Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pag-ibig nga ba?

Posted on 25 February 2019 No comments
Umuwing luhaan si Melanie kamakailan matapos mabiktima ng nobyong taga India.

Si Melanie, 28 taong gulang at dalaga, ay galing sa broken family kaya sabik sa pagmamahal. Lumaki siyang naninilbihan sa mga kaanak kaya natutong mnagtipid at alagaan ang sarili.

Pero kahit hirap ay nakatapos naman siya ng dalawang taon sa kolehiyo bago naisipang mag-aplay ng trabaho sa Hong Kong.



Nang naka 11 buwan na siya dito ay nakilala niya si Dyrek na na nanligaw sa kanya.

Pagkalipas ng tatlong buwan na lagi silang nag-uusap ay nahulog na nang husto ang damdamin ni Melanie sa lalaki.



Isang araw ay nagsabi si Dyrek na magpapadala sya ng package kay Melanie dahil gusto daw niya itong bigyan ng tsokolate at iba pang regalo kaya sa tuwa ay agad namang ibinigay ni Melanie ang address ng kanyang amo.

Pagkatapos ng isang linggo ay may tumawag kay Melanie na nagpakilala na isang Immigration officer at sinabing ang kanyang package ay naka-hold para sa check-up.



Ilang araw pa ang lumipas pero wala pa ring package na dumarating kay Melanie kaya binalot siya ng takot at pangamba. Noon lang niya naalala ang madalas na maibalita na may nakukulong na mga Pilipina dahil ang package na ipinadala sa kanila ng ng inaakala nilang nobyo sa internet ay may lamang droga.

Dahil sa takot ay hindi na makapagtrabaho ng maayos si Melanie at minsan ay may pinadalhan pa ng message na gusto niyang magpakamatay, mabuti at napigilan naman siya agad.



Kahit pinadalhan siya ni Dyrek ng mensahe na nagsasabi ng diumano’y laman ng pakete na ipinadala sa kanya ay hindi na naniwala si Melanie.

Pinutol niya ang kanyang kontrata at binayaran na lang ang amo para makaalis agad.

Personal ang sinabi niyang dahilan sa desisyong umuwi na. Bago siya lumipad ay alalang alala si Melanie na baka hindi siya palabasin ng Immigration, mabuti na lang at hindi naman ito nangyari.

Ilang araw na siyang nakakauwi sa Maynila ay hindi pa rin makatulog si Melanie dahil sa nangyari. Pinutol niya agad ang lahat ng contact kay Dyrek at nangako sa sarili na mag-iingat na sa susunod. - Rodelia Villar





 





Nakasanlang pasaporte

Posted on No comments
Ganoon na lang ang pamomroblema ni Helen nang malaman na ang isa sa mga kailangan para magpalit ng HK ID ay ang pasaporte.

Taong 1985 ipinanganak si Helen kaya isa siya sa mga unang-una na kailangang magpalit ng HKID.

Ang problema, wala sa kanya ang kanyang passport dahil isinanla niya ito kapalit ng utang na $2,000.

Napakabait pa naman ng kanyang amo dahil ito pa ang kumuha ng appointment para sa pagpalit niya ng HK ID.



Nagbakasali siyang nagtanong sa mga kaibigan kung puwede niyang hiramin ang kanilang pasaporte para ipalit sa dokumento niyang nakasanla ngunit walang pumayag.

Kaya kahit takot na takot dahil baka matanggal siya sa trabaho ay nangumpisal na siya sa amo.



Nagalit man ang amo ngunit binayaran pa rin nito ang kanyang utang para matubos ang kanyang pasaporte.

Pagkatapos ay kinausap siya ng amo na ipahawak na lang sa kanya ang kanyang pasaporte para maiwasan niya ang mangutang, at pumayag naman si Helen.



Alam niya kasi na mas mabuti na nasa amo ang kanyang pasaporte dahil baka masanla na naman niya.

Ang labis niyang ikinatutuwa ay ang pagsabi ng amo na kung kailangan niya ng pera ay magsabi lang siya.



Wala pa siyang isang taon sa amo na taga Taiwai at may dalawang anak.

Si Helen ay taga Aklan at may anak na 4 na taong gulang na mag-isa niyang itinataguyod. - Rodelia Villar











Martir ng pamilya

Posted on No comments
Araw ng dayoff, nagsama-sama sa boarding house ni Dahlia ang kanyang mga kaibigang sina Baby at Theresa.

 Dahil pare-pareho silang walang balak gumala ay nagkuwentuhan na lang sila.

Hindi naiwasan ni Theresa ang umiyak dahil sa sama ng loob sa pamilya.

Panganay kasi siya sa 12 magkakapatid kaya sa edad na 18 ay pikit-mata niyang tinanggap ang alok na trabaho sa Saudi Arabia upang matulungan ang pamilya.

Nakapag abroad siya gamit ang mga pekeng dokumento.

Simula daw nang magtrabaho siya sa Saudi hanggang makalipat sa Hong Kong ay hindi man lang niya naringgan ng pasalamat ang mga kapatid at magulang sa kanyang mga naitulong.



Ayaw naman niyang manumbat ngunit tuwing napapagod siya sa trabaho ay bumibigat ang kanyang kalooban at tumutulo na lang ang kanyang luha.

Madalas na maalala lamang daw siya ng kanyang pamilya kung bayaran na ng tuition o kung may kailangan na paggastusan.



Naaawa si Teresa sa sarili dahil may pangarap din siya sa kanyang sarili ngunit isinantabi niya para makatapos ang mga kapatid.

Pangarap daw niyang maging nurse pero hanggang vocational lang na kurso ang natapos niya para makapagtrabaho at masuportahan ang mga kapatid.



Pinakalma na lang siya ng mga kaibigan at pinayuhan na unawain pa ang mga kapatid at magulang.

Pero huwag din niyang kalimutan na magtabi ng pera para sa sarili dahil malamang na wala siyang aasahan sakaling may mangyari sa kanya.



Si Theresa ay dalaga, 26 taong gulang at tubong Iloilo. Mag-aapat na buwan pa lang siya sa mga among taga North Point. – Ellen Asis










May paki ang amo

Posted on No comments
Si Jenny ay kararating pa lang sa mga among Westerner sa Hong Kong.

Sa kanyang ikalawang linggo ng pagtatrabaho ay kinausap siya ng amo at sinabing isasama siya sa lugar kung saan matututo siyang mag-impok at maging maayos ang paghawak niya ng kanyang suweldo.

Nagpunta silang mag-amo sa opisina ng Enrich, isang non-government organization na nagtuturo ng financial literacy sa mga migranteng manggagawa sa Hong Kong.



Ganoon na lang ang tuwa ng mga nadatnan nilang mga Pilipino doon dahil ang amo pa ni Jenny mismo ang nag-abalang isama siya doon para matutong maghawak ng kanyang kita.



Sabi naman ni Jenny tunay na mabait ang amo at kapamilya ang turing sa kanya kaya hindi siya na ho-homesick kahit ito ang unang pagkakataon na nahiwalay siya sa kanyang asawa at tatlong anak.

Dahil sa mababang sahod at hirap ng buhay sa Pilipinas kaya siya nakipagsapalaran sa Hong Kong.



Natuwa ang kanyang mga bagong kaibigan sa kanyang istorya, at agad siyang pinayuhan na pagbutihin ang trabaho dahil mababait ang kanyang mga amo.



Ayon naman kay Jenny ay susuklian niya ang kabutihan ng amo upang magtagumpay siya sa buhay.

Ang mga amo ni Jenny ay German at nakatira sila sa Pokfulam. – Ellen Asis

Pait ng ampalaya

Posted on No comments
Habang nagkakainan sa Central kamakailan ang isang barkada, kasama ang putaheng ampalaya na may itlog, naisipang itanong ng pinakamatanda sa grupo kung paano nila naaalis ang pait sa gulay na ito kapag sila ay nagluluto.

Ang turo daw kasi ng nanay niya sa kanya ay ibabad sa asin at mainit na tubig ang gulay, at pagkatapos ay pigain para maalis ang pait.



Gayunpaman, nagtataka pa rin siya kung bakit ang ampalaya sa mga lutong Intsik ay halos wala na talagang pait.

May nagsabi daw sa kanya kasi na dapat ay huwag muna niyang haluin ang niluluto pagkatapos isahog ang ampalaya para hindi kumalat ang pait nito sa buong sangkap.



Sabi naman ng dalawa sa kanyang kausap, asin din ang ginagamit nilang pang-alis ng pait, pero walang kasamang mainit na tubig.

Hindi din nila alam ang tungkol sa hindi sa paghahalo ng niluluto kapag naisahog na ang ampalaya.



Pero kakaiba itong si Mimi dahil ang payo daw ng kanyang ina sa kanya ay ngitian lang niya ang ampalaya para hindi lumabas ang pait nito.

“Pero ang tagal ko na ngang nginingitian, mapait pa rin,” ang sabi ni Mimi, na dahilan para maghalakhakan ang grupo.



Ito pala kasing si Mimi ay walang hilig magluto, kaya marahil ay binola ng kanyang nanay.

Si Mimi ay tubong Tarlac, hiwalay sa asawa at may dalawang anak. – DCLM







 







Don't Miss