Inulila ni Violeta o Violy na isang biyuda, ang dalawa
niyang anak na sina Dane at Danel Pascual.
Si Violy kasama ang anak na sina Dane (l) at Danel (r) |
Ayon sa nakababatang kapatid ng yumao na si Emma Celso,
lubhang napakabilis ng mga pangyayari. Na-admit si Violy sa Queen Mary Hospital noong Abril, at hindi na siya
naka-uwi sa kanyang amo. Noong Mayo 23 ay ninais niyang umuwi na lang sa
Pilipinas para doon ipagpatuloy ang pagpapagamot, at makapiling na rin ang mga
anak. Ito rin ay payo ng mga doctor na nag-asikaso sa kanya sa Queen Mary at sa
Tung Wah Hospital
kung saan siya inilipat bago siya umuwi.
Matapos ang isang buwan ay kinailangan ni Violy na sumalang
sa radiation therapy dahil sa matinding sakit na nararamdaman, at sinundan ito
ng dalawang operasyon sa ulo. Isasalang na sana siya sa pangatlong operasyon ngunit
hindi na ito nakayanan ng kanyang katawan.
Marami ang nabigla sa pagpanaw ni Violy, bagamat marami din
ang may alam na matagal na itong maysakit.
Kilala si Violy sa komunidad dahil aktibo siya sa iba-ibang
organisasyon, katulad ng Balikatan sa Kaunlaran Hong Kong Council, kung saan
siya dating bise-presidente, sa Rhapsody Hong Kong, Filcomsin, Kababaihang
Rizalista, at ang dating Pinay Justice.
Naging presidente din siya ng The Sun Organization, at
nagsulat ng pitong taon sa The SUN, at pagkatapos ay sa Friends International
magazine.
Si Violy ay nagtrabaho sa Hong Kong
ng 28 taon, at ang dalawang naunang dekada dito ay ginugol niya sa iisang amo.
- Cristina Cayat
Habilin ni Violy sa mga
kapwa ina
Aniya, kailangang laging may balanse sa pagtatrabaho at
pangangalaga ng kalusugan. Hindi raw dapat na isakripisyo ang kalusugan para lang
kumita ng malaki at nang may maipantustos sa pamilya.
Gayundin, napaka importante daw ng pagsali sa mga usaping
pang pinansyal para mahawakan nang maigi ang kinikita at nang hindi na sila
magtagal sa pangingibang-bayan.
“Dapat ay matuto ka
munang humawak ng pera para makapag-enjoy ka bago magkasakit”, ito ang mariin
niyang turan habang nakikipag-usap sa mga kaibigan.
Malaki daw ang naitulong ng iba-ibang organisasyon na
nagtuturo ng tamang paghawak ng pera para mapagtanto niya ang mahalagang aral
na ito. Kabilang sa mga sinalihan niyang grupo na nagbigay ng aral sa kanya
tungkol dito ang Leadership and Social Entrepreneurship ng Ateneo School of
Government, Enrich Hong Kong, CARD OFW Foundation, at BSK.
Ayon kay Violy, nabuhay ang kanyang pag-asa na
makapag-umpisang muli sa Pilipinas dahil sa mga turo ng mga grupong ito. Balak
niya sanang umuwi na nang tuluyan ngayong Oktubre ng taong kasalukuyan sa
pagtatapos ng kanyang kontrata.
Biglang paghahanda sa planong pag-uwi, nag-aral siya ng iba ibang
kursong pangkabuhayan. Kumuha siya ng agriculture, pananahi, at paggamit ng computer,
na itinuturo sa ilalim ng livelihood program ng OWWA o Overseas Workers Welfare.
Sa kabila ng kanyang paghahanda, hindi niya ipinagkailang
marami siyang naging maling desisyon kaya hindi siya nakauwi agad para samahan
ang kanyang mga anak, kaya naman mahigpit ang bilin niya na ipaabot sa ibang
ina ang kanyang natutunan.
“Matutong hawakan ang pera nang maayos para hindi magtagal
dito,” sabi niya.
Ito rin marahil ang hinaing ng kanyang panganay na anak na
si Dane, na ang saloobin ay ipinahayag niya sa kanyang Facebook account. Ayon
kay Dane, ang pinakamalaking pinanghihinayangan niya ay hindi naranasan ng
kanyang ina ang mag-aruga sa kanila, at gampanan ang pagiging tunay na ina. –CC