Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Food Trip

CHINESE HOROSCOPE

Ugaliing makinig!

Join us at Facebook!

Sino’ng Iboboto Mo?

07 March 2016


Mahigit dalawang buwan na lang ay magkakaroon na naman tayo ng pagkakataong pumili ng susunod na pangulo ng ating bansa, sa ika-9 ng Mayo. Para sa mga Pilipinong taga-Hong Kong, ang halalan ay magsisimula isang buwan bago pa ang petsang ito.

Mayroon nang nag-iingay sa ating komunidad na iboto si ganito at ganoong kandidato. May mga kandidato nang bumisita sa atin. Mga kilalang tao, kabilang ang ilang artista, ang dumating na para ikampanya ang kani-kanilang kandidato. At mayroon nang kumakalat na mga kilusan upang ipunin ang mga taong maari nilang pagkunan ng suporta at boto sa itinakdang panahon.

Sa lahat ng ito, ang dapat nating gawin ay maging mapanuri. Tandaan lang ang tatlong bagay kapag pumipili ng dapat ihalal.

Una, lahat ng naririnig natin mula sa mga kandidato ay pawang mga pangako lamang. Pangakong maaring matupad, pangakong maaaring mapako. 

Ang pag-aninaw ng mga ito ay hindi na bago para sa mga may lahing ligawin. Sa pagdadalaga nila, nakaririnig sila ng lahat ng klase ng pangako. Papaano nila nalalaman kung, gaya ng siopao, ito ay espesyal o bola-bola lang?

Simple lang. Tingnan kung ang pangako nila ngayon ay gaya rin ng pangako nila kahapon, kamakalawa, noong isang linggo o nakaraang buwan. Maraming kandidato  ay nangangako ng kung anu-ano, kaya minsan ang pangako sa isang grupo ay laban sa naipangako na sa nakaraang grupo. 

Pangalawa, usisain ang mga nagawa na ng kandidato, lalo na ang mga may mahabang serbisyo sa pamahalaan. Nagpakita bang lider sila? May mga ginawa ba sila na nagpabuti sa kalagayan ng bansa natin? Hindi natin kailangan ang mga umaangkin lamang ng pambihirang nagawa, na hindi naman pala totoo. Magbasa (kahit sa FB), makinig, maging mapanuri, at huwag basta maniwala.

Pangatlo, usisain kung malinis ang pagkatao nila, dahil dito manggagaling ang lahat ng magagawa nila kapag nasa puwesto na. Kung abusado at magnanakaw sila noon pa, bakit ka pa papayag na gawin nila ito sa antas na pambansa? 

Tandaan: nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa— ng ating mga anak— sa iisang boto mo. Huwag sayangin.
Don't Miss