 |
Malalaman ang parusa ng Pilipino sa Sept. 13. |
Isang Pilipino ang umamin kanina sa District Court na siya
ay nagbenta siya ng isang nakaw na singsing na brilyante na may halagang $34,500 at
kumita ng $1,000 mula dito, pero ipinagpaliban ang pagpataw ng parusa sa kanya.
Si Edwin Zuniga, 49 taong gulang, at dating nagtrabaho bilang manager sa isang bar, ay isa sa dalawang akusado
sa kasong dininig ni Deputy District Judge Edmund Wong.
Isang kaso ang
isinampa laban sa kay Zuniga, samantalang apat pang kaso ang iniharap kay
Cheung Wai Yee, ang babaeng pinagkunan niya ng singsing.
Ayon sa charge sheet, may isang babae na nagbenta ng singsing sa social media sa halagang $34,500, at binili ito ni Cheung, na nagdeposito ng hinihinging
halaga sa bank account ng may-ari.
Nang makita ng may-ari sa internet na
pumasok na ang deposito, ibinigay niya ang singsing kay Cheung. Pero kinabukasan, tumawag ang kanyang bangko upang sabihing
tumalbog ang tsekeng ginamit ni Cheung na pambayad.
Matapos magreklamo ang may-ari sa pulis, nahuli ang dalawang
akusado.
Si Zuniga ay nakita sa CCTV (closed circuit television)
na binebenta ang singsing na binili ni Cheung sa isang shop sa halagang $18,000.
Tanggap ng abogado ni Zuniga ang dalawang taon na
pagkabilanggo bilang basehan ng parusa sa Pilipino. Dahil sa pag-amin niya,
siguradong mababawasan ito ng 1/3.
Pero tinutulan nito ang sinabi ng taga-usig na dapat
madagdagan pa ang parusa ni Zuniga dahil ginawa niya ang krimen habang
naka-piyansa pa siya habang iniimbestigahan ng mga pulis ang dalawa pang naunang kaso laban sa kanya.
Ang idiniin ng abogado ni Zuniga ay hindi pa siya pormal na
kinakasuhan sa korte kaya hindi pa niya alam ang tunay na akusasyon laban sa
kanya,.
Pero sinabi ng taga-usig na sa ilang nakaraang desisyon ng
korte, ang prinsipyong sinundan ay hindi kung makakabigat sa isang krimen ang
paglabag sa police bail, kundi kung anong bigat ang idadagdag nito.
Dahil hindi magkasundo ang dalawang panig, sinabi ni Judge
Wong na kailangan niyang pag-aralan pang muli ang dapat niyang ihatol bago basahan ng sentensiya si Zuniga sa
Sept. 13.
Ibinalik si Zuniga sa kulungan hanggang sa susunod na pagdinig ng kanyang kaso.
Samantala, ang kapwa akusado niya na si Cheung ay wala
sa korte kanina.
Inakusahan siya ng mga sumusunod:
- Pakikisabwatan sa panloloko upang makuha ang singsing na
nagsangkot kay Zuniga sa kaso.
- Paghawak at pagbenta ng isang nakaw na handbag.
- Pakikisabwatan sa panloloko sa may-ari ng isang relo na
nagkakahalaga ng $118,000, sa pamamagitan ng talbog na tseke.
- Pakikisabwatan sa panloloko sa may-ari ng tatlong mobile
phone na nagkakahalaga ng $29,500 na gamit ang talbog na tseke, at pagsingil pa
ng $9,900 na umano'y sobrang ibinayad sa kanya.