Ni Daisy CL Mandap
 |
Pinahayag ang pagtanggal ng quarantine sa isang panayam ni CE Lee at iba pa niyang opisyal kanina |
Simula sa 6am ng Lunes, Sept. 26, ay hindi na kailangang mag
quarantine sa hotel ang lahat ng mga lilipad papasok sa Hong Kong mula sa ibang
bansa, sa ilalim ng bagong “0+3” na patakaran na ipinahayag ngayong Biyernes ni
Chief Executive John Lee.
Ibig sabihin nito, wala ng hotel quarantine pero bibigyan pa
rin ng amber o yellow code ang mga bagong dating sa loob ng susunod na tatlong
araw.
Ayon kay CE Lee, ang ibig sabihin nito ay hindi pa rin
makakapasok sa mga restaurant at iba pang delikadong lugar ang mga bagong
dating na naka amber code sa loob ng tatlong araw.
Pero pagkatapos nito at negative pa rin ang resulta ng mga
test ng bagong dating ay maari na siyang pumasok sa mga dating bawal na lugar,
at gawin ang ano mang gusto niyang gawin, katulad ng kahit na sinong
ordinaryong tao sa loob ng Hong Kong,
Bukod dito, ang mga bagong dating ay kailangan pa ring sumailalim
sa PCR test sa araw ng kanilang pagdating, at sa ika-2, 4 at 6 na araw
pagkatapos. Dapat din silang mag rapid antigen test araw-araw sa loob ng pitong
araw pagkadating.
Dagdag ni Lee, ang pagluluwag ng mga patakaran ay base sa
siyentipikong pagsusuri na nagpapakita na humupa na ang pagdagsa ng mga kaso ng
Covid-19.
Dala din ito ng kagustuhan
ng pamahalaan na balansehin ang pangangalaga sa kalusugan ng mga tao sa Hong Kong, at ang pangangailangan na isulong na muli ang
ekonomiya ng siyudad.
 |
Sabi ni CE Lee, dapat din isaalang-alang ang pagpapasigla sa ekonomiya ng HK |
Kasama din sa mga pinaluwag na patakaran ang pagtanggal sa
negative test result sa isang PCR test na kasalukuyang hinihingi sa lahat ng
mga lilipad papunta ng Hong Kong.
Ang dapat na lang ipakita ng isang padating sa Hong Kong ay negative
result sa rapid antigen test na kinuha ng di lalampas sa 24 oras bago ang kanilang
takdang paglipad. Kailangan nila itong i-upload sa kanilang online health
declaration para makapasok sa Hong Kong.
Pagdating sa airport, isasailalim pa rin ang lahat ng mga
bagong dating sa isang PCR test, pero hindi na nila kailangang hintayin ang
resulta. Maari na silang umalis sakay ng kahit na anong sasakyan- kabilang ng
airbus, taxi, at iba pa – at dumiretso sa bahay, sa hotel, at kung saan man ang
gusto nilang tuluyan.
Kapag nagpositibo sa test na ito, o sa PCR test sa ika-4 at
ika-6 na araw pagkadating ay maaring manatili sa bahay, hotel o sa pasilidad ng
gobyerno, batay sa pagsusuring isasagawa ng Centre for Health Protection.
Ang isa pang pagbabago ay ang pagpapasok sa mga residente na
hindi nabakunahan. Kaya lang, hindi pa rin sila makakapasok sa ilang mga lugar
dito sa ilalim ng vaccine pass kung hindi pa rin sila magpapabakuna.
Ang mga turista na hindi bakunado ay hindi pa rin
papapasukin, liban na lang kung may “medical exemption certificate” sila, na
ang ibig sabihin ay hindi sila maaring bakunahan sanhi ng sakit o iba pang
kadahilanan.
Sa mga kasalukuyang naka hotel quarantine ay maari na silang
lumabas simula sa Lunes kapag negatibo ang lahat ng mga itinakdang test nila.
Ayon naman kay Vincent Fung, pangalawang kalihim ng
Department of Health, ang mga naka book na para sa kanilang quarantine ay dapat
na bigyan ng refund ng hotel.
Dagdag ni Lam Sai-hung na kalihim ng Transport Department,
dadagdagan na muli ng Airbus ang kanilang biyahe papunta at pabalik sa airport,
hindi katulad ngayon na madalang na madalang ang biyahe, lalo na yung mga
galing sa Chek Lap Kok.
Ipinaliwanag naman ng Health Secretary na si Lo Chung-mau na
hindi pa rin maaring tanggalin ang lahat ng mga paghihigpit sa mga parating
dahil ayaw ng pamahalaan na makapasok ang mga bagong variants ng Omicron dito.
 |
Ayon kay Prof Lo, hindi pa pwedeng tanggalin ang lahat ng mga paghihigpit kontra sa Covid |
Kailangan pa rin pangalagaan ang mga bata at matatanda na
malaki ang posibilidad na magkaroon ng matinding sintomas kung matamaan ng
coronavirus, lalo pa’t hanggang ngayon ay kulang pa rin sa inaasahan ang
nagpapabakuna sa kanila.
Gayunpaman, di hamak na mas mataas na ang porsyento ng mga
nagpapabakuna sa mga edad 11 pababa, at 80 pataas, kumpara noong Pebrero
hanggang Abril ng kasalukuyang taon, ang kasagsagan ng “fifth wave” ng
pandemya.
Ayon pa kay Lo, ang pagtaas ng bilang ng mga nabakunahan ang
isa sa mga malaking dahilan kung bakit bumagal na muli ang pagkalat ng
coronavirus.
Pati daw ang bilang ng mga dumarating na may dalang Covid ay
bumaba na din, gayong tumaas ng 20% ang bilang ng mga pumasok sa Hong Kong simula noong Agosto, nang ibaba sa tatlong araw
ang hotel quarantine.
Ibig daw sabihin nito ay bumabagal na rin ang pagdami ng mga
nahahawaan ng coronavirus sa buong mundo.
Dagdag pa niya, wala ni isa sa mga bagong dating na naka
amber code ang nahuling lumabag sa patakaran, kaya tiwala sila na mananatiling
maayos ang pagpapatupad ng sistemang ito kahit tinanggal na ang hotel
quarantine.