Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Food Trip

CHINESE HOROSCOPE

Ugaliing makinig!

Join us at Facebook!

Hihiwalayan ang mister dahil may kabit

26 January 2017

Luhaan si Thelma habang nagkukwento. Uuwi na kasi siya sa Pilipinas, ngunit hindi para mag “for good” kundi para ayusin at siguraduhin na nasa maayos na kalagyan ang kanyang 12 taong gulang na anak na lalaki. Makikipaghiwalay na kasi siya sa kanyang mister matapos madiskubre na may babae ito, at inuwi pa sa kanilang bahay.

Hulyo ng nakaraang taon nang nagpasyang umuwi si Thelma nang palihim. Gusto kasi niyang mapatunayan kung totoo nga umabot sa kanyang kuwento na may dinadalang babae ang kanyang asawa sa bahay nila. Nagtago muna siya at nagmanman upang makahanap ng pruweba.

Para siyang binagsakan ng langit nang makita niya mismo na may dinalang babae ang kanyang asawa sa sarili nilang pamamahay. Agad siyang sumugod, at nang makita siya ng babae ay agad itong nagtago sa loob mismo ng kwarto nilang mag asawa.

Kahit bistado na ay nakuha pang sabihin ng asawa ni Thelma na kaibigan lang nito ang babae. Natural na hindi naniwala si Thelma dahil bakit kinailangan pang magtago ng babae nang makita siya?

Minabuti niyang kausapin ang asawa dahil ayaw naman niya na masira ang kanilang pamilya, at iniisip din niya ang magiging epekto nito sa kanilang anak.  Nangako naman ito na hindi na muling makikipagkita sa babae at iiwasan na ito.

Ngunit nang pabalik na si Thelma ng Hong Kong, nasa airport pa lamang siya ay nabalitaan niyang nandoon na ulit ang babae sa bahay nila. Lutang ang isip ni Thelma nang makarating sa bahay ng kanyang amo. Hindi siya mapakali, at makalipas ang ilang linggo ay nagpasya siyang magpaalam sa amo para ayusin ang problema sa kanyang pamilya.

Binalak ni Thelma na kunin ang anak ngunit hindi ito ibinigay ng kanyang asawa. Bumalik muli si Thelma sa Hong Kong at sinubukan na magpakatatag at maghintay ng tamang pagkakataon. Nitong Enero ay umuwi na siya nang tuluyan dahil pursigido siyang mabawi ang anak sa taksil niyang asawa.

Balak niyang bantayan ang anak sa eskuwela at saka kunin at dalhin sa Iloilo upang doon na manirahan sa kanyang mga magulang. Kapag mabuti na ang sitwasyon ng kanyang anak makalipas ang isang taon ay saka na raw siya mangingibang bansa muli. Si Thelma ay 42 anyos. – Emz Frial

Don't Miss