Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

May premyo sa high-tech na recipe

31 March 2016

Halos araw-araw ay ang ihahandang lutuin ang pinoproblema ni Brenda. Maselan kasi ang kanyang amo sa pagkain at gusto ng kanyang mga alaga ay iba’t-ibang putahe araw-araw. Isang taon pa lang si Brenda dito sa Hong Kong kaya’t hindi pa ito bihasa sa pagluluto. Halos lahat na yata ng recipe sa cookbook na bigay ng kanyang amo ay nailuto na niya. Isang kaibigan ang nagbigay ng payo kay Brenda na mag-search sa Google at You Tube ng mga recipe. Laking tuwa naman ni Brenda dahil hindi na siya nahihirapang mag-isip ng lulutuin. Gamit ang kanyang cellphone, halos sumakit ang kanyang mga mata sa panonood ng paraan ng pagluluto sa mga video na napipili niya. Isang araw na nasa bahay ang kanyang amo ay nakita nitong sa maliit na cellphone na iyon ni Brenda sinusunod ang mga recipe na hinahanda niya. Hindi napansin ni Brenda na matagal nang nakamasid ang amo sa kanya kaya’t nagulat siya nang makita, at agad itinago ang kanyang cellphone dahil ang akala niya ay pagagalitan siya nito. Agad namang sinabi ng kanyang amo na kaya daw pala masasarap ang kanilang pagkain lagi ay dahil matiyagang naghahanap si Brenda ng mga recipe sa internet. Pinuri naman ito ng kanyang amo at sinabi sa kanyang masaya siya sa pagiging masipag ni Brenda. Isang araw na dumating ang kanyang amo ay may iniabot itong kahon sa kanya at sinabing hindi na sasakit ang kanyang mga mata sa maliit na cellphone. Nang buksan ni Brenda ang kahon ay may isang Ipad at regalo daw ito ng kanyang amo sa kanya para magamit niya sa pagse-search ng mga recipe sa internet at ibinigay na rin sa kanya ang password ng wifi. Dati kasi ay nakikikonekta lang siya sa wifi ng kapitbahay na kaibigan niya ang Pinay na nagtatrabaho doon. Lalo namang naging inspirado si Brenda sa pagluluto dahil mabilis na ang koneksyon niya ng wifi at magarang Ipad pa ang gamit niya. Si Brenda ay isang dalaga at nagtatrabaho sa Mid Levels. –Jo Campos

Don't Miss