Responsive Ad Slot

Maid FinderFind employer quickly!
Download the App!
Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Mapili sa pag-ibig

01 March 2018

Hindi ka na makakapag-asawa. Ito ang laging sinasabi ng mga kaibigan ni Meya sa kanya. Paano ba naman, sa edad niyang 52 at sa dinami-dami ng mga nanligaw sa kanya ay wala ni isang pumasa sa pamantayan niya.

May Pilipino at ibang lahi pero silang lahat ay na-basted niya. May naging kaigihan siyang Amerikano ngunit umabot lang sa anim na buwan ang kanilang komunikasyon dahil hanggang dalawang minuto lang kung sila ay mag-usap sa telepono. Marahil ay namamahalan ang lalaki sa bayad sa long distance nilang tawagan.

 Ayon kay Meya, hindi sapat ang dalawang minuto para niya makilala nang husto ang lalaki. Gusto niyang magkausap sila ng matagal upang malaman at matiyak na totoo ang pagmamahal na inaalay nito sa kanya, ngunit sa loob ng anim na buwan ay ganoon lagi ang kanilang pag-uusap kaya hindi sila nagkatuluyan.

Mayroon pang isang Amerikano na masugid niyang manliligaw, ngunit inayawan din niya pagkatapos nitong magpadala ng package sa kanya. Paano naman, ang laman ng package galing sa Amerika ay toothpaste, shampoo, toothbrush, lotion at deodorant. Nainsulto siya dahil parang ang pahiwatig ng Amerikano ay marumi siya.

Sinabi kasi niya sa manliligaw na mahirap lang siya pero hindi ibig sabihin ay hindi na niya kayang bumili ng mga gamit na panlinis sa katawan. Nang muli silang magkausap ay sinabi niya sa lalaki ang saloobin at nagpaliwanag naman ito na walang intensyong masama sa mga gamit na pinadala, nguni’t nawalan na ng gana si Meya at sinabi niyang ayaw na niyang magpaligaw.

Minsan naman ay may manliligaw siya na sumadya pa sa Hong Kong upang makipagkita sa kanya. Araw ng Lunes nang bigla itong tumawag at sinabi na makipagkita sa kanya sa Jordan ng araw din iyon. Hindi siya pinayagan ng amo na lumabas noon kaya sinabi niya sa lalaki na sa susunod na Linggo na sila magkita dahil iyon ang araw ng pahinga niya.

Ngunit naging mapilit ang lalaki, at pinanay ang pagtawag sa kanya. Sa inis ni Meya ay napilitan siyang i-block ang tawag ng manliligaw. Naisip din niya na baka may masamang balak ito kaya pinipilit ang gusto.

Dahil sa mga hindi magandang karanasan sa pag-ibig ay nananatiling dalaga si Meya, samantalang ang mga kaibigan niya at kasabayan ay may mga asawa’t anak na. Ayon kay Meya, sabihin nang kaartehan ang pagiging pihikan niya, pero ang gusto daw niya ay tunay na pag-ibig at hindi iyong papatol na lang siya kung kanino lang.

Si Meya ay tubong Pangasinan at 10 taon na sa mga among Intsik na naninirahan sa Tsing Yi. – Ellen Asis

Don't Miss