Ni Leo
A. Deocadiz
 |
| Flight crew na naghihintay ng kanilang assignment sa airport. |
Ang pagsuspinde ng mga flight mula sa Pilipinas simula noong
Jan. 8 dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19 ay isang matinding dagok sa mga
matagal nang naghihintay na makalipad papuntang Hong Kong.
Kung noon ay naging problema nila ang pagbo-book ng hotel para
sa quarantine, ngayon ay wala naman silang masakyang eroplano. Kung kailan lang
ay napasaya sila ng balitang nagpaplano ang gobyerno ng Hong Kong na dagdagan
ang quarantine hotel na matitirhan ng mga bagong saltang foreign domestic
helper, ngayon ay ni walang kasiguruhan na dalawang linggo lang talaga ang
tigil-biyahe at aalisin na ito sa Jan 22.
Ang Pilipinas ay isa sa walong bansa na pinagsarhan ng pinto
ng Hong Kong dahil sa pagkalat ng bagong
variant ng Covid-19, ang Omicron. Ang pito pang bansang kasama rito ay Australia, Canada,
France, India, Pakistan,
United Kingdom at United States.
Ang pinakamatinding dagok mula sa flight ban ay tinamo ng
ilang OFW na paalis na sana papunta ng Hong Kong. Hindi lang sila naantala, nagbabanta pang
masayang ang kanilang pinagdinaanang hirap habang naghihintay sa Pilipinas na
umabot na ng taon.
Ito ay sa harap ng lumulobong utang na pinasukan nila upang
matustusan ang kanilang pagluwas-luwas sa Maynila, pagkuha ng mga papeles na
kailangan sa pagtatrabaho sa ibang bansa at mga pagsasanay na kinailangan
nilang pagdaanan.
Inimbita namin ang ilang mambabasa ng The SUN upang iIahad
ang kanilang pinag-daanan, at ilan sa aming natanggap ay narito.
Mercedita:
Stranded pagkatapos ng bakasyon
Tatlong linggo lang sana ang
bakasyon ni Mercedita G. Cuaresma nang umalis siya ng Hong
Kong noong Apr 7, 2021. Nakaayos na lahat sa pagbalik niya noong
May 2: naka-book na siya sa Ramada hotel
para sa quarantine, at may ticket na siya sa eroplano.
Pero nag-ban ang Hong Kong
ng mga flight galing sa Pilipinas noong April 20. Simula noon ay hindi pa siya
nakababalik. Dahil nabakunahan siya sa Pilipinas, hindi siya pwedeng mag-book sa
hotel gaya ng mga pabalik sa Hong Kong at dito
na rin nabakunahan. Kaya ang malaking balakid sa kanya ay ang kakaunting kwarto
sa mga tinaguriang designated quarantine hotel para sa mga bagong saltang FDH.
Ito ang kanyang kwento:
“Simula noong April 20, hirap si amo ko na mag-book ng
hotel. Lagi daw failed, try again dahil every Monday lang pwedeng mag-book. Try
lagi si amo, pero ganun pa rin. Gusto na niya akong makabalik dahil ang tatay
niya na alaga ko ay 92 yrs old na.
“Dahil ang sabi nila ay sa mga agency lahat napupunta ang
slot ng hotel, sinabi ko kay amo. Kahit hindi pa na-refund ang bayad niya sa
Ramada hotel, pumayag siya na agency ang mag book. Agad naman akong nai-book ng
agency matapos ng ilang buwan kong pag-aantay. Ang flight ko sana ay sa January 13. Kaso nag-ban ulit ang Hong Kong.
“Sana
ay hindi na lumawig pa ang flight ban para makabalik na rin ako. Kawawa na ang alaga
kong matanda. Inaantay pa rin niya ako. Siyam na buwan na ako dito sa
Pilipinas.
Mailyn:
Pagtupad sa pangarap
Para naman kay Mailyn Lugan ng General
Santos City,
isang single mom na may dalawang anak, noon pa man ay pangarap na niyang
makapagtrabaho sa Hong Kong. Kaya nang umuwi
siya mula sa Saudi Arabia noong 2020, agad siyang nag-apply papuntang Hong Kong. At dito
siya nasuong sa matinding pagsubok.
“Nag apply ako sa Kings Manpower Services Gensan Branch
noong Sept 30, 2020 pero ayaw tanggapin ang NCII (o National Certificate II for
Domestic Work) ko kahit ex-abroad ako. Pinilit akong mag-training muli kasi daw,
iba ang culture ng mga Chinese.
“Ako naman na walang alam sa kalakaran tinanggap yong offer
ng agency na training center, Philworks Training Center sa Malate, Manila. Wala akong
kapera-pera na din pero pinilit ako ng agency kasi rush daw ako, sabi ng
employer ko. Php32,000 ang full payment sa training center, Php10k downpayment
para makasali ka sa online class.
“Humiram ako sa ate ko para lang makasali sa online class.
Noong Feb. 15, 2021, need na daw namin lahat mag face-to-face at maghanda na ng
pambayad. Hirap man dahil sarili naming gastos ang tiket sa airlines at
allowance, kampante naman ako kasi sabi ng agency 3 to 4 days lang daw kami
mag-stay sa Manila pagkatapos ng 12 days sa
training center.
“Dahil kampanteng makakaalis after training, umutang ako sa
isang coop sa lugar namin ng Php40,000 kasama na allowance ko at ticket. May
tubo itong 12 percent.
“Dumating ako ng Feb 13, 2021 sa Manila para sa face to face
pero biglang na-cancel kasi kailangan daw mag-disinfect ng training center kaya
naging Feb 20 ang simula. Nakikitira lang ako noon sa malayong kamag-anak.
“Mula Feb 20, ipinakita sa amin kung paano mag-linis,
mag-mop, magluto ng Chinese foods para makakuha ng NCII domestic work
certificate mula sa Tesda (Technical
Education And Skills Development Authority). Nang matatapos na kami sa training
noong March, bigla na lang nag-lockdown sa NCR at nagsara
ang Tesda.
“Agad naman may nag-offer na kung gusto namin, may isa daw
taga-Tesda na tutulong. Bayad lang daw kami ng P4,000 para makakuha ng NCII.
Kami naman, umutang kami ulit. Desperado nang makaalis dahil din sa utang
naming lumulobo.
“Siningil niya kami ng Php4,000 plus Php1,000 para sa
antigen test para makapag-assessment kami in 2 to 3 days daw sa Pampanga. Month
of May noon, wala pa rin nangyare. Pina-stay nya kami sa training center niya
hanggang dinala kami sa bahay niya sa Taguig City.
Isang buwan na wala pa rin nangyari, tagalinis kami ng bahay nya, pinalinis
kami ng tindahan nya at lagi syang wala at panay sabi na maghintay lang.
“Nag-offer na naman siya ng Php2,000 sa amin para pang gas
at bayad sa van papuntang Baguio
para doon makahanap ng Tesda na bukas. Umayaw na kami at umalis sa poder nya.
Sa Php5,000 na ibinayad namin sa knya, Php2,000 lang ang ibinalik sa amin dahil
nag-stay daw kami sa bahay niya at dapat magbayad sa tubig at kuryente .
Ako at mga kasamahan ko ay pumunta sa Cebu City
para makakuha ng assessment at magkaron ng NCII. Doon
na namin nalaman na pinagloloko lang kami ng agency namin. Ang mga taga-Tesda
na mismo ang nagsabi na kapag ex-abroad, hindi na kailangan ng training.
Ipakita lang ang passport na may visa.
Ang sakit isipin na Php32,000 ang nasayang namin sa training
center para mkakuha ng NCII.
End of May, nakakuha na kami ng NCII domestic work
certificate at bumalik na ng Manila para ipasa sa agency ang original copy at
makapag-OWWA na rin. Ako at aking mga kasama ay kumuha ng apartment.
Sad to say, nag-ban ang Hong Kong
noong June. Noong August naman, nag announce ang HK na kailangan ng vaccination
card (yellow card) kaya pumila kami ng madaling araw para magpabakuna kahit
puyat, may ulan at baha hanggang tuhod. Sa huli, naubusan kami ng bakuna dahil
sa haba ng pila. Kaya pumila ulit kami kinabukasan.
Positive thoughts na lang meron kami at lakas ng loob na in
the end, makakaalis din kami.
Wala na kaming pambayad ng apartment namin, nagkakasakit na
kami -- ubo, trangkaso, pero awa ni God hindi kami nagka-Covid.
Sinasadya naming gumising ng tanghali para late ang almusal,
kaya sa 1pm ay kape’t tinapay. Pagdating ng 5pm, bibili kami ng kanin para
hapunan. Kung hindi kami manginig sa gutom hindi kami bibili ng pagkain para
lang makatipid. Wala kaming lutuan at gamit. Hindi na kami bumili kasi akala
namin makakaalis din kami agad-agad.
Ang ilan sa kasamahan ko ay umalis na ng apartment. Wala na
daw budget. Kahit ako din, kaya
naghiwa-hiwalay na kami. Nakikituloy ako ngayon sa malayong kamag-anak ko sa
Taguig. Dito na ako nakakuha ng vaccine at yellow card na tanggap sa Hong Kong. Dahil pahirapan kumuha ng kwarto sa quarantine
hotel, nag-expire ang visa ko na hindi nakakaalis.
Nakakaiyak , nakakadepress , nakakawala ng pag asa ang hirap
na dinanas namin, at ngayon may ban ulit ang Hong Kong,
kaya hindi pa rin kami nakaalis.
Wala na akong pamasahe pauwing probinsya. Kung uuwi man ako,
natatakot akong humarap sa mga taong pinagkakautangan ko. Iyong utang kong Php40,000,
naging PhpP139,000 na. Saan ako kukuha ng lakas ng loob na mag-explain sa kanila?
Ngayon ay 6 pesos na lang ang pera ko. Kahit ang pamilya ko,
ang kapatid ko, wala daw silang pera para ipadala sa akin dito. Nahihiya ako
dito sa tinutuluyan ko wala akong naiambag, wala akong naibigay 2 months na,
pabigat na ako sa buhay. Wala din akong maibigay sa mga anak ko
Sana bigyan
pansin ng gobyerno iyong mga agency sa Pilipinas na doble-doble kung makasingil
sa amin. At sana
hindi na muna sila mag-hiring ulit ng panibagong FDW habang hindi pa nakakaalis
iyong mga na-stranded.
Wennie:
Todo suporta ang employer
Isa sa matagal nang naghihintay ay si Wennie Chavez ng
Kabankalan, Negros Occidental, na noong November 2019 pa nag-apply bilang FDH
sa Hong Kong. Tumagal ang proseso dahil anim
na oras ang biyahe papuntang Bacolod,
kung saan kinukuha ang mga kailangan nyang papeles. Inabutan din siya ng
lockdown dulot ng Covid-19 sa kanilang lugar, kaya naging mahirap lumuwas at
nadoble pa ang pamasahe kung payagan mang makaalis.
Ang ipinagpapasalamat ni Wennie ay nakakuha siya ng employer
sa Hong Kong na hindi bumibitaw simula pa
noong 2020, at suportado siya hanggang ngayon. Noong nanalanta ang bagyong
Odette at nagiba ang kanilang bahay, nagpadala pa ito ng ayuda. “Kahit hindi pa
kami nagkikita nang personal, nasalba na niya ang aking pamilya,” ika ni
Wennie.
Magkatuwang silang mag-amo sa pagbo-book ng quarantine
hotel, pero hindi sila pinalad hanggang isinara sa mga FDH ang Penny’s Bay.
“Nang mag-open ang bagong hotel nitong January, na nai-post
ng The Sun Hong Kong, ang saya ko. Ini-screen shot ko, sabay send kay madam at
sa awa ng Diyos, nai-book ako at may flight schedule pa,” dagdag niya.
Nakatakda pa siyang mag-birthday sa quarantine sa February 14.
“Pero nang mabasa ko
ang flight ban, halos maupos ako na kandila at sabay chat kay madam. Pasalamat
ako sa mga amo ko kasi, kung pinanghihinaan ako ng loob, lagi nilang sinasabi
na huwag akong mag-alala kasi hinihintay nila ako,” ika ni Wennie. “Ang
panalangin ko na lang, at lagi kong iniiyak, ay alisin na ang flight ban bago
ang lipad ko sa February 7 kasi lubog na lubog na ako sa utang at interest.”
Charloth:
Kahihiyan dahil hindi makaalis
Inilahad naman ni Charloth Alexis Andal Averion, 33, ng
Alaminos, Laguna, ang kahihiyang inabot niya, dahil sa gastos -- na ipinangutang niya -- simula nang mag-apply siya papuntang Hong
Kong noong January 2021.
“Sa first medical ko, ang binayaran ko ay Php5,800. Nakapasa
naman ako sa medical at na hire noong January 18. Agad ako nag-training sa
Tesda ng 14 days, na nagkakahalaga ng Php28,500. Mahirap ang pinagdaanan ko sa
training pero madami naman akong natutunan.
“Lumabas ang unang visa ko nung March. Kailangan ng rapid
test para gamitin sa pag-OWWA, pero ako ay reactive kaya pinaulit ko noong araw
din na iyon sa halagang Php1,700. Nang nakapasa ako sa OWWA, nag final medical
naman ako, another P5,800 ulit.
“Aalis na dapat ako noong April 13, pero nagka-ban (sa
flights papuntang Hong kong). Tinawagan ako ng
agency, aalis na daw ako ng June, pero banned pa rin. Tinawagan ulit ako para
magpa-medical noong September, aalis na daw, wala naman.
“Hangang sa ngayon, yung pinaka-aantay kong hotel at tiket
para makaalis ng Jan. 7, 2022 ay inabutan ng bagong flight ban.
“Alam ko na hindi madali ang mag-abroad kasi napakalaki ng
mga gastos ko at napakalaki ng mga pagkakautang ko sa sobrang dami ng
pagpapa-medical test na ginawa sa akin. Kailangan na naman gumastos sa medical
test bago makapag-trabaho.
“Nabubuhay na lang ako sa pa-extra-extra. Depression ang
dinadanas ko ngayon dahil sa mga pinagkakautangan ko, at sa mga salita na
natatanggap ko sa ibang tao na peke ang agency ko at hindi naman tunay na aalis
pa Hong Kong. Parang ayaw ko na umuwi sa amin dahil sa kahihiyan.
Naiisipan ko na lang na mag-apply sa iba na walang gastos gaya sa Saudi. Naglalaro
naman sa isip ko ang paano naman ang mga nagastos ko, paano kung biglang magka-flight.
Puro pambu-bully ang inaabot ko sa mga kamag-anak at
kapitbahay ko dahil sa mga nangyari.