa at nababagay sa mga baguhan. Mula sa Tung Chung, daraan ito sa Ngau Au at pakanang bumabaybay sa Tung Chung Bay sa pagitan ng Chek Lap Kok at Lantau, at tuluy-tuloy sa mga lumang nayon ng mga mangingisda sa San Tau at Kau Liu.

Sa labas ng magkalapit na nayon ay may pavilion at viewdeck para tanawin ang gawing dulo ng paliparan sa Chek Lap Kok. Ito ay may 6.5km ang layo mula Tung Chung.

Ilang kilometro pa at nandoon ang magkalapit ng nayon ng Sha Lo Wan Chung Hau kung saan may ferry pier at ang Sha Lo Wan San Cheung, ang patag na lupaing may mga taniman ng gulay at prutas tulad ng gabi, litsugas, saging, long-an at lychee.

Sa tabing-daan sa San Shek Wan, Sham Shek Tsuen at Nam Tin madaraanan ang ilang luma at bakanteng bahay at mga katabing babuyan na halatang malaon nang sarado.

Mas maluwag na ang daan pagdating sa Sham Wat at paminsan-minsan ay may mga kotseng nagdaraan. Para sa mga ibig maligo sa dagat o kumain ng seafood, ito ang akmang lugar para humiwalay sa mga hiker.

Ang daan paakyat ay mistulang parada ng
magagandang tanawin.
May maliit na aplaya sa Sham Wat kung saan may mga kainang nag-aalok ng mga lutong lamang-dagat. Para sa mga naghahanap ng mas maraming putahe ng seafood, maaring tumuloy sa Tai O, na 3.5km ang layo mula sa kalsadang iyon.

Sa marker sa sangandaan ng Sham Wat ay nakasulat na 4.6 km ang Ngong Ping Road, at mula roon ay may 3.5km pa ng paakyat na kalsada papuntang Po Lin Village sa paanan ng Giant Buddha.

Pag-ahon sa Sham Wat Road ay puro bundok na ang matatanaw at paglingon sa pinagmulan ay matatanaw ang kumikislap na Pearl River Estuary. Ang ginagawang tulay na magkukonekta sa Hong Kong at Macau ay matatanaw din sa kalayuan.

Nasa Sham Wat Road ang hamon sa pag-akyat sa rutang ito at kapag mataas pa ang araw ay dusa ito sa hiker dahil halos walang mga punong masisilungan. Ngunit malamig na ambon ang sumalubong sa amin. Nasundan iyon ng manipis na belo ng ulap na lalong nagpaigting sa makukulay na ligaw na bulaklak.

Gutom kaming umahon sa Ngong Ping, at napawi iyon sa mga bitbit naming snacks, bagamat iba’t ibang uri ng pagkain at inumin ang mabibili sa hilera ng mga tindahan sa gilid ng malawak na liwasan sa Po Lin.

Kung may lakas pang natitira sa iyong mga binti, maakyat mo ang 360 baitang na hagdang-bato papunta sa luklukan ng Giant Buddha na napapaligiran ng iba’t ibang imahe na sinasamba at hinahagisan ng barya ng mga tao.

Mga bato at iba pang kakaibang tanawin sa Po Toi Island

Posted on 09 February 2017 No comments
Ang Tin Hau Temple ang unang mapapansin sa Po Toi islalnd.

Ni Marites Palma

Sa Po Toi Island na nasa katimugan ng Hong Kong matatagpuan ang malalaking tipak ng bato na nakakamangha dahil sa kanilang iba-ibang hugis. Dito rin matitikman ang pinakasariwa at pinakamurang seaweed (o damong dagat) sa buong Hong Kong.

Mararating ang islang ito sa pamamagitan ng bangka mula sa Stanley o Aberdeen. Kung tatanawin mula sa malayo ay magmumukhang parang nakalutang na entablado ang isla – na sinasabing siyang dahilan kaya tinawag itong Po Toi.

Dahil sa layo nito sa mga mataong siyudad ng Hong Kong, aabot lang sa 200 katao ang lahat ng mga nakatira dito. Nguni’t ayon sa kasaysayan, dati ay may 1,000 ang populasyon nito, na pawang mga magsasaka, mangingisda at nangangalakal ng seaweed. Nakatira sila sa dalawang nayon ng Po Toi, ang Chang Shek Pai at Shan Lui.

Kasabay ng mabilis na pag-asenso ng Hong Kong ay nagpasya ang maraming naninirahan dito na lumisan at makipagsapalaran sa mataong siyudad. Dahil dito ay kapansin-pansin na pawang may edad ang mga nakatira sa islang ito ngayon.

Ilan sa mga Pilipinang nauna nang nakarating sa Po Toi.
Pagdaong ng sinasakyang bangka sa isla ay makikita agad ang mga maliliit na kainan kung saan ang pinakatampok na luto ay may sangkap na seaweed, katulad ng green bean soup with seaweed, isang tradisyunal na minatamis ng mga Intsik. Naglipana din ang mga matatanda na naglalako ng pinatuyong seaweed sa nakakamanghang presyo na $10 lang bawat tumpok.

Hindi kumpleto ang pagbisita dito kung hindi muna titikman ang kanilang ipinagmamalaking sopas na may seaweed. Pagkatapos makahigop ng malinamnam na sopas ay maaari nang lumarga.
Umpisahan ang paglalakad sa pagtalunton sa lakaran na nasa gawing kaliwa ng mga kainan. Habang naglalakad ay makikita ang maraming lumang bahay, o iyong nasira ng mga nagdaaang bagyo at hindi na inayos pang muli. Katulad ng karamihan ng mga nayon sa baybayin ay makikita sa paligid ang mga pinapatuyong isda na nakasabit sa alambre, at pati na rin mga pinapatuyong seaweed.
Sa umpisa pa lang ng pag-akyat sa burol papunta sa templo ay mabibighani na agad sa ganda ng tanawin, nguni’t ang lahat ng ito ay walang panama sa makikita pagdating sa kinatatayuan ng Tin Hau Temple, paharap sa Tai Wan Bay. Walang kasing ganda ang paligid, na mistulang disyerto sa tabi ng dagat!

Agad mababakas na lumang luma na ang templo, na itinayo bilang gabay ng mga mangingisda hindi lang sa Po Toi, kundi sa iba pang mga isla. Walang makikitang ulat tungkol sa kung kailan itinayo ang templo, ngunit may mga dokumento na nagpapatunay na ito ay kinumpuni noong 1893.
Malapit sa kinatatayuan ng templo ay may bako-bakong daan paakyat sa tuktok, na ang tanging gabay ay ay ang isang kadenang metal na nagsisilbing hawakan sa pag-akyat. Agad na sisidhi ang interes na tuntunin ang daang ito na napapalibutan ng makakapal at mala-bonsai na mga punong kahoy. Gaano man katindi ang pagod ay agad na mawawala kapag nasilayan ang kamangha-manghang tanawin mula sa tuktok ng isla. Magpapasalamat ka sa Poong Lumikha ng wala sa oras, dahil sa ganda ng tanawing siya lang ang maaaring may gawa.

Pagkatapos ng isa’t kalahating oras na paglakad mula sa templo ay aabot sa isang sangandaan malapit sa pavilion. Kung ang pinili mong daan ay yung papunta sa Ngau Wu Teng Pavilion, mas maraming magandang tanawin kang makikita. Sa pinakatuktok ng lakaran ay mapapamangha kang tunay sa mala-paraiso at walang hanggang tanawin ng South China Sea.

Bukod sa templo, ang isa pang atraksiyon ng Po Toi ay ang mga naglalakihang mga bato sa paligid na iba-iba ang tabas at hugis, at nabuo mula sa granite.

Ang pinatuyong isda ay isa sa mga produkto ng lugar.
Mula sa pavilion ay unti-unti kang bumaba hanggang matanaw mo ang Monk Rock, isang batong parang  balingkinitan na taong naka-abito ang hugis, at siyang mistulang nagbibigay pugay sa mga dumarating. Sa di kalayuan ay makikita ang Tortoise Rock na ang hugis ay parang isang napakalaking pawikan naman.

Sa daan pabalik sa pier mula sa Nam Kok Tsui, mabubungaran ang napakalaking bato na mistulang higanteng kamay, kaya tinawag itong Buddha’s Hand o Palm Cliff. Ito ang pinakasikat na palatandaan ng sa Po Toi.

Sundin lang ang daan pababa mula sa hagdan at madadaanan ang Rock Carvings, mga nililok na higanteng bato na pinaniniwalaang ginawa noong Bronze Age, o noong 500-700 BC. Ang mga idineklarang monumento ng “prehistoric totems” ay kumupas na sa kalumaan kaya tinakpan ang mga ito ng transparent na fiber glass. Bagamat ilang libong taon na ang nakakaraan magmula nang ukitin ang mga batong ito, nadiskubre lang sila noong mga 1960s.

May isa pang kakaibang atraksiyon ang Po Toi, at ito ang tinatawag na “Deserted Mansion of Family Mo,” isang pinaniniwalaang haunted house. Itinayo ito ng pamilya Mo noong mga 1930s sa Chang Shek Pai, at bagamat sira-sira na at walang nakatira ay nananatiling nakatayo. Popular ito sa mga kabataang bumibisita sa isla. Ayon sa kuwento ng ilan, kusang tumitindig ang kanilang mga balahibo habang papalapit sa abandonadong bahay.

Ang lakarang ito ay may layong apat na kilometro, at matatahak sa loob ng hanggang tatlong oras. Madaling lakaran ito dahil pati mga bata ay kinakayang umakyat sa bundok ng isla.

Paanong marating ang Po Toi? Maaring sumakay ng kaito o maliit na ferry mula sa Aberdeen Pier, at aabot ng isang oras ang biyahe. Ang kaito dito ay may takdang oras ng paglalayag, at masasakyan lang tuwing araw ng Martes, Huwebes, Sabado, Linggo at piyesta opisyal.

Kung gusto mo ng mas maikling paglalayag, sumakay sa Stanley Blake Pier. Sa loob lang ng 30 minuto ay mararating mo na ang Po Toi. Mas bihira ang biyahe mula dito, dahil tuwing Sabado, Linggo at piyesta opisyal lang ang naglalayag ang mga kaito.

Lamma: ang pang-akit ay pagkain at tanawin

Posted on 12 January 2017 No comments
Mga seafood restaurant ang nangungunang dahilan kung bakit dinarayo ag Lamma. 


Ni Marites Palma

Gusto mo bang maranasan ang buhay sa isang tradisyunal na nayon ng mga mangingisda, o matikman ang mga tanyag na lutong Cantonese ng mga isda at iba pang lamang-dagat?
Sumakay sa Hong Kong Kowloon Ferry sa Pier 4 sa Central patungong Yung Shue Wan, o sa iba pang pribadong shuttle ferry sa Pier 9 at magtungo sa Lamma Island.

Sa kalahating oras na biyahe sa ferry, ikaw ay malilipat mula sa ingay at kislap ng isa sa pinakamodernong lungsod sa mundo papunta sa isa sa mga pinakalumang baryo ng Hong Kong na tila sadyang iniwasan ng pagbabago.

Doon tikman mo ang iyong paboritong putahe ng pagkaing-dagat, sa magkabilang hilera ng mga tanyag na restaurant, at namnamin ang tahimik at di nagmamadaling pamumuhay na hindi mo makikita sa lungsod.

May kakaibang pang-akit ang Lamma sa mga turista. Maliban sa pagiging daungan ng mga mangingisda, mayroon itong nakatagong mga hiyas pangkultura at pangkasaysayan.

Malaon nang may mga nakatira sa Lamma. Tinatayang noong Bronze Age pa lamang ay mayroon nang mga bangkang pamalakaya na lumulunsad sa karagatan mula sa tahimik na dalampasigan ng isla.

Maipagmamalaki rin ng Lamma ang mga makasaysayang pook sa pulo na nakasama sa talaan ng mga historical site ng Hong Kong. Kabilang sa mga atraksiyong ito ang mga templo, mga lumang bahay sa nayon na nahaluan ng mga makabagong tirahan.

Ang tradisyunal na industriya ng lamang-dagat at handicraft ay nakikita sa maliliit na tindahang ng mga pinatuyong pagkaing-dagat at, gayundin, mga makabagong paninda.

Dahil ang Lamma ay ilang dantaon nang isang pamayanang nabubuhay sa pangingisda, tabi-tabi sa isla ang mga seafood restaurant na nagbebenta na rin ng mga buhay at sariwang mga lamang-dagat pinaluluto ng mga kakain sa estilong Cantonese.

Matatagpuan ang maraming seafood restaurants sa magkabilang daungan sa isla – ang Yung Shue Wan at Sok Kwu Wan. Kung seafood ang dahilan ng pagpunta mo sa isla, ang Sok Kwu Wan ang makakapagbigay sa iyo ng lahat ng hanap mo.
Ang templo sa pinaka-plaza ang unang
tatambad paglabas ng lugar ng mga kainan.

Pero kung ang gusto mo ay yaong may maraming pagpipilian ng putahe at mas marami kang panahong manatili sa isla, ang Yung Shue Wan ang nababagay sa iyo.

Bukod sa masasarap na luto ng pagkaing-dagat, marami pang atraksyon ang dinarayo sa Lamma – ang mapuno, maayos at malinis na kanayunan nito, ang magubat at mabatong kabundukang nagbibigay ng likas na ganda sa isla, at ang mapayapang dalampasigan.

Isa sa mga atraksiyon sa isla ay ang Hung Shing Yeh Beach. Pinamamahalaan ng gobyerno ng Hong Kong ang nasabing beach kaya may mga nakatalagang lifeguard sa tag-araw, may mga kubeta, bihisan, at lambat laban sa mga pating, at puting buhangin.

Makikita rin sa isla ang tatlong “Kamikaze Cave”, mga labi ng isang malungkot at nakakalimutang bahagi ng kasaysayan ng Hong Kong nang sinakop ito ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa mga nasabing yungib na inuka umano ng sundalong Hapon mga mananakop sa ilalim ng bundok itinago ng mga Hapon ang mga speedboat na ginamit nila sa mga suicide attack sa mga bapor ng US. Ang unang yungib, na tinawag ding “Kamikaze Grotto” ay may layong limang minuto ng paglalakad mula sa Sok Kwu Wan ferry pier.

Tradisyunal na pangingisda naman ang makikita sa Lamma Fisherfolk Village. Ito ang “living history at heritage discovery center” na pinamumunuan ng mga retiradong mangingisda. Layunin nitong mapanatili ang natural na estilo ng pangingisda at pamumuhay ng mga mangingisda. May bayad na $80 para sa may edad na at $60 para sa bata, kasama na ang bayad sa bangkang maghahatid sa village mula sa pier.

Makikita rin sa Lamma ang isang electric wind turbine na tulad ng mga nasa Ilocos Norte. Bukas ito para sa sinumang nagnanais makasilay at makaranas na tumayo nang ilang metro ang layo mula umiikot na turbine.

Ang electric wind turbine ay bukas mula ika-7 ng umaga hanggang ika-6 ng hapon araw-araw at maaaring lakarin mula sa Yung Shue Wan sa tagal na 40 minuto. Sulit na sulit and paglalakad dahil sa ganda ng tanawin.

Karamihan sa mga nagagawi sa isla ng Lamma ay naglalakad mula sa ferry pier patungo sa Lingkok Shan Hiking Trail. Makikita ang opisyal na signpost sa hiking path na iikot sa magagandang bahagi ng isla paakyat sa bundok at pababa sa Sok Kwu Wan. Ang pagtahak sa landas ay umaabot ng dalawa o tatlong oras.

Ang Lamma Island Family Trail ay dinisenyo para sa mga ayaw umakyat nang paikot dahil ang rutang ito ay mula sa Sok Kwu Wan papuntang Yung Shue Wan. May mga hilltop pavilion sa daan na puwedeng pahingahan at maaari ring magpiknik.

Matatagpuan din sa Yung Shue Wan playground ang Tin Hau Temple, ang pinakaluma at pinakamahalagang templo ng diyosang patron ng mga mangingisda sa mga Taoist. Ito ay inayos noong 1876 at pinaniniwalaang pinakaluma sa lahat ng mga templo sa Lamma.

Mula noong dekada 1960 ay napapanatili ang pinakabagong Stone Lions na may kakaibang estilo. Dito nakalagak ang pinakamahabang isda sa mundo, ang giant oar fish (Regalecus glesne) na may habang 2.7 metro na nahuli noong 2001 ng isang mangingisda sa dagat ng Lamma.

Ang pinakamataong lansangan sa Lamma ay ang Yung Shue Wan Main Street, kung saan may iba’t ibang mga kainan may lutong Tsina, Europa, Gitnang Silangan at iba pang mga putaheng nagmula sa lahat ng bahagi ng Asia.

Mayroon ding arkilahan ng bisikleta at bike trial para sa mga malalakas ang loob -  at katawan - na gustong tuklasin at ikutin ang buong isla.

Eggstremers: Motley birds of the mountains

Posted on 13 December 2016 No comments
By Vir B. Lumicao
Perched on a promontory, an Eggstremer
gazes at the horizon for more peaks to climb. 

‘Wilderness is not a luxury but a necessity of the human spirit, and as vital to our lives as water and good bread.’ –Edward Abbey

This group of Filipina hikers is small and informal, and started climbing Hong Kong’s mountains as one only in July, but it is already leaving a mark in its conquest of the territory’s peaks.

From a mere desire to reach heights for the sense of freedom the outdoor activity provides, members of “Eggstremers Pinoy Hikers” have broadened their horizon by hiking for a cause in whatever way they can.

In late October, Hong Kong netizens were abuzz when a local hiker photographed a group of Filipinas collecting and carrying rubbish strewn by other hikers on the trails and slopes of Ma On Shan. At the time five other group of Filipina hikers were doing the same “small act” and earned praises from Hongkongers who felt ashamed it had to take foreigners to clean up their backyard.
One of the groups was Eggstremers, which joined the cleanup organized by Prof Rob Hayes of the South China University in Guangzhou.

Environmental cleanup is just one of Eggstremers’ advocacies. The group has also lately started a small-scale project that involves donating school supplies and food for primary pupils in impoverished villages in the Philippines.

“We did that last Sunday (Nov 20), the donations for Barbaza, Antique,” Bhyrd, a leading member of the group, told The SUN in a group-chat interview on Facebook on Nov 22. The donations consisted of chairs and foodstuff for elementary pupils in Barbaza.

Pausing at the foot of the Double Dragon
waterfall before climbing upstream.
On Dec 2-4, the group will stage its second school supplies donation project, this time in Alimodian, Iloilo. “Our group pledged school supplies for the students,” said Bhyrd, a communications technician from Alimodian.

Gina, an Ilocana from Pangasinan, said the group will continue donating to needy schools as long as the organizers of the events are trustworthy.

Bhyrd, Rissa, Abbi, Gina, Macky, Joy Ann, and Si acted as marshals in a triathlon event in Discovery Bay at the invitation of Liza Avelino, a compatriot and fellow helper who made news last year with her solo assault on a sister peak of Mount Everest in Nepal.

But they were there to join a hike to help raise Php5 million to pay for a liver transplant on Zane Franco Ramos, a 15-month-old boy from Trece Martires, Cavite, who is suffering from acute biliary atresia. The disease is a life-threatening condition in babies in which the bile ducts do not have normal openings, causing liver swelling.

The eight hikers, however, are not distracted from climbing heights by their desire to help other people or to collect litter that mindless trekkers leave on Hong Kong slopes.

The team savors triumph at the
hexagonal rock formations in Long Ke. 
Since they formed the group in July this year, they have hiked several of the territory’s 130 highest peaks, such as Tai Mo Shan, Hong Kong’s tallest mountain; Lantau Peak, its second highest; Green Dragon, Double Dragon, Tiger Roar, Mount Stenhouse, North Heaven Gate, South Heaven Gate, West Dog Teeth, Dragon’s Back and Mount Parker.

What distinguishes these adventure-seekers from other hikers is they avoid the beaten trail and, instead, crawl up rocky gullies and streams, hug rock faces and trudge through thick vegetation to “add to the challenge”.

Each Eggstremer has a bird name or fowl feature – Bhyrd is called Batik (speckled, as a quail egg), Abbi is known as Pugo (quail), Rissa is Kulago (Waray for a night bird), Macky is Lawin (hawk), Maylen is Maya, Gina is Agila (eagle), Joy Ann is Itik (duck).

Abbi explained, “Kasi when you think of a bird or something na lumilipad, there’s freedom.”
Why do they call themselves Eggstremers? “It comes from a joke, we say we think like an egg (can an egg really think?) But, seriously, we picture eggs in our minds as circular or oval-shaped, infinite, no end, no count, no boundaries, no limits, no boss, no leader, no member. We are friends, we are sisters, we are family,” Abbi said philosophically.

A pose with International mountaineer and fellow
OFW Liza Avelino at on the MacLehose Trail in Sai Kung. 
The group stands out because the members are “being true to ourselves, no pretensions, what you see is what you get”, the single mom from Lucena added.

The Eggstremers come from motley backgrounds. Bhyrd was a communications technician who was a domestic helper here from 1997 to 2002, then worked in a Taiwan electronics factory for nine years, before returning here in 2013.

Macky was a chef in Manila, while Joy Ann was an English teacher for Korean and Japanese in Baguio City for three years, a nurse for two years, and a kindergarten teacher in Indonesia for a year before coming to Hong Kong 13 months ago.

Si worked as a cashier in a Manila office, office assistant in a Japanese firm in Cavite, technical staff, encoder, production staff at trwo electronics companies before coming to Hong Kong. Rissa worked in Syria and Kuwait for almost five years previously.

Macky said what binds the group is love for adventure. “Nagkakasundu-sundo kami sa adventures, no dull moment basta nasa trai, maligaw man ang katwiran ay kasama iyan sa hike… at hindi susuko kahit mahirap ang akyatin,” she said.

Hiking has become a habit for Eggstremers such that its members say they don’t feel well and find the day boring if they don’t climb a mountain on their holiday. They all feel the stress go away and their bodies energized as they go romancing Hong Kong’s mountains.

Wan Chai, Noon at Ngayon (Wan Chai Heritage Trail)

Posted on 08 November 2016 No comments
Ang mga bagong gusali sa Quees Road East sa Wanchai.


Ni Jo Campos

Kapag nabanggit ang Wan Chai, malamang na ang pumapasok agad sa isip ng karamihan ay ang reputasyon nito bilang “red light district” ng Hong Kong. Dito kasi matatagpuan ang maraming mga bahay-aliwan at mga disco, lalo na sa kahabaan ng Lockhart Road. Pagsapit ng dilim, agad mapapansin ang pagkutitap ng mga ilaw mula sa mga bar at disco dito, at ang pagdagsa ng mga parokyano.

Ang hindi alam ng marami ay hitik sa kasaysayan at kultura ang Wan Chai.

Ang Wan Chai ay halaw sa salitang Cantonese na ang literal na kahulugan sa Ingles ay “cove district” o’ “small bay”. Ito ang tinawag sa distrito na ito dahil dati itong pinamamahayan ng mga tsinong mangingisda.

Noong unang panahon, ang bungad ng Wan Chai ay nasa Queen’s Road East, ngunit sa pagdaan ng panahon at dahil na rin sa patuloy na reclamation ay lumawak ang lupang nasasakop ng Wan Chai.
Ngayon, ang maraming makabagong mga gusaling nagsusulputan sa Wan Chai ay nagkukubli sa mga gusaling may ilang daang taong gulang na. Hindi sila giniba kahit  na patuloy ang modernisasyon ng distrito, alinsunod sa batas na naglalayon na panatilihin at pagyamanin ang kultura at kasaysayan ng Hong Kong.

Dahil dito, nananatiling makasaysayan ang maraming mga lugar at gusali sa Wan Chai.

Kabilang sa mga ito ang makukulay na lumang gusali sa iba’t ibang sulok ng distrito. Halimbawa, sa panulukan ng Mallory St. at Burrows St. ay matatagpuan ang gusaling tinawag na Green House, na itinayo noong unang bahagi ng 20th century. Ang mga haligi at punong hagdanan nito ay gawa sa bakal at hango sa French at Western architecture ang disenyo. Ginagamit ito ngayon bilang gusaling pang komersyo, o para sa mga tindahan at opisina.

Dahil maraming mga banyaga ang nanirahan sa lugar na ito mula nang sakupin ng mga Briton ang Hong Kong noong 1841, marami sa mga gusali dito ay inayon sa kanilang nakagisnang disenyo.

Ang isa pang natatanging gusali ay ang Blue House, na matatagpuan sa Stone Nullah Lane, at abot- tanaw lang mula sa palengke ng Wan Chai. Sa kasalukuyan, ang gusaling ito ay sumasailalim sa preserbasyon at pag-aayos upang mapanatili ang dating anyo nito. Ang Blue House ay may tinaguriang Grade 1 historic building na ang ibig sabihin ay hindi ito maaring gibain o baguhin ang disenyo.

Ang lumang post office na daang-taon na.
Sa kahabaan ng Queen’s Road East naman ay matatagpuan ang Old Wan Chai Post Office na itinayo sa pagitan ng taong 1912 at 1913, at nagsilbing tanggapan ng koreo hanggang taong 1992.

Sa kasalukuyan, ito ang tanggapan ng Environmental Resource Centre. Ang gusaling ito idineklara bilang isang monumento mula pa noong Mayo ng taong 1990.

Sa di kalayuan ay mararating ang dating Lee Tung Street, na ngayon ay Lee Tung Avenue na. Matapos ang ilang taong negosasyon sa pagitan ng gobyerno at mga may-ari ng bahay at negosyo sa kahabaan ng kalsadang ito, isinagawa ang paggiba sa hanay ng mga tradisyunal na imprenta at iba pang kalakal dito noong taong 2007, alinsunod sa mandato ng Urban Renewal Authority. Sa kanilang dating puwesto ay itinayo ang The Avenue, isang gusaling tirahan at pang komersiyo na ngayon ay isa nang sikat na pasyalan.

Sa kabila nito, nananatili ang bansag sa Lee Tung Avenue na “wedding card street” dahil marami pa ring natitirang maliliit na pagawaan ng imbitasyon sa kasal at iba pang okasyon, bukod pa sa mga mga lai see packet at mga kalendaryo. Ang nawala lang ay ang imprenta ng mga pahayagan noon.
Para sa mga mahilig mag selfie, isang kakaibang background ang dulot ng pasyalang ito. Ang mga tansong imahe ng masasayang bata na naglalaro at makikita sa iba’t ibang bahagi ng makukulay na ilaw at lamparang nakasabit sa Lee Tung Avenue ay parang sadyang ginawa para pagandahin ang bawat litratong kinukunan dito.

Kung ang pamamasyal sa Wanchai ay nataon sa araw ng Linggo at napadaan ka sa Southorn Playground, tiyak na makakapanood pa ng mga Pinoy na na naglalaro ng basketball sa malawak na palaruang ito. Halos lingo-linggo ay may paliga ang mga grupo ng mga Pilipino na nahuhumaling sa larong ito.

Sa kabilang bahagi naman ng Wan Chai, matatagpuan sa 55 Ship Street ang Nam Koo Terrace, isang gusali na mas kilala bilang “The Wan Chai Haunted House”. Itinayo ito noong 1915-1921, at pag-aari ng isang mayamang negosyante mula sa Shanghai. Sinamsam ng bansang Hapon ang bahay noong ikalawang pandaigdigang digmaan at ginamit bilang bahay-aliwan ng kanyang mga sundalo. Dito ginahasa at paulit ulit na inaabuso ang mga “comfort women” na bihag ng mga Hapon. Dahil dito, sinasabing ang Nam Koo Terrace ay kinatatakutan dahil umano sa mga naririnig na panaghoy at hiyaw ng mga kaluluwang nagmumulto dito. Nananatiling bakante ang bahay na ito hanggang sa kasalukuyan.

Dinarayo din ng mga turista at dayo ang Star Street Precinct na malapit sa Three Pacific Place sa ibang kadahilanan. Dito matatagpuan ang mga makabagong bar at kainan na paboritong puntahan ng mga banyaga, katulad ng Soho at Lan Kwai Fong sa Central.

May apat na bahagi ang Star Street Precinct, ang Star Street, Moon Street, Sun Street at ang Wing Fung Street. “East meets West” ang tema ng mga gusali sa lugar na ito dahil karamihan sa mga kainan ay nasa loob ng mga lumang gusali na inayos at ginamitan ng makabagong disenyo.

Sakaling magutom habang namamasyal, maraming pagpipiliang kainan, mula sa Thai, Vietnamese, Cantonese, o Italian, at marami pang iba. Ano man ang gustong kainin, tiyak na may matatagpuang restawran na akma sa iyong panlasa.

Nakaaaliw na habang namamasyal, hindi lamang magagandang tanawin ang makikita, kundi mga lugar na may mayamang kasaysayan at kakaibang kuwento.

Maraming puwedeng sakyan papunta sa Wan Chai. Mula sa Central, maaaring sumakay ng MTR, bus 5B at 10, o di kaya ay sumakay ng tram papunta ng Causeway Bay, Happy Valley, North Point o Shaukeiwan.

Simulan ang pamamasyal mula sa Wan Chai market, at baybayin ang Queen’s Road East o ang Johnston Road upang marating ang mga lugar na ito na hitik sa kasaysayan.

Hong Kong Eye, ang atraksiyon ng Central

Posted on 23 September 2016 No comments

Ni Cris B. Cayat

Kung mayroong "London Eye" sa London, mayroon ding “Hong Kong Eye” na nagbukas noong Disyembre 6, bilang pang-akit sa maraming turista at lokal na mamamayang magagawi sa Central. Ang ferris wheel, o tsubibo na opisyal na tinatawag na Hong Kong Observation Wheel, ay may taas na 60 metro at may 42 gondola. Isa sa mga ito ay pang-VIP at may sahig na salamin. Sa halagang $100 para sa mga may gulang na at $70 sa mga bata, makikita ng sasakay ang nakapalibot na kagandahan ng Hong Kong.

Ang ferris wheel ay iikot nang mabagal tatlong ulit sa loob ng 20 minuto. Sapat nang panahon ito upang makita ng mga nakasakay nang walang harang ang apat na sulok ng Hong Kong mula sa itaas.
Ang pinakamainam na oras ng pagsakay sa tsubibo ay takipsilim, kung kailan papalubog na ang araw at nagsisipagsindi ang libu-libong ilaw ng mga gusaling nakapaligid at tila mga bituing nagkikislapan at nagpapaligsahan ng ningning.

Ayon sa pag-aaral ng mga grupong nagtayo ng ferris wheel, inaasahang may 2,740 katao ang sasakay sa dito at makakaragdag nang malaki sa turismo ng Hong Kong. Ang lokasyon ng Hong Kong Eye ay mainam dahil nasa Central ito at madaraanan ng mga turistang papunta sa Tsim Sha Tsui o di kaya’y patungong Hong Kong Island.

Ang tsubibo, na napapalamutian ng LED (light emitting diodes) sa buong balangkas nito, ay unang napabalita na magkakaroon ng “soft launch” noong Setyembre upang maiparanas sa madla ang naturang atraksiyon, ayon sa Harbourfront Commission, Hong Kong Tourism Board, mga kinatawan ng mga distrito at ng pamahalaan ng Hong Kong.

Ang Swiss AEX, ang kumpanyang gumawa ng naturang tsubibo, ay may tatlong taong kontrata upang gawin ang bagong atraksyon. Sinimulan nito ang paggawa noong June 2013, at nag-soft launch pagkaraan ng mahigit isang taon.

Ang tsubibo ay nakatayo sa isang bakuran na may sukat na 9,620 metro kuwadrado sa harap ng Pier 9 at 10 sa bagong Star Ferry Pier o Edinburgh Place Ferry Pier.

Ang daungan ay nakasanayan nang tawaging “Star Ferry” at ito ay ikatlong lokasyon na ng nasabing pantalan; ang nauna ay sa kinatatayuan ngayon ng Mandarin Oriental at ang pangalawa ay sa tabi ng General Post Office. Inilipat ang daungan noong 2007 sa bagong Edinburgh Place.

Ang clock tower na inilipat sa bagong pantalan ay naging sentro ng pagtatalo ng mga conservationist at ng gobyeno ng Hong Kong dahil gusto noon ng pamahalaan na gibain ang tore. Nauwi ang pagtatalo sa martsa na nagbunga ng maganda dahil inilipat ang orihinal na tore sa bagong kinatitirikan nito sa Edinburgh Place Ferry Pier, sa halip na gibain na lamang.

Ang Hong Kong Eye ay siyang pantapat ng Hong Kong sa London Eye at sa Singapore Flyer na higit na matataas ngunit naiiba ang hubog ng mga gondola. Ang London Eye ay may taas na 135 metro at ang Singapore Flyer ay may 165 metro. Ang hubog ng mga gondola ng dalawa ay parang kapsula at makakapaglakad sa loob ang mga sakay nito.

Sa taas na 60 metro, wala sa kalahati ng higanteng tsubibo sa London at Singapore ang Hong Kong Eye, at ang mga mga pasahero nito ay mananatiling nakaupo.

Ang bawa’t gondola ay  makakapagsakay ng walo hanggang 10 katao, at may koneksyon sa wifi. Ang Hong Kong Eye ay nagbubukas mula ika-11 ng umaga hanggang ika-11 ng gabi.

Ayon kay Luz Peñaranda, isang Pilipinong nakasubok na sa Hong Kong Eye, banayad lang ang pag-ikot nito at hindi nakakahilo, kaya nagalak siya at kanyang mga kaibigan nang sakyan nila ito. Sumakay sila banding ikaanim ng hapon kaya napagmasdan nila ng mabuti ang kagandahan ng Hong Kong, kabilang ang maraming ilaw sa paligid na sari-sari ang kulay at kumukutitap dahil magpapasko.

Sa magkabilang tabi ng ferris wheel may kanya-kanyang pakulo ang malalaking kumpanya gaya ng  Carnaval na nag-aalok ng maraming larong masasalihan sa entrance fee na $90 na may kasama nang mga token na nagkakahalaga ng $70.

Ang Carnaval na ititangkilik ng AIA ay bukas mula Dis. 23 hanggang Peb. 22. Sa kabilang gilid ng ferris wheel ay may pakulo rin ang Hongkong Telecom kung saan ang lahat ng kliyente nito ay makakapasok nang walang bayad.

Ang kinatatayuan ng Hong Kong Eye ay bahagi ng malawak na reclamation site sa harap ng City Hall at Central Post Office. Mula nang binuksan ang liwasan, maraming Pinoy nagpupunta roon, tumatambay, namamasyal, o di kaya’y nagdaraos doon ng malalaking programa.

Halimbawa, noong Dis. 7 ay ginanap sa likuran ng General Post Office ang isang malaking konsiyerto ng mga sikat na mang-aawit na Pilipino, kabilang na si Arnel Pineda. Sa araw ding iyon, itinanghal ng Benguet Federation ang Adivay, isang malaking pagdiriwang na dinaluhan ng mga kilalang tao mula sa probinsiyang iyon.

Noong Nob. 2, ipinagdiwang ng CorAll HK ang ika-16 na taon nito sa likuran ng Post Office. Bukod sa di gaanong dinaraanan ng tao, mas malawak ang lugar para sa community dance na pat-tong, na nangangailangan ng sapat na espasyo para maraming taong makakasali.

Doon din malapit sa City Hall pumupuwesto ang Friends of Bethune at iba pang mga grupo na dahil malawak at hindi pa matao ang lugar. Habang kanya-kanyang praktis sila dito at doon, nasaksihan nila ang pagbangon ng balangkas ng higanteng tsubibo hanggang sa ito ay nakatawag-pansin sa lahat.

Kapag naglilitratuhan, magandang lumugar sa harap ng City Hall at nakatalikod sa Hong Kong Eye dahil kahit na ilang metro ang layo ng tsubibo ay makukuhanan pa rin ito katabi ang isa pang higante, ang International Financial Center 2.

At kung ang nais ay maglakad-lakad lamang, maaaring baybayin ang tabing-dagat mula sa Bauhinia Square sa Wanchai hanggang sa Sun Yat Sen Park sa Western District. Samantalahin na rin ang pagkakataon na tumigil sa may Central at sumakay sa matayog na Hong Kong Eye para makumpleto ang inyong pamamasyal..

Mga pasyalan sa K-Town

Posted on 10 September 2016 No comments

Ni Gina N. Ordona

Dati nang matunog ang Kennedy Town sa mga Pinoy sa Hong Kong dahil nandito ang Bayanihan Center, na madalas na puntahan lalo na sa araw ng Linggo dahil sa iba-ibang pagtitipon ng mga organisasyon. Dito rin isinasagawa tuwing ikatatlong taon ang overseas voting ng mga Pilipino.
Ngunit ngayon, marami nang dahilan para magsadya sa Kennedy Town. Simula kasi nang magkaroon ng MTR dito, halos dalawang taon na ang nakalipas, ay marami na ang nagbago sa dating tahimik na distrito. Isang patunay na kaakibat ng tiyak na pag-unlad ang pagkakaroon ng maayos na transportasyon.
Kasabay nito ay maraming kabataan, mga bagong pamilya o dayuhan ang nahikayat na manirahan dito. Maging ang pangalan ng lugar ay naging makabago dahil at unti-unti na itong nakikilala bilang K-Town.
Sa loob ng maiksing panahon ay parang mga kabute na umusbong ang maraming kainan sa buong paligid ng K-Town. Kahit saang kanto ay nakahilera ang mga restawran na nag-aalok ng iba-ibang klase ng pagkain. Sa dami ng mapagpipilian ay siguradong makaakahanap ng akma sa panlasa.
Ngunit bago pa man tuluyang sakupin ng pagbabago ang K-Town, magandang dalawin ang ilan sa mga lugar na naging tahimik na saksi sa pag-unlad nito sa pag-usad ng panahon.
Bagamat maraming restawran ang naglipana, huwag palalampasin ang pagkakataon na makipagsabayan sa mga lokal na residenteng kumakain ng dim sum sa Sun Hing restaurant na nasa Smithfield road sa pagitan ng Catchick at Belcher road. Ang Sun Hing ay isa sa mga makalumang dim sum restaurant na natitira dito sa Hong Kong.
Maliit at masikip ang loob ang nabanggit na restawan kaya asahan na makipagsiksikan sa ibang parokyano habang kumakain. Walang Ingles na nakasulat sa karatula bilang pagkakilanlan ng restawran pero madali itong matagpuan dahil maraming parokyano ang matiyagang pumipila sa labas habang naghihintay na makapasok. Bukas ito mula alas-3 ng madaling araw hanggang alas-4 ng hapon.
Panay dim sum ang pagkain dito at ang mga tagasilbi ay hindi nakakaintindi ng Ingles pero huwag mag-alala dahil maari namang ituro lang kung ano ang magugustuhan. Maari ding kumuha ng order sa mga umiikot na tagasilbi na may dalang tray. Pero kung hindi pa rin sigurado sa gusto, tumingin lang sa mga kalapit mesa at baka maaring gayahin na lang ang kanilang order. Huwag kalilimutan na mag-order ng egg custard bun o lai wong bao dahil marami ang nagsasabi na dito daw matitikman ang “pinaka-best” sa Hong Kong.
Sa mga mahilig inaabot ng madaling araw sa pagliliwaliw, maaring puntahan ang maliit na fast good sa Belcher’s Street na ang pangalan ay Hor Hor Deem. Marami ang kumakain dito ng bandang hatinggabi o madaling araw. Sa parehong kalsada ay makikita naman ang Juk Gwun Ho, kung saan ang paboritong order ng marami ay ang kanilang umuusok na lugaw, na tinernuhan ng sariwang isda o karne.
Dito sa K-Town ay makikita ang maraming kainan na kayang-kaya ng bulsa, bagamat marami na rin ang naggandahan na restaurant na may karampatang presyo ang halaga ng mga sinisilbing pagkain.
Sa pagpapatuloy ng pamamasyal, maglakad lang ng ilang kanto mula sa Sun Hing at mararating na ang tabing-dagat. Aliwin ang sarili sa panonood sa mga nakahilerang namimingwit  o sa mga lantsa na dumadaan, kung hindi man ay baybayin ang tabing dagat at mamangha sa magandang tanawin.
Dito ay maraming mga kainan na European ang pagkaing sinisilbi, magmula sa French, Italian o Spanish. Karamihan ito ay nasa mga kalsada malapit sa tabing-dagat, katulad ng Davis at Catchick streets.
Pero kung talagang kaakit-akit na tanawin ang nais makita, bitbitin ang kamera o selfie stick at sadyain ang nakatagong hiyas sa K-Town, ang Sai Wan swimming shed.
Maaring sumakay ng bus no. 1 at bumaba sa Jockey Club Hostel bus stop pero para sa dagdag ehersisyo, ihanda ang sarili sa mahabang lakaran. Tahakin ang Victoria Road papunta sa direksyon ng Bayanihan at lampasan pa ito hanggang marating ang nabanggit na bus stop. Sundan ang hagdan pababa sa tabing dagat hanggang marating ang destinasyon.
Tunay na nakatagong ganda ang tanawin dito. May kahoy na tulay na nagsisilbing daungan ng mga malalakas ang loob na lumangoy o maligo sa sulfur channel. Meron ding kubol dito na gawa sa yero at napipinturahan ng berde. Sa loob nito ay may nakatalagang bihisan ng mga lalaki at babae. Meron din itong nakatalagang lugar para pag-iwanan ng mga personal na gamit ng mga naliligo.
Ang Sai Wan swimming shed ay ang siyang tanging natira sa mga swimming shed na ginawa daw noong 1950’s.  Wala pa raw swimming pool ng mga panahong iyon kaya nagpagawa ng mga swimming shed ang gobyerno sa ibat-ibang distrito ng Hong Kong.
Ngayon, may mangilan-ilan pa ring residente na lumalangoy lalo na sa umaga, at mga dumarayong litratista lalo na sa dapit hapon, para makunan ang paglubog ng araw at ang paghampas ng malakas na alon sa maalalaking bato.
Marami din ang sadyang pumupunta lang sa lugar para kumuha ng litrato o mag-selfie habang nakatayo sa tulay. Kung sakaling pumunta sa dapithapon ay maaring maghintay ng matagal sa pila bago makatayo sa tulay.
Walang tindahan na malapit dito kaya huwag kaliligtaan na magdala ng inumin na kakailanganin matapos akyatin ang matarik na hagdan pabalik sa sakayan ng bus.

Monet’s masterpieces at HK’s Heritage Museum

Posted on 01 June 2016 No comments
By Vir B. Lumicao

If Claude Monet were around today, he would most likely be displaying in an exhibition of his works  an image of Lek Yuen Bridge arching slightly in a shroud of warm, light and dark colors across Shatin’s Shing Mun River.
The French painter called his style, introduced in 1860, as Impressionism, or the use of dabs and strokes of primary unmixed colors to simulate on canvas actual reflected light on natural objects.
The style soon became a movement that other masters such as Edgar Degas, Edouard Manet, and Pierre-Auguste Renoir embraced as they broke away from the Realists of the era.
Now, art lovers in Hong Kong need not spend a fortune to travel to France and elsewhere in Europe to see one of the biggest collections of Monet’s paintings ever brought to the territory. The priceless art collection, all 17 masterpieces, can be viewed up close at the Heritage Museum in Shatin
Compared with at least $20,000 a Hong Kong individual spends on a trip to Paris to view the masterpieces at the Louvre, ticket prices at the Shatin museum starts at $5 for students, persons with disabilities and seniors on Wednesdays and $10 for adults.
On regular days the prices double. The museum is closed on Tuesdays
The exhibition, dubbed “The Spirit of Place –A Walk-through into the Art of Claude Monet,” opened on May 4 and ends on July 11
On display are the artist’s most emblematic and predominantly oil on canvas obras including Nymphéas, Break-Up of the Ice at Vétheuil, facing Lavacourt, Water Lilies, Effect of Spring, Giverny; Water Lily Pond in Giverny, and The Houses of Parliament, and Wisteria.
The works were his mental snapshots of the places around France and across Europe where he painted. Only one of them was done in pastel, a rarity in Monet’s time.
“His works explore all possible viewpoints, seasons and variations of the beautiful nature. Capturing the momentary effects of light, atmosphere and imperceptible details illuminating a landscape’s spirit, we can understand his appreciation of nature and his transformation from simple illustration of places to series of paintings and modern art in this exhibition,” said the Heritage Museum in its introduction to the exhibition.
Monet was inspired by the colors of nature, and he found these sources of great inspiration in his garden in Giverny, from which he had made scores of drawings and paintings. As he tended his garden, he came to discover its wealth.
“I must have flowers, always, and always,” he wrote in one essay about his works, saying his garden was his greatest masterpiece and “color is my daylong obsession, joy, and torment” in another.
While doing his series on “The Houses of Parliament” in London, he used variations of bright and dark color combinations to capture different moments and moods on a single object. He said he “jotted down the colors I thought I could see in the water”.
The blending of mountains, greenery and modern civilization in Shatin, where the Shing Mun River cuts a watery path to Tolo Harbour, would have inspired the artist further were he alive today and lived next to nature. For his appetite for beauty was boundless.
“Every day I discover more and more beautiful things. It’s enough to drive one mad. I have such a desire to do everything, my head is bursting with it,” Monet had said.
For art lovers in the Filipino community in Hong Kong, here is a once in a lifetime opportunity to savor some of the genius’ paintings and be a part of his beautiful world.
And for a price just half of a Café de Coral lunchbox, the gallery also offers guests free entry to the Bruce Lee museum and an exhibit of ancient Chinese ceramics, many of which date back to the Han dynasty in the second century.

Ang talon sa Tai Tam Mound

Posted on 29 April 2016 No comments
Ni Marites Palma


Kapag sawa na sa mga dating tambayan, o pagod sa walang tigil na balitaktakan tungkol sa eleksyon, galugarin ang kabundukan ng Hong Kong, at hanapin ang mga naggagandahang talon na kadalasang makikita malapit  sa mga ilog at sapa. Sa mga kabundukang nadadamitan ng kulay berdeng mga punong kahoy ay matatagpuan ang mga dose-dosenang talon ng tubig na ang karamihan ay nakatago, at parang nang-aakit na hanapin sila.
Lingid sa kaalaman ng marami ay sadyang pinagkalooban ang Hong Kong ng mga natural na mga magagandang tanawin na paboritong galugarin ng mga mahilig mamundok at mag diskubre ng kakaibang lugar. Kahit gumugol pa sila ng ilang oras sa paglalakad sa mga matatarik na kabundukan ay hindi nila alintana, marating lang ang mga talon na ito na tunay na nakakawala ng pagod dahil sa angking ganda.
Kung baguhan sa pamumundok ay may paraan para hindi masyadong mapagod, basta alam mo lang mga lugar na malapit sa babaan ng bus.
Isa sa mga ito ang kilalang Taitam Mound Falls, na mararating mula sa pinakamalapit na bus stop matapos lang ng 15 minutong paglalakad. Hindi ito mahirap hanapin, at tunay na kaiga-igaya ang daan papunta dito.
Habang naglalakad papasok sa kakahuyan ay agad mararamdaman ang malamig na dampi ng preskong hangin, na sapat na upang mapakalma ang isip at puso. Sa daraanan ay makakakita  ng mga iba’t ibang kulay ng paru-paro, na maamo at hindi nangingiming dumapo sa mga naglalakad.
Kadalasang layunin ng mga nagpupunta sa talon ay ang makapaligo sa napakalinis na daluyan ng tubig, at nang maibsan ang init na nararamdaman dahil sa paglalakad, lalo na tuwing  panahon ng tag-init.
Isang paraan din ito upang maibsan ang kalungkutan ng mga taong hirap sumabay sa daloy ng buhay sa Hong Kong, at pati na ang mga OFW na nais makalimutan kahit saglit lamang ang bigat ng kalooban dala ng pagkahiwalay sa pamilya at iba pang mga mahal sa buhay.
Ang isa pang nakakaaliw sa pagpunta dito ay ang libreng fish spa na nakikita lamang sa mga mamahaling resort sa ibang lugar. Maraming maliliit na isda ang nakatira sa napakalamig at napakalinaw  na tubig dito, at gawi nila ang kumain ng mga tuyong balat sa paa. Oras na lumusong ka sa tubig ay sasalubungin ka kaagad ng mga isdang ito.
Swak na swak din ito sa mga mahilig magkainan dahil nagkalat ang mga barbecue pit sa lugar. Mahigpit lang na ipanapaalala ng gobyerno ng Hong Kong na huwag magkalat o magtapon ng mga pagkaing hindi naubos. Kung kinayang dalhin ay kakayanin din dapat bitbitin pabalik sa pinanggalingan.
Mula sa magandang lugar na ito ay matatanaw ang kabuuan ng Tai Tam Reservoir, na nagsisilbing imbakan ng tubig para sa mga residente ng Hong Kong island. Ito marahil ang isa sa mga pinakamagandang tanawin dito sa Hong Kong, dahil sama-samang nakikita ang mga bundok, dagat at kahuyan.
Paano ang pagpunta sa talon na ito sa mala-paraiso nitong kapaligiran? Simple lang. Sumakay ng MTR island line hanggang sa istasyon ng Sai Wan Ho, at lumabas sa exit A. Sa bungad ay makikita na agad ang bus stop kung saan maaring sumakay sa bus no 14 patungong Taitam Reservoir North. Ang madadaanang dam ang senyales na kailangan nang bumaba sa susunod na bus stop kung saan mayroong kulay asul na bilog na nakalagay sa poste ng hintayan. Aabot ng 20 minuto bago marating ang  tinutukoy na bus stop. Pagbaba sa bus ay magsimula ng maglakad, sa direksyong pasalubong sa mga sasakyan. Doblehin ang pag-iingat habang naglalakad sa daan dahil walang sidewalk at lubhang delikado sa paglalakad lalo na kung may mga parating na malalaking bus. Maglakad hanggang sa sign post na nagsasabing doon ang daanan papunta sa talon. Aabot  ng 12-15 minuto na lakad mula sa kalsada hanggang sa sapa na pinanggalingan ng tubig na bumabagsak sa mataas na talon.
Diretsuhin lamang ang paglalakad hanggang marating ang unang maliit na tulay na gawa sa kahoy. Pwedeng maglaro ng tubig sa sapa na ma mga malalaking bato, at maliliit na talon. Napakagandang magpakuha ng larawan sa bungad ng nabanggit na talon. Mawawala agad ang konting pagod sa oras na inilublob mo na ang iyong mga kamay at paa sa umaagos na malamig at malinis na tubig galing sa kabundukan. Maari ding magdala ng konting pagkain at doon magpicnic kasama ang mga kaibigan. Bungad pa lamang ay kitang kita na ang kagandahan ng pook na ito, kaya hindi malayong magpasalamat sa Poong Maykapal dahil sa kanyang mga likas na magagandang likha.
Mula sa unang tulay ay kailangan pang maglakad ng 50 metro hanggang sa makarating sa poste na may tatak na H067. Diretso pa rin ang lakad hanggang sa pangalawang tulay na gawa sa kahoy din. Dito ay kailangan munang lumiko pababa sa kaliwa bago makaakyat sa hagdanan. Limang minuto din ang gugulin sa paglalakad pababa.
Kung gusto na tunay na ma-relax ay maaring magtanggal ng sapatos para maramdaman ang mga nakausli at magaspang na mga malalaking bato. Medyo maputik nga lang ang mga ugat ng kahoy. Nakakagaan ng pakiramdam kapag nagyapak pababa, at ramdam na ramdan na ang tunog ng nahuhulog na tubig mula sa taas.  Pagdating sa talon ay siguradong walang puknat na kuhanan ng litrato ang agad aasikasuhin ng bawat isa.
Napakasarap sa pakiramdam na dadampi sa iyong pisngi ang talsik ng tubig na nanggaling sa taas. Napakagandang lumangoy sa parteng  malalim, ngunit ang dami ng tubig na nanggaling sa taas ay depende sa dami ng tubig ulan.
Kailangan ding tingnan muna ang weather forecast bago magtungo dito dahil nagkakaroon ng flash flood kung minsan kapag malakas ang bugso ng ulan.
Sa lagusan ng tubig ay may naglalakihan na namang bato na pwedeng gamitin na background para sa selfies at iba pang litratohan.
Ang tubig na nanggaling sa talon ay bumabagsak sa Taitam Reservoir. Kitang kita dito ang mga  maliliit na isda na malayang lumalangoy sa mga gilid gilid ng mga batong naglalakihan. Kapag nakuntento na sa pagkuha ng larawan at nakapaligo na ay bumalik lang sa dating dinaanan dahil doon din ang akyat pabalik.
Pagdating sa unang tulay kung saan umaagos ang tubig ay maaring maghugas, at pagkatapos ay magpatuyo ng paa bago isuot ang sapatos.
Kakaibang ngiti sa labi ang masisilayan sa mukha ng mga pabalik na mula sa pagbisita sa talon. Tanda ito ng pagkakaroon ng magaan na pakiramdam at magkakaroon ng planong mamumundok ulit sa ibang lugar at muling maghanap ng mas maganda pang talon dito sa Hong Kong.

Halinang magpidal sa Shatin-Taipo Track

Posted on 14 April 2016 No comments
Ni Marites Palma

Ang pagbibisekleta ay isa sa mga paboritong libangan ng mga naninirahan sa Hong Kong, dahil maliban sa magandang epekto nito sa katawan ay nakakaaliw din ito. At isa sa pinakamadalas puntahan ng mga siklista ay ang Shatin-Taipo Cycling Track.
Maraming magagandang tanawin kasing masisilayan habang tinatalunton ng isang siklista ang kahabaan ng 16-kilometrong cycling trail na matatapos sa tatlong oras na pagpapadyak.
 Makikita sa daanang ito ang matatarik na kabundukan at magagandang aplaya sa New Territories, ang lugar na pinagmulan ni dating world cycling champion Wong Kam Po.
Maaaring mag-umpisa sa Tai Wai. Doon ay may arkilahan ng bisikleta sa tapat ng Exit A ng Tai Wai MTR station. Pagkatapos umupa ng bisikleta ay maaari nang tuntunin ang cycling track patungong Shing Mun River.
Makikita rito ang pinagandang ilog na iniakma sa pag-unlad ng distrito ng Shatin, na dati ay isang pamayanan ng naninirahan sa pampublikong kabahayan. Ngayon, ang lagusan ng ilog ay ang Tolo Harbour na ang magkabilang pampang ay siyang bumubuo sa isang recreational zone na may mga jogging trail at cycling track.
Sa Shing Mun River ginaganap ang taunang karera ng mga bangka tuwing sasapit ang Dragon Boat Festival. Mula sa Shing Mun River ay madaraanan ang Hong Kong Heritage Museum, kung saan tampok ang mga sinaunang kayamanang pangkultura ng China at ang pinakamalaking replica ni Bruce Lee. Ilang padyak mula roon, sa kabila ng ilog, ay tanaw ang Che Kung Temple.
May mga parke rin doon na ginagawang tambayan ng ilang mga Pilipino tuwing araw ng pahinga. May mga kainan din sa tabi ng museum na kadalasang kinakainan ng matatanda at mga nagku-kwentuhang mga Pilipina.
Nakatutuwa ring pagmasdan ang mga grupo ng matatandang namimingwit ng isda dahil nagpaparamihan sila ng nabibingwit at nagkakantiyawan. Maraming isda na karaniwa’y tilapia at banak sa Shing Mun River.
May apat na kilometro mula sa Tai Wai ay paahon na ang cycling track habang binabaybay ang timog na pampang ng Tolo Harbour. Doon ay makikita ang Hong Kong Science Park, isang kumpol ng magagara at makikinang na gusaling bakal at salamin.
Tinawag na state-of-the-art ang arkitektura ng Hong Kong Science Park, ang sentro ng pagtuklas sa agham at teknolohiya dito sa SAR. Kadalasang nagaganap ang pagtitipon at pagtatanghal ng mga bagong tuklas na kaalaman sa siyensiya at teknolohiya, gayundin ang mga bagong imbensiyon.
Makikita rin ang isang napakaganda ngunit artipisyal na lawa at mamamangha ka dahil hindi mo aakalaing ginawa lamang ng tao.
Maluwang na ang daan kapag nakarating ka na sa Pak Shek Kok.  Maaliwalas na rito at maaaring magpahinga sa mga upuang nakaharap sa Tolo Harbour. Mula sa kilalang trail na ito, mapapahanga ka sa ganda ng bundok ng Ma On Shan.
Isinunod ito sa malaupuang hugis ng tuktok ng bundok na namamasdan sa katapat na baybayin. Diretso ka pa at mararating mo ang maharlikang tanawin ng Pat Sin Leng, na literal na ipinangalan sa “Ridge of the Eight Immortals”. Kakaiba ito dahil ang walong taluktok ng bundok ay nakahilera.
Ilang saglit na lang at matatapos na ang pagpipidal ng bisikleta sa Tai Po Waterfront. Mula sa pinakamalaking liwasan sa lungsod ng Taipo ay sasalubong sa iyo ang halimuyak ng makukulay na bulaklak.
Dito ang perpektong lugar sa pagpapalipad ng saranggola. Matutunghayan din ang iba’t ibang klase ng insekto mula sa Insect House. Mayroong teatro sa labas malapit sa hugis-bangkang languyan.
Tanaw ang kagandahan ng Tolo Harbour kapag tumuntong ka sa 32 metro ang taas na Lookout Tower na parang higanteng kabibe and hugis.
Mula sa Tai Po harbour ay puwede nang maglakad papunta sa MTR Tai Po Market station. Dumaan sa Tai Po Tai Wo Road at Nam Wan Road. Maaari ring sumakay sa bus 275K sa Yuen Shun Roadpapuntang MTR Taipo Market station, ngunit ito ay tuwing Linggo at espesyal na holiday lamang

Pasyalan at kaalaman sa Tung Chung North Park

Posted on 31 March 2016 No comments
Ni Jo Campos

Lubhang nakalilibang ang pamamasyal sa iba’t-ibang lugar, lalo na kung kasama mo ang iyong mga kaibigan. Ang paboritong puntahan ng marami ay ang mga beach, lalo na sa panahon ng tag-init. Ngunit dahil kakaiba ang haba ng taglamig ngayon dito sa Hong Kong, mukhang mas kaiga-igaya ang paglalakad.
Maraming lugar dito ang kagigiliwan ng mga mahilig maglakad ngunit hindi gaanong matiyaga, o mahina ang kakayahan na umakyat sa matatarik na lugar at bulubundukin. Karamihan sa mga ito ay nasa New Territories, na malayo sa maingay at mataong siyudad ng Hong Kong, at kung saan mas presko at sariwa ang simoy ng hangin.
Isa na dito ang Tung Chung North Park, na may 3.8 ektaryang lawak ang lakaran. Ang parke na nasa Man Tung Road, Tung Chung, ay may mga pasilidad para sa lahat, mapa bata o matanda.
May malawak itong palaruan sa mga bata, na maaari ding gamitin na lakaran ng mga may edad na. Mayroon din ditong soccer pitch para naman sa mahihilig sa palarong ito.
Ang isang tahimik na bahagi nito ay nakalaan naman sa mga matatanda, na kung tawagin ay Elderly Fitness Corner. Dito makikita ang mga gamit pang ehersisyo na naaayon sa kanilang edad at kakayahan. Sa mga mahilig naman sa pag-aalaga ng aso, may isang malawak na hardin kung saan maaring pakawalan ang mga alagang hayop upang ang mga ito ay makapaglaro.
Kung ang hilig naman ay pag-eehersisyo, ang Trail of Health na matatagpuan din sa loob ng malawak na parke ay may jogging trail, at pebble walk para sa mga gustong ma-ehersisyo ang talampakan at binti. Kailangan lang na maglakad dito nang nakayapak, para madama ang ginhawang dulot mga batong nakausli sa semento na may iba’t-ibang hugis at laki. Ito ay naayon sa siyensa ng reflexology, na nagtatakda na ang bawa’t bahagi ng talampakan ng tao ay may kaugnayan sa iba-ibang bahagi ng kanyang katawan, Sa isang tagong bahagi naman ng Tung Chung North Park ay matatagpuan ang isang Chinese herb garden. Ang mga halamang ginagamit sa panggagamot ng ayon sa traditional Chinese medicine ay matatagpuan dito. Bawat halaman ay may katabing nakapaskel na impormasyon tungkol sa kung anong sakit ang maari nitong pagalingin. Hindi lang mga simpleng sakit ang ginagamitan ng mga halaman dito, kundi pati na rin ang mga malalang karamdaman katulad ng cancer. May exhibition hall din dito, kung saan makukuha ang karagdagang kaalaman sa mga halamang gamot.
Bukod sa pagliliwaliw, nakakatulong din ang pamamasyal sa parkeng ito upang mapalawak ang ating kaalaman tungkol sa kung paano natin mapapanatili ang ating kalusugan.
Maari ding tapusin ang pamamasyal sa pamamagitan ng pamimili sa Citygate Outlets na matatagpuan sa bukana pa lang ng Tung Chung MTR station. Paboritong bilihan ito ng mga turista, o iyong mahihilig sa mga branded na gamit na bagsak presyo. Kabilang sa mga may factory outlet dito ay ang Coach, Ralph Lauren, Armani, Furla, at iba pang mamahaling brand ng mga damit, sapatos at bag.
Kapag nagutom naman at napagod sa pag-iikot o pamimili ay maaaring kumain sa isa sa mga restaurant sa isang malaking food court sa mall. May Korean, Japanese, Thai, Vietnamese o Chinese na kainan dito.
Malapit din dito ang Ngong Ping 360 cable car na paboritong sakyan ng mga namamasyal patungo sa Po Lin Monastery kung saan matatagpuan ang isa sa pinakamalaking Buddha sa buong mundo.
Tiyak na sulit ang maghapong pamamasyal kung dito sa sa parteng ito ng Tung Chung magagawi.
Mararating ang Tung Chung North Park mula sa Central MTR Station patungong Tung Chung Station. Lumabas sa Exit C at pumasok sa Citygate at doon maglakad patungo sa parke.

Don't Miss