 |
Nahuli ang Pilipina sa exit K ng Central MTR na nasa kaliwa ng istatwa ni 'Blackman' |
Todo-suporta ang employer ng isang Pilipina na
humarap sa Eastern Court kanina, para aminin ang sakdal na pagbebenta ng mga sombrero
na may pekeng tatak, at paglabag sa kundisyon ng kaniyang pananatili sa Hong
Kong bilang domestic helper.
Dahil sa sulat ng kanyang employer, at pati na rin
sa sinulat niyang pakiusap, ay nakumbinsi si Magistrate Ivy Chui na suspendihin
ng isang taon ang sentensiya ni C.L. Liddawa na apat na linggong pagkakakulong.
Paliwanag ng mahistrado, hindi makukulong si Liddawa
kung hindi siya muling lalabag sa batas sa loob ng 12 buwan. Kapag gumawa siya
ulit ng kasalanan ay agad siyang ikukulong at pagsisilbihan din ang kung
anumang bagong parusa na ipapataw sa kanya.
Napangiti nang husto si Liddawa sa desisyon ng
mahistrado, dahil dumulog siya sa korte na mukhang handa na sa anumang ihahatol
sa kanya. May dala-dala na siyang maleta at isang stuffed toy, na mukhang balak
niyang dalhin hanggang sa kulungan, sakaling ito ang maging hatol sa kanya.
Si Liddawa, 39 taong gulang, ay nahuli noong January
15 sa may Prince’s Building, tabi ng Exit K ng Central MTR Station, habang
nagbebenta ng 22 piraso ng sombrero na may pekeng tatak na Nike, Champion, Puma
at Adidas.
Ang sabi nya sa mga humuli sa kanya ay may isang
babae daw na di niya kakilala na nag-alok na itinda nya ang mga sombrero sa
halagang $20.
Ayon sa sakdal, ang pagtitinda o pagnenegosyo ng
kahit anong bagay na may pekeng tatak ay labag sa Section 9(2) ng Trade
Descriptions Ordinance.
Ang pagtitinda naman niya ay labag sa kundisyon ng
kanyang visa, na nagtatakda na maaari lang siyang magtrabaho para sa among
nakalagay sa kanyang kontrata.
Bilang pakiusap para mabigyan siya ng magaan na
sentensya, sinabi ng abugado ni Liddawa na siya ay isang single mother na may
dalawang anak na iniwan niya sa kanilang bayan sa Kalinga. Tatlong na siyang
naninilbihan sa kanyang mga amo, at siya ang nagpalaki sa kanilang anak.
Ang mga magulang na niya na parehong magsasaka ay
sinusuportahan daw niya, at tinutulungan din ang kanyang limang kapatid. Mula
sa kanyang buwanang sahod na $4,900 ay pinapadala niya ang $3,000 at itinatabi
ang $500 para sa sarili. Ang iba ay pinambibili niya ng mga damit at iba pang
gamit na pinapadala sa Pilipinas.
Si Liddawa ay nakapag-aral sa kolehiyo, at dahil
mahusay siyang magtrabaho ay nais daw ng kanyang amo na patuloy siyang papagtrabahuin
sa kanila sa kabila ng kasong kinaharap niya.
Dagdag pa ng abugado, maliit lang ang halagang
sangkot, kaya hindi dapat na patawan siya ng mabigat na parusa para patuloy pa
rin siyang makapagtrabaho sa Hong Kong.
Sumang-ayon naman si Magistrate Chui sa mga sinabi ng abugado, at dinagdag pa
na malaking tulong ang ginawang pagsulat
ng kanyang employer para sabihin na si Liddawa ay isang simple at matapat na
manggagawa kaya dapat na mabigyan ng pangalawang pagkakataon.
Kahit na sinabi ng abugado na payag si Liddawa na
pagmultahin siya dahil sa kanyang nagawa ay hindi na ito sinunod ng mahistrado,
na nagdesisyon na suspendihin na lang ang hatol sa kanya.