Responsive Ad Slot

Maid FinderFind employer quickly!
Download the App!
Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Bagong dating na Pinay, minolestiya diumano ng amo

02 January 2019


By The SUN
Ang Tai Po Police ang nag-iimbestiga sa kaso

Tumawag ng pulis si Lyn, isang Ilongga, nang pagtangkaan siya diumanong halayin ng kanyang among lalaki sa Fanling noong ika-30 ng Disyembre. Silang dalawa noon sa bahay dahil ang among babae niya ay tumawag na gagabihin sa pag-uwi.

Ayon kay Lyn, 25 taong gulang, dalaga at wala pang anim na buwang naninilbihan sa Hong Kong, mga ka-chat niya ang nagpayo na tumawag na siya ng pulis matapos siyang tumakbo sa kuwarto at magkulong dahil sa ginawang pagsasamantala ng kanyang amo.

Nasa kusina daw siya noon at naghuhugas ng mga plato at kaldero nang pumasok ang kanyang among lalaki at tinanong kung giniginaw siya.

“Pagkatapos ay niyakap niya ako mula sa likod at pinisil ang dede ko, habang pilit binababa ang aking jogging pants,” sabi ni Lyn.

Mabuti na lang daw at nakatakbo siya at nakapasok ng kuwarto para humingi ng payo at tulong sa pamamagitan ng chat sa mga dating kasama niya sa agency. Isa daw sa mga ka-chat niya ang nagpilit na tumawag na siya ng pulis.


Dumating ang mga pulis bandang alas nuwebe ng gabi at pareho silang kinausap ng kanyang amo ng mga dalawang oras, bago isinama si Lyn sa Tai Po police station. Kinabukasan ng alas diyes ng umaga ay sinundo siya doon ng kanyang ate na nagtatrabaho din sa Hong Kong, at dinala siya sa isang shelter. 

Hindi na daw niya alam kung ano ang nangyari sa kanyang among lalaki na iniwan niya sa kanilang bahay na kinakausap pa ng mga pulis.

Ayon kay Lyn, ang amo niya ay parehong mahigit 50 na ang edad at maraming mga negosyo. May dalawa silang anak na 27 at 26 taong gulang na.

Nakatakdang bumalik sa police station si Lyn bukas, ika-3 ng Enero para magbigay ng opisyal na pahayag sa tulong ng isang tagapagsalin.


Ayon kay Lyn, matagal na siyang naiilang sa kanyang among lalaki dahil kapag kinakausap daw siya nito ay hindi sa mukha niya nakatingin kundi sa kanyang katawan. Pero madalas naman daw nitong kasama ang kanyang asawa kaya hindi na niya iniintindi.

Noong araw na mangyari ang insidente ay kababalik lang daw ni Lyn mula sa day-off, bago ang kanyang “curfew” na alas otso ng gabi. Nag-text daw ang kanyang among babae at sinabing lutuan niya ng noodles ang asawa dahil gagabihin siya ng uwi.



Nasa kuwarto noon ang among lalaki, at alinsunod sa utos ng asawa nito ay kinatok ito ni Rose matapos niyang ipagluto ng hapunan. Pero nang lumabas daw ng kuwarto ang lalaki ay pilit siyang kinakausap nang malaman na hindi agad uuwi ang asawa.

Ang ginawa daw ni Lyn ay sinabing kailangan na niyang pumasok sa kuwarto at matulog dahil maaga pa siyang gigising kinabukasan para mag carwash.


Pagkatapos ng ilang minuto ay narinig daw ni Lyn na lumakad ang among lalaki, at inakala niyang pumasok na rin ito sa kuwarto pagkatapos kumain, kaya lumabas siyang muli para ituloy ang trabaho sa kusina.
Laking gulat niya nang makita na nasa hapag kainan pa ito.

Pagpasok niya sa kusina ay sinundan siya ng amo at doon na siya ginawan ng kalaswaan.

Nag-aalala si Lyn na baka tumagal ang imbestigasyon sa kaso at hindi siya agad makakuha ng kapalit na amo, dahil gusto pa daw niyang manatili sa Hong Kong para magtrabaho.

Pero pinayuhan siya ng mga kaibigan na ituloy niya ang reklamo dahil baka may iba pang mabiktima ang kanyang among lalaki kung hindi ito mabibigyan ng leksiyon.


SUPORTAHAN PO NATIN ANG IBA PANG SPONSORS:










Don't Miss