Responsive Ad Slot

Maid FinderFind employer quickly!
Download the App!
Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Ang mga serbisyo ng Department of Social Welfare sa Hong Kong

15 June 2019


Ni Rodelia P. Villar

Anong serbisyo ang maasahan ng mga migranteng manggagawa mula sa Social Welfare Attache ng Pilipinas na si Elizabeth Dy, at ang kanyang opisina, ang Department of Social Welfare and Development sa Hong Kong?

Ito ang katanungang gusto kong masagot dahil sa inaraw-araw ay maraming mga nanay ang naghihingi ng tulongsa DWC tungkol sa kung ano ang dapat nilang gawin sa problema nila sa asawa o anak, o kung minsan ay naghahanap lang ng makakausap?

Isang malaking problema sa isang ina na OFW ang pagkakaroon ng asawa na hindi marunong umintindi na kailangan nilang magtulungan para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Mas malala kung ang kanyang asawa ay basagulero at nagbabanta ng hiwalayan o pananakit kung hindi sundin ng asawang OFW ang gusto nito. Sa mga ganitong sitwasyon, tanging ang pag-aalala sa kinabukasan ng anak ang nananatili sa isip ng ina para hindi tumutol sa gusto ng abusadong asawa.

Call us!

Kailan lang ay may isang ina na umuwi nang biglaan dahil ayaw ipakausap ng kanyang asawa ang kanilang mga anak, at nagbanta pa na dadalhin ang mga bata sa malayo dahil ayaw niyang pumayag sa gusto ng lalaking abusado. Mabuti na lang at mabait ang kanyang amo kaya pinayagan siyang umuwi. Bago dito ay sinabihan natin siya na pumunta muna sa opisina ng DSWD sa Hong Kong at humingi ng tulong bago umuwi, para sa kanyang kaligtasan sampu ng kanyang mga anak.

Naging malaking tulong ang DSWD at si Bb Dy sa agarang pagbibigay ng tulong sa inang nangangailangan.

Ayon kay Bb Dy, ang DSWD sa Konsulado ay itinayo para bigyan ng boses ang mga migranteng ina sa mga usapin na may kinalaman sa relasyon sa pamilya, problema ng mag-asawa, at proteksyon para sa ina at sa kanyang mga anak.

Sa kasong nabanggit, sinabi niya na huwag daw basta maniniwala sa pagbabanta ng asawa. Pero kailangan mai-report sa kinauukulang ang ganitong pagbabanta dahil labag ito sa Violence Against Women and Children’s Act. Bawal sa nasabing batas na pagbantaan ng karahasan ang bata para pilitin ang ina nito na sumunod sa gusto ng asawa.

Call us now!

Pero sa mga sitwasyong ganito, kailangan din ng laging pakikipag-usap ng ina sa mga bata para hindi nila iniisip na pinabayaan sila. Marami daw kasi sa mga bata ang hindi naihanda ang pag-iisip bago umalis ang kanilang ina para magtrabaho sa ibang bayan. Ang ina naman ay hindi alintana ang mga pangangailangan ng mga anak, at ang nasa isip ay pera lang ang kailangan ng pamilyang iniwan.

Para sa ganitong kaso, ang ina ay kailangang sumangguni sa DSWD para mabigyan ng tamang payo o magkaroon ng kausap na may kaukulang pagsasanay. Tawagan lang an kanilang hotline: 91554023 para sa serbisyo.

Bukod dito, nagbibigay din ng tulong ang DSWS sa mga kasong may kinalaman sa biglang pagkawala ng ng isang manggagawa, pananakit sa kanya ng amo, o pagtanggal sa serbisyo, kasama ang ibang sangay ng Konsulado sa ilalim ng “one country team approach.”



Sabi ni Ms Dy, huwag matakot o mahiya na lapitan siya dahil lagi siyang handang making sa nangangailangan ng tulong.

Sa mga nag-overstay, handa silang tumulong na bigyan sila ng oras para mag-isip at magplano ng susunod nilang hakbang bago sumuko sa batas. Gustuhin man nila o hindi ay kailangan pa rin nilang pagbayaran ang ginawa nilang pag overstay.

Sa mga overstay, kailangang pumunta agad sa Konsulado para sila ang tumulong sa kanilang pagsuko. Kung nasa boarding house sila dapat na umalis na agad para hindi masabit sa kanilang kaso ang ibang nakatira doon.

Ang iba pang kaso na puwedeng idulog sa DSWD ay yung pagiging solo parent ng manggagawa. Pag-uwi sa Pilipinas at ang sahod ay hindi lampas sa P100,534 bawat taon, maaring makakakuha ng Solo Parent ID para mabigyan ng oras sa trabaho na ayon sa pangangailangan ng kanilang pamilya, magkaroon ng pitong araw na parental leave, at iba pang benepisyo katulad ng tulong sa pabahay at pagpapagamot.

Dahil gipit ang oras para sa mahigit 200,000 migranteng Pilipino sa Hong Kong, nagpupunta sa mga park si Ms Dy, kasama si Fr Jay Flandez, chaplain ng mga Pilipino sa Hong Kong, para magbigay ng tulong at impormasyon sa mga nakatambay doon.

Ngayong ika-23 ng Hunyo, alas 1:30pm ay magsasagawa siya ng Picnic in Tamar Park kasama ang mga miyembro ng DWC, para magbigay ng kaalaman sa mga serbisyong dulot ng DSWD. Sa mga interesado, magdala lang ng sariling pagkain at inumin, at isama ang inyong mga kaibigan.

Para sa dagdag katanungan, tumawag lang sa DWC hotline, 67485836.


---
Ang espasyong ito ay inilaan sa online group na Domestic Workers Corner, na kadalasang takbuhan ngayon ng mga migranteng Pilipina sa Hong Kong na nahaharap sa iba-ibang suliranin, kabilang dito ang may kinalaman sa pamilyang iniwan nila sa Pilipinas. Sa pamamagitan nito ay inaasahan ng The SUN na matulungan ang DWC at mga administrator nila sa pangunguna ng founder na si Rodelia Villar, na mas lumaganap ang mga impormasyon na nakakalap nila mula sa Konsulado at iba pang awtoridad na nangangalaga sa kapakanan ng mga migranteng Pilipino sa Hong Kong – ed
===
I-TRY MO ITO, KATRIBO!
Mas madali nang tawagan ang mga advertiser natin dito. Pindutin lang ang kanilang ad at lalabas ang automatic dialer. Isa pang pindot ay matatawagan mo ang advertiser na hindi na kailangang i-dial ang numero nila. I-try mo!

CALL US NOW!


Don't Miss