Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Showing posts with label Tribong Pinoy. Show all posts
Showing posts with label Tribong Pinoy. Show all posts

Global Alliance- Itinatatag ng pagkakaisa

Posted on 29 April 2016 No comments
Sumusumpa sa tungkulin ang mga opisyal ng bagong organisasyon.
Ni Jo Campos

Sa laki ng komunidad ng mga Pilipino dito sa Hong Kong, maraming organisasyon ang naitatag, nabuwag at patuloy na itinatatag. May mga organisasyon na binubuo lamang ng ilang mga kasapi, ang iba nama’y mga malalaking alyansa ng mga mula sa iba’t ibang probinsiya at rehiyon ng Pilipinas.
May iba’t ibang konsepto at adhikain din ang mga grupong kinabibilangan ng mga Pilipino dito sa Hong Kong, at sila ay aktibo sa kanilang mga gawain. May mga grupong mga patimpalak katulad ng pagandahan ang madalas na itinatanghal. Mayroon namang   palakasan ang tutok, o pulitika at pakikibaka para sa karapatan ng mga migranteng Pilipino. Ang ilan nama’y sa pangkultura at paglilingkod sa komunidad ng mga Pilipino at pagbibigay ng boluntaryong serbisyo sa Konsulado ang ginagawa.
Magkakaiba man ang kanilang adhikain, iisa ang kanilang layunin, ang magbigay ng kaalaman at makiisa sa grupo ng mga Pilipino sa Hong Kong.
Ang Global Alliance ay isa sa mga bagong tatag na grupo, bagamat ang mga lider nito ay beterano na sa larangan ng pag-oorganisa. Mayroon itong 34 na indibidwal na organisasyon at tatlong pederasyon: ang Luzon Alliance International, La Union Federation at Ilocos Norte Association of Hong Kong.
Sa ilalim ng bawa’t pederasyong nabanggit ay marami pang ibang grupo. Ang LAI ay may 25 kaalyadong organisasyon, ang Lufoh ay may 14, at ang InaHK ay may 10.
Itinatag ang Global Alliance noong Dis 25, 2015, at nakuha ang kanilang lisensiya sa ilalim ng Hong Kong Police Societies Ordinance noong Peb. 29 ng kasalukuyang taon.
Bago ito, tumiwalag ang 32 kaalyadong organisasyon ng Philippine Alliance at sumama sa GA. Ayon kay Leo Selomenio, chairperson ng GA, anomalya sa pamumuno at hindi pagkakasundo ng mga miyembro ang nagtulak upang ang karamihan ng kaalyadong grupo ay tumiwalag sa nasabing organisasyon.
Si Selomenio ay naging pangulo ng PhilAlliance sa loob ng tatlong taon at ang yumaong si Nazzer Ampang ang chairman nito. Lumala ang lamat sa loob ng grupo nang yumao si Ampang at nagkanya-kanya ang mga nakapailalim dito.
Ayon pa kay Selomenio, noon na nagpasya ang mga pinunong miyembro ng alyansa na bumuo ng isang bagong grupo na ang pangunahing layunin ay pagkakaisa.
“Ako lang daw ang tagapagtanggol nila at nakiusap sila, kaya binuo namin ang Global Alliance,” sabi ni Selomenio. “Masakit man na lisanin ang aming pinanggalingang grupo, pero mabuti nang naghiwa-hiwalay kami kesa magsama na hindi nagkakaunawaan. Maraming hinanakit at sama ng loob sa akin lalo na sa aking kasamahan na nagbuhos ng hirap para lang maitaguyod ang dating alyansa.” ang sabi ni Selomenion.
Dagdag pa niya: “Sa kabila ng lahat ng ito, ang pagkakaisa pa rin ang nanaig sa mga miyembro upang bumuo ng isang alyansang magpapatuloy ng kanilang mga adhikain”. Ang Global Alliance na binubuo ng 15 mga pinuno nito ang naging kasagutan sa hiling na ito.
Sa pangunguna ni Selomenio bilang chairman, nakahanay agad ng pagkakaabalahan ang mga miyembro ng GA, kabilang ng pagsasawa ng malalaking kasiyahan sa Chater Road sa Central.
Kamakailan, nag-umpisa na rin silang tumulong sa pamamahagi ng OEC sa extension office ng Philippine Overseas Labor Office sa Worldwide Plaza sa Central. May ilan pa silang mga susunod na proyekto bilang ayuda sa bagong labor attache na si Jalilo de la Torre.
Sa kagustuhan na makatulong sa mga kapwa nila OFW na nangangailangan, nag desisyon ang GA na magkawanggawa para sa Bethune House Migrant Women’s Refuge.
Handa din silang maghatid ng tulong sa iba pang mga kababayan na nangangailangan.
Bukod dito, nananatiling nakatutok ang GA sa kanilang adhikain na itaas ang dignidad at paigtingin ang pagkakaibigan at pakikisama ng mga OFW dito sa Hong Kong. Balak nila itong isagawa sa pamamagitan ng pagtaguyod ng kulturang Pilipino, gayundin ang pagbibigay ng kaalaman sa kapwa Pilipino tungkol sa reintegrasyon at pangkabuhayan.
Patunay ang lahat ng ito na ang galing o halaga ng isang organisasyon ay hindi nasusukat sa dami ng mga miyembro nito, o tagal ng pagsasama, kundi sa kung gaano katatag ang mga namumuno.

Mga Pinoy na online sellers

Posted on 14 April 2016 No comments
Ni Daisy CL Mandap

Kapag napadpad sa may exit A-B ng MTR Central station lalo na kapag araw ng Linggo, pansinin ang mga Pilipinang nag-uumpukan sa paligid. Malamang na makakakita ng isang may dalang maleta o malalaking bag, at pinagkakaguluhan ng mga kapwa Pilipina. Subukang lumapit, at tiyak na tatambad sa iyo ang isang online seller, o iyong naglalako ng mga paninda sa pamamagitan ng Facebook o iba pang social media sites sa internet.
Ang exit na ito sa Central station ang paboritong "meet-up place" o tagpuan ng mga nagtitinda at namimili ng mga iba-ibang klase ng produkto sa pamamagitan ng internet, lalo na yung mga Pilipina.
Kahit anong bagay ay maari na ngayong mabili sa internet, magmula sa make-up, bra, bedsheet, hanggang sa mga lumang sapatos, bag at damit. Malaki ang pagkakaiba ng presyo ng mga paninda dito, mula sa mga branded bag na nagkakalahaga ng ilang libong dolyar, hanggang sa maliliit na bagay katulad ng hair clip na $5 pataas ang presyo. Meron ding mga libreng gamit sa bahay na kailangan lang kunin ng mabilis dahil paalis na sa Hong Kong ang may-ari.
Nguni't hindi katulad ng mga ibang naglalako sa paligid, ang mga paninda nila ay "reserved" na, na ang ibig sabihin ay iaabot na lang dito kapalit ng bayad.
Kung medyo mahal ang paninda, na ang ibig sabihin ay mga $200 pataas, malamang na magtagal nang kaunti ang usapan dahil iinspeksyunin muna nang maigi ng bumibili ang paninda, para matiyak na katulad ito nung naka-post na litrato, o kung may mga sira o depekto na hindi ipinakita ng nagbebenta.
Kung hindi naman kamahalan, kadalasan na kaliwaan na lang ang nagiging transaksyon, na ang ibig sabihin ay bayad agad pagka-abot ng paninda.
Karamihan sa mga tinderang Pilipina ay hindi tunay na pangalan ang ginagamit sa Facebook, dahil malamang na sila ay mga domestic helper, kaya bawal ang pumasok sa ibang trabaho, katulad ng pagtitinda.
Kadalasan na ang ibenebenta nila ay mga bagong sapatos at damit mula sa China. Ayon sa ilan sa kanila katulad ni Jocelyn (hindi tunay na pangalan), patinda lang daw ito ng kanilang amo, at binibigyan lang siya ng mula $10 hanggang $20 sa bawat pirasong bra o bra set na maibenta niya. Pero mayroon din na sila mismo ang namumuhunan mula sa mga tinderang Intsik na kumukuha ng paninda diretso mula sa Shenzhen. Dahil may itinatayang pera, mas malaki ang kanilang ipinapatong. Bawat pirasong blouse o damit na maibenta nila ay may dagdag na mula $30 hanggang $50 kaya malaki rin ang kanilang kita, lalo na at mga siguradong order lang ang kanilang kinukuha. Ibig sabihin, sa isang Linggo na makapagpasa sila ang order na isang dosenang damit, may kita na sila agad na mula $300 hanggang $600. Sa dalawang dosena ay sambot na nila ang kita nila sa isang linggong pagkukuskos.
Mas marami naman sa mga Pilipina ang namimili at nagpapasa ng mga gamit o lumang damit at sapatos, katulad ni M.B.. Ayon sa kanya, karamihan ng ititinda niya ay kinukuha niya sa isang grupo ng Pakistani na namamakyaw ng mga hindi nabentang tinda ng isang nagsasarang tindahan ng sapatos o bag. Ang iba naman ay malamang na itinapon na at pilit pinapaganda ng mga nagbebenta para makakuha ng mataas na presyo. Nililinis ng mga Pakistani ang mga tindang sapatos, at kung minsan ay pinapalitan pa ng takong o dinidikitan ng tatak ng mamamahaling brand para mas mahal maibenta.
"Maliit lang ang tubo ko, mga $20 hanggang $30 lang bawat piraso, pero mas maigi na ito kaysa magtinda ng lumang dyaryo," sabi ni M.B, "Wala ka pang takot na masiumbong sa pulis ng mga matatandang Intsik na kakumpetensiya mo sa raket".
Ayon kay M.B. nabaon siya sa utang dahil sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya kaya kahit alam niyang delikado ay pinasukan niya ang online selling.
Ang iba naman ay sadyang mahilig sa mga damit at sapatos kaya pinasok ang pagtitinda at nang makapamili ng kanilang gusto, at kumita na din.
Ayon kay May na pirming mga de-tatak ang ibinebenta, marami sa mga paninda niya ay "type" din niya, kaya lang ay lubhang marami na rin ang naipon niya para sa sarili kaya masakit man sa loob ay ibinebenta na niya ang ilan.
Kapag nakuha niya ng bagsak presyo ang isang bag na Burberry, halimbawa, tumutubo siya ng mahigit $100 kada piraso, kaya madali niyang mabawi ang pinupuhanan niya para sa sariling hilig.
Suwerte din siya dahil marami daw siyang mga suki na residente kaya madali niyang maipasa ang mga tinda niya sa presyong naglalaro sa $500 pataas.
Gayunpaman, katulad ni M.B. ay maingat si May sa pagpili ng titindahan dahil alam na bawal sa isang domestic helper katulad nila ang pumasok sa ibang trabaho sa Hong Kong.
Kamakailan lang ay kumalat ang balita tungkol sa dalawang Pilipina na kinasuhan ng HK Immigration ng illegal work matapos magbenta ng cream sa mukha sa mga customs agent na nagpanggap na buyer ng kanilang produkto na ibinibenta nila sa Facebook. Bagamat nabasura ang kaso sa kawalan ng sapat na ebidensya, nananatili pa rin ang takot sa marami.
Lalo pang nadagdagan ang kanilang agam-agam nang ang MTR naman ang magbabala noong Setyembre lang na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda sa loob ng mga istasyon nito. Ayon sa isang ipinaskel na babala, papatawan ng hanggang $5,000 multa ang sinumang mahuling lumalabag sa patakaran na ito. Dahil dito ay ilang linggo din na iniwasan ng mga nagtitinda ang pakikipagkita sa loob ng MTR ngunit hindi ito nagtagal dahil wala namang nababalita na may nahuli na sa mga nag-aabutan ng paninda doon.
Paboritong tagpuan ng mga nagnenegosyo, hindi lang mga Pilipino, ang mga istasyon ng MTR dahil maaaring mag-abutan ng paninda nang hindi kailangang lumabas at magbayad ng mas malaking pamasahe. Dahil sa ganitong kalakaran naman, nagsisikip ang mga lugar palabas sa mga istasyon, kaya naghigpit ang MTR laban sa mga nagtitinda. Idagdag pa dito na mas malaki sana ang kikitain ng kumpanya kung ang mga nagdadala ng paninda ay nagbabayad sa bawat istasyon na lalabasan nila.
Ang isa pang pinakaiiwasan ng mga nagtitinda ay ang mahuli na nagtitinda ng mga pekeng gamit. Hindi lingid sa kanilang kaalaman na lalong mahigpit ang mga awtoridad sa nagbebenta ng mga peke kaya pinakaiingatan nila na hindi sila maaresto at makulong ng dahil dito. Marami din naman sa mga nagbebenta sa FB ang agad na nagsasabing "good copy" lang ang kanilang itiitinda para hindi masira sa mga mamimili.
Matatagpuan ang marami sa mga Pilipino na online seller o reseller sa mga FB page katulad ng "HK Buy and Sell". "Buy, Swell, Swap", "Swap-it HK" at marami pang iba. May mangilan-ngilan din na nagbebenta sa pamamagitan ng libreng website ng AsiaXpat, geoexpat, alibaba, eBay at iba pang malalaking grupo na gumagamit ng internet para magbenta ng produkto at serbisyo.
Dahil walang binabayarang mahal na renta para sa tindahan, nagagawa ng maraming online seller na magpresyo ng higit na mababa kaysa sa mga shop. Halimbawa, ang 20 piraso na maninipis na balabal ay ibinebenta lang ni Cathy, isang Intsik na namimili ng pakyawan sa China, sa halagang $160, o $8 bawat piraso. Sa mga tindahan ay hindi bababa ang presyo ng mga ito sa $30 bawat isa. Dahil sa baba ng presyo niya, marami sa mga bumibili kay Cathy ay  mga Pilipina na ibinebenta rin sa iba ang binibili sa kanya.
Ang pagbebenta na hindi na idinaraan sa ahente o tindahan ang isa pa sa mga nakakatulong para maibaba ang presyo ng mga bilihin sa online.
Para naman sa isang mamimili, hindi na kailangan pang makipagsiksikan sa mall at umubos ng ilang oras para lang makita ang mga gusto o dapat bilhin. Menos gastos na, menos pagod pa rin.
Sa kabila nito, hindi pa rin maitatanggi na ang pagbebenta ng isang DH, sa online man o sa iba pang paraan, ay ipinagbabawal sa batas, kaya laging dobleng ingat sila dapat.
Kung hindi man, dapat ay itigil na lang nila ito, o kaya ay ipadala sa Pilipinas ang mga pinamili at doon ibenta.
Sa kahit ano mang trabaho o negosyo, isang malaking kaginhawaan ang malaman na walang patakaran o batas na nilalabag para lang kumita.

The Optimists

Posted on 31 March 2016 No comments

Ni Marites G. Palma

Ano ang sikreto ng tatlong magkakaibigan na dating lampas-ulo ang mga dinadalang problema ngunit ngayon ay nakakapagsabi nang stress-free na sila?
Paano nila natutuhang maging positibo sa buhay at masayahin sa araw-araw gaano man kabigat ang kanilang trabaho at gaano man kamaldita ang mga among pinaglilingkuran nila, at makuhang ngitian ang lahat ng kanilang mga  nakakasalubong sa daan?
Mula noong nasubukan nilang umakyat sa matataas na bundok ng Hong Kong at nakita ng kanila mismong mga mata ang magagandang tanawin ng lungsod ay unti-unting nabago ang kanilang mga pananaw sa buhay.
Ayon kay Grace Felasol, ang pinakapinuno nilang tatlo, wala siyang sinayang na panahon sa pananatili niya rito sa Hong Kong bilang kasambahay dahil ginugol niya ang kanyang araw-pahinga sa pagdalo ng mga libreng seminar na ipinagkakaloob ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), gayundin sa mga pagsasanay na ibinibigay ng iba pang mga ahensiya sa mga gustong matuto ng bagong kaalaman sa iba’t ibang larangan.
Nakatanggap si Felasol ng siyam na sertipiko sa mga pagsasanay na iyon ukol sa personality development, fire safety ambassador, entrepreneurial development, domestic helper course Level 1, Pediatric CPR and first aid course, at basic computer. Maging ang dalawang kasamahan niya ay nakatapos sa mga pagsasanay.
Pagkatapos ng pagpapayaman sa kaalaman ay naisipan naman ni Felasol ang maglibang dahil parang bumibigat na ang kanyang pakiramdam sa dami ng mga iniisip. Nakipag-ugnayan siya sa mga dating kaibigan at kapwa taga-Capiz na namamasukan na rin dito bilang mga kasambahay -- sina Grace Bansagan at Abby Matira.
Nagkataong may mga dinadala ring problema sina Bansagan at Matira kaya hindi sila nagdalawang-isip makipagkita kay Felasol at napagkasunduang subukang umakyat sa bundok. At kakaiba ang kanilang nakaugalian: Bago sila umaakyat ay nagsisimba muna sila at nanalangin upang maging ligtas ang kanilang lakad.
Unang nilang inakyat ang Tai Tam dahil sa pakiramdam nila ay mas malapit at mas madali iyon para sa tulad nilang mga baguhan.  Nahirapan sila sa una dahil wala silang ensayo, pero kinaya nilang akyatin iyon at hindi nila mailarawan ang kanilang kasiyahan nang marating nila ang tuktok at masilayan ang likas na ganda ng lugar na iyon.
Patang-pata man ang kanilang mga katawan kinagabihan ay binale-wala nila iyon dahil sulit na sulit diumano ang kasiyahang naramdaman nila. Nagpasiya ang magkakaibigan na muli silang aakyat sa bundok sa mga susunod na araw ng pahinga.
Sa pangalawang pagkakataon ay naging magaan na ang kanilang pakiramdam na aakyat muli dahil nagkaroon na sila ng tiwala sa kanilang mga sarili at maaliwalas na ang kanilang isipan.
Sa mga sumunod na pag-akyat nila ay pinag-aaralan na nilang mabuti kung ano ang dapat isaalang-alang bago umakyat, lalo na sa mga matatarik na bundok. Nagdadala sila ng first aid kit, tubig, cellphone, powerbank at pagkain dahil nagpi-picnic na rin sila kung saan sila inaabot ng gutom lalo na kung tag-init.
Ayon kay Bansagan, naging inspirasyon nila ang kanilang mga sarili habang naririto sila sa Hong Kong dahil umano sa pamamagitan ng regular nilang pag-akyat sa mga bundok at nakikita ang likas na kagandahan ng pook na ito ay nagkakaroon sila ng katahimikan at kapayapaan.
Pagod na pagod man sila sa anim na araw na paninilbihan bilang mga kasambahay ay napapawi ang kanilang nararamdaman hirap pagsapit ng Linggo dahil alam nilang mararamdaman nilang muli ang ligayang dulot ng kanilang pag-akyat.
Naging positibo na ang kanilang pananaw sa buhay. Naniniwala sila na ang lahat ng paghihirap na pisikal, emosyonal at pang-isipan ay may katapusan at mararating din ang rurok ng tagumpay sa tamang panahon kung may tiyagang ang isang tao na lakbayin ang masasalimuot na daan tungo sa magandang buhay.
Maihahalintulad ito sa napakahirap na pagtahak sa matarik at madulas na landas patungo sa tuktok ng bundok na  sa tingin ng karamihan  ay hindi mararating ng tao, ngunit buo sa kanilang isip na mararating nila ang lugar na nakakapawi sa pagod at nakakapagpalimot sa mga problema nila sa buhay.
Bukod sa napakagandang epekto nito sa kalusugan ng tao ay napapalalim pa ang pagkakakilala nilang tatlo sa isa’t isa, at lalong tumitibay ang kanilang pagkakaibigan. Ang mga pag-akyat nila sa bundok ay nakakatulong sa pagbuo ng masasayang alaalang mamalagi sa kanilang isipan hanganggang sa kanilang pagtanda, saanmang dako ng mundo sila makararating sa hinaharap.
Nagsimula ang pag-akyat ng tatlong magkakaibigan sa bundok noong Disyembre 2015 at mula noon palagi na nilang ginagagwa ito. Nakarating na sila sa Dog’s Teeth, Tung Chung, Wong Nai Chung, Dragon’s Back Trail, Sai Kung Stream, Lion Rock at iba pang bundok na may magagandang tanawin.
Minsan ay nagyayaya rin sila ng mga ibang kaibigan kung ang pupuntahan nila ay yaong mga madaling marating.
Ayon sa tatlo, nagkaroon din ng mga balakid ang kanilang paglalakad gaya ng pagkakasakit nila kapag inaabutan ng ulan sa kabundukan, mga galos na nakukuha kapag napapadausdos o di kaya’y nadarapa sa landas. Ngunit buong tapang silang bumabangon upang ipagpatuloy ang kanilang pagsulong.
Madalas din silang inaabot ng dilim sa bundok ngunit nakakauwi pa rin naman sila nang maayos. Sinabihan na rin nila ang kanilang mga amo, na halos hindi umano daw makapaniwalang nararating nila ang lugar sa mga larawang ipinapakita nila.
Sinusuportahan na rin sila ng kanilang mga amo at pinapayuhan tungkol sa mga dapat nilang gawin kapag may di-inaasahang pangyayari.
Sa loob lamang ng ilang buwang paglalakad at pag-akyat sa bundok tuwing Linggo ay napakalaki na umano ang epekto nito sa kanilang pamumuhay. Hindi na sila nahihirapang mag-isip kung ano ang dapat gawin kapag may mga problemang dumarating. Mula man  ito sa mga kapamilya sa Pilipinas o sa mga kanilang mga amo, tinatawanan na lang daw nila ang mga ito ngayon.
Ang payo nila sa kanilang mga kapwa migranteng manggagawa ay mahalin ang kanilang mga sarili, libangin, at alagaan sa pamamagitan ng ganitong gawain para sumaya at gumaan ang kanilang buhay. Tandaan diumano na wala nang ibang makakatulong sa ating mga sarili kung hindi tayo na rin mismo habang nasa ibang bayan tayo.
Sa sinuman nais sumama sa kanilang paglalakad at pag-akyat upang mapawi ang pagiging balisa, maari silang tawagan sa 5498 5070 para sa anumang katanungan.

Mga sumasayaw sa One Billion Rising Revolution

Posted on 07 March 2016 No comments
Ni Marites Palma


 Taon-taon mula noong 2013 ay nagsasayaw ang ilang grupo ng mga kababaihan sa iba-ibang parte ng mundo para ipakita ang kanilang matinding pagtutol sa karahasan laban sa mga kababaihan.

Ito ang tinawag na One Billion Rising Revolution, ang kampanya na sinimulan noong araw ng mga puso, Peb. 14, sa New York ng kilalang manunulat na si Eve Ensler, na sumikat nang husto dahil sa kanyang Vagina Monologues, isang dula na nagpakita ng mga iba-ibang karahasang nagaganap sa mga kababaihan na kailangang supilin.

Tinatayang isa sa bawat tatlong kababaihan ang naabuso sa lugar ng kanyang trabaho, sa loob ng tahanan mismo, sa sekswal o pisikal man na paraan. Ibig sabihin, kung gagamitin ang populasyon ng buong mundo na pitong bilyon, na ang kalahati ay kababaihan, aabot sa isang bilyon ang bilang ng mga naabuso. Dahil sa nakakabahalang dami ng mga apektadong babae ay nanawagan si Eve Ensler na lumabas sila at makiisang sumayaw sa araw ng mga puso upang sama-samang ihayag ang mga pang-aaping dinaranas nila, at nang mawakasan na ang kanilang paghihirap.

Kabilang ang Hong Kong sa mga nakiisa sa OBR taon-taon, at dahil marami sa mga biktima ng karahasan dito ay mga migranteng manggagawa, nangunguna ang mga lider ng mga grupong tumutulong sa kanilang kapakanan sa pagpapalaganap sa kampanyang ito.

Ang isa sa mga nangunguna sa pagsasayaw taon-taon ay si Cynthia Tellez general manager ng Mission for Migrant Workers at dating tagapangulo ng Gabriela Hong Kong, ang grupo na nagsusulong ng mga karapatan ng kababaihang Pilipina. Kasama din si Dolores Balladares-Pelaez, chairperson ng Asian Migrants Coordinating Body na binubuo ng mga migranteng manggagawa mula sa Pilipinas, Indonesia, Thailand at Nepal.

Nguni’t hindi lang panay mga babae ang kasali sa taunang paggunita sa OBR kundi mga kalalakihan din, katulad ni Eman Villanueva ng Bayan Hong Kong at Macau at sina Aaron Ceradoy at Rey Asis ng Asia Pacific Mission for Migrants. Pati ang mag-asawang sina Norman at Janet Carnay ng Mission at pati ang kanilang panganay na si Lila ay kabilang din sa mga nagsayaw sa taong ito.

Isa sa pinakamatagumpay na OBR sa Hong Kong ay iyong ginanap noong 2014 sa Victoria Park, Causeway Bay, na itinanghal upang humingi ng hustisya para kay Erwiana Sulistyaningsih, na dumanas ng katakot-takot na pananakit at pahirap mula sa kanyang among Intsik.

Ginunita ni Ceradoy na kahit napakalakas ng buhos ng ulan noong araw na iyon ay hindi natinag ang mga libo libong migranteng manggagawa mula sa iba-ibang bansa sa pagsasayaw para ipahayag ang kanilang pagtutol sa nangyari kay Erwiana.

Sa pagkakataong ito ibinulalas ng mga nagsayaw ang mga kabuktutang isinasagawa laban sa mga kasambahay, mga pagmamalabis ng mga ahensiya, at ang hindi pagbibigay ng karampatang tulong ng mga pamahalaan.

Sa unang pagkakataon din ay dumalo sa paggunita ang global director ng OBR, ang bantog na aktres sa tanghalan na si Monique Wilson.

Ngayong taong kasalukuyan ay mas naging espesyal pa ang pagtitipon-tipon para sa OBR sa Hong Kong dahil sa pagdalo ni Ensler mismo, kasama si Wilson.

Ayon kay Ceradoy, taon-taon siyang sumusuporta sa OBR dahil naniniwala siya na sa pamamagitan nito ay matutulungan ang lahat ng mga kababaihang naghihirap at iyong mga walang kapangyarihan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Nagtagumpay daw ang isinagawang protesta para kay Erwiana dahil napatunayang nagkasala ang kanyang among si Law Wan-tung, na ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal. 

Ayon kay Ceradoy, naipakita nila sa buong mundo na ang pagkakaisa ng mga kababaihan ay mayroong malakas na impluwensiya sa pakikipaglaban sa karahasan. Ngunit dahil nasa sistema na ang ugat ng mga problema, kailangan ang isang rebolusyon para mabago ito.

Sa katatapos na OBR nitong nakaraang linggo, kasama sa mga nagbigay ng pahayag si Sanika, isang Indian na mag-aaral sa International College Hong Kong at apat na taon nang sumusuporta sa adhikain. Kailangan daw na patuloy na ipaglaban ang mga karapatan ng mga kababaihan tungo sa pagbabago ng mga batas na sumasaklaw sa mga kanilang mga karapatan.

Sabi naman ni Laura Olaciregui, isang volunteer sa Mission na mula sa bansang Colombia, sumusuporta siya sa OBR dahil ito ay para sa lahat ng mga inaalipustang mga kababaihan saan mang panig ng mundo. Isang paraan daw ito upang makamit ang tunay na pagbabago.

Mula naman sa hanay ng mga migranteng Pilipino si Betty Maguinsay na hindi rin pumapalya sa pagdalo sa OBR. Aniya, may natututunan ang sinumang dumalo sa mga tunay na nangyayari sa mga kababayan nating naabuso, nagiging mas maalam sila sa mga karapatan ng isang mang-gagawa, at naipaparamdam niya ang kanyang pakikiisa sa pakikipaglaban laban sa karahasan.

Ayon naman kay Ian ng Filguys Gabriela na regular ding sumasayaw, isa itong mabisang paraan upang mapigilan ang karahasan laban sa mga kababaihan.

Ang tanging hiling ng mga nagtataguyod ng OBR sa Hong Kong na sana ay makiisa din ang mga iba pang organisasyon dahil ang ipinaglalaban ng iilan ay laban para sa lahat.

Sa pamamagitan ng simpleng pagsasayaw ay maipapaabot nila ang kanilang pakikiisa, at makakatulong para mabawasan, kundi man matigil na ang pananakit, pang-aabuso at panunupil sa mga kababaihan saan mang parte ng mundo.
Don't Miss