Responsive Ad Slot

Latest

Buhay Pinay

Features

People

Sports

Philippine News

Join us at Facebook!

Pagnanakaw ng mga Pinoy, anino ng nagaganap sa pamahalaan

17 August 2020





Marami sa ating mga kababayan ang nagugulat dahil nitong mga nakalipas na mga araw at buwan ay sunud-sunod ang napapabalitang mga kasambahay na Pilipino na nahuling nagnakaw ng malalaking halaga ng pera o alahas mula sa kanilang mga amo.

Karamihan sa mga nakabasa sa mga balitang nakalap namin sa mga korte ng Hong Kong ay halos hindi makapaniwala na ganoon kalalaki ang halaga ng kinulimbat ng kanilang mga kababayan at kapwa kasambahay.

Nagtataka sila kung bakit nagawa iyon ni Ate, kung ano ang nagtulak sa kanya upang magnakaw at lalo pang ipapahiya ang ating lahi sa mga tagarito.


Mayroon ding nagsasabi na baka napagbintangan lang si Kabayan tulad ng nangyari sa ibang mga kasambahay na ginawan ng kaso ng mga amo nila sa di malinaw na dahilan.

Ang nakakagulat sa mga kaso ng pagnanakaw na isinampa laban sa mga kababayan natin nitonng mga nakalipas na araw o buwan ay kinasasangkutan ng malalaking halaga ng pera at mga personal na ari-arian ng mga biniktima nila.

Sa nakalipas na anim na taong sinusubaybayan namin ang mga kasong isinasampa sa korte laban sa mga kababayan natin ay nitong mga nakalipas na buwan lang nagkaroroon ng malalaking halagang tulad ng nababalita sa mga pahayagan ngayon.
Kami man ay nagtataka kung bakit nagkaganoon. Dati-rati ay maliliit na halaga lamang ang kinukuha ng mga nasasakdal sa kanilang mga amo, at bihirang umabot iyon sa $10,000. Ngayon ay parang pangkaraniwan na ang humihigit sa $50,000 ang nakawan.

Hindi namin isinasama rito ang maliliit na nakawan sa mga supermarket, mga pandurukot sa matataong lugar, at yaong pagdagit sa mga kagamitang tulad ng cellphone at iba pa.

At tinutukoy namin ay yaong mga nakawang naganap sa mismong bahay ng mga amo, dahil doon nakatira sa mismong bahay ng biktima ang nasasakdal.
Ang mga ganitong nakawan ay may mabigat na kaparusahan kaysa sa iba dahil kasangkot dito ang “breach of trust” o pagsira sa tiwala ng amo. Ang biktima ay nagtiwala sa tao, pinatuloy ito sa kanyang bahay, binigyan ng trabaho, pagkain at kalinga habang ito ay nasa malayo at naghahanapbuhay para sa kanyang pamilya.

Mahirap ipaliwanag kung bakit sa kabila ng pagpapatuloy at pagbibigay ng trabaho ng mga amo sa isang dayuhan ay nagagawa niya silang biktimahin. Tandaan natin na ang mga nakawang ganito ay nagaganap kahit saan bansa, at maski sa mismong bayan natin.

Ang paliwanag ng mga psychologist ay isang sakit sa pag-iisip ang pagnanakaw, lalo na ang paulit-ulit na pang-uumit.

Ngunit ang ganitong uri ng sakit, na “kleptomania” sa wikang Ingles at binansagan nating “kati ng kamay,” ay kadalasang kinasasangkutan lamang ng maliliit na halaga.

Ayon sa mga psychologist, hangad lang ng tao na maibsan ang kagustuhang niyang magnakaw, kahi wala pang halaga ang makukulimbat niya.

Hindi natin masasabi na kleptomania ang nagbunsod sa mga kaso ng pagnanakaw kamakailan dahil sa laki ng mga halagang kinuha ng mga nasasangkot. Maliwanag na ang nag-udyok sa kanila ay kasakiman, at ito rin ang inamin nila sa pulisya.

Ano ang nagbunsod sa kanila upang magnakaw?

Maraming maaaring dahilan, tulad ng matinding pangangailangan. May mga taong nagnanakaw dahil nagugutom sila at ang kanilang pamilya. Mayroon ding nagnanakaw para lamang sa kasiyahang idinudulot niyon sa kanila.

May nagnanakaw upang may ibabayad sa utang, na nagsimula sa pagsunod sa mga luho, o pagkakalulong sa masasamang bisyo tulad ng sugal, droga at pambababae o panlalalaki.

May mga natutukso dahil sa nakikita nilang kayamanang abot-kamay nila, ang pera at alahas ng mga taong pinaglilingkuran nila. Marami kasambahay dito ang nagsasabing pakalat-kalat lang ang pera at alahas ng mga amo nila sa bahay.

Nakasanayan kasi ng mga taga-Hong Kong na ilapag kung saan-saan sa loob ng bahay ang kanilang mga ari-arian dahil tiwala silang walang kukuha sa mga iyon. Ang turo kasi sa kanila mula pa sa pagkabata ay huwag kukuha ng bagay na hindi sa kanila.

Taliwas ang aral na ito sa nakasanayan sa Pilipinas na kapag ang isang bagay ay nakitang pakalat-kalat sa kalsada, sa sasakyan o sa pasyalan ay iniuuwi at inaangkin ito ng nakapulot at sasabihing pang ito ay hulog ng langit.

Itinuturo rin naman sa mga mag-aaral sa Pilipinas na huwag aangkin ng mga bagay na hindi sa atin. Ngunit ang pangaral na ito ay hindi isinasapuso ng mga taong dapat ay siyang mangunguna sa pagsunod dito.

Nakikita ng mga mamamayan na ang mismong mga opisyal ng pamahalaan ay nagnanakaw sa kaban ng bayan sa iba’t ibang paraan.

Hangga’t hindi nawawala ang masamang ehemplo ng mga namumuno ay may idadahilan ang mga magnanakaw upang gayahin sila sa sariling bayan o sa ibang bansa.

Samakatwid, kailangang-kailangan ng bansang Pilipino ang malinis na pamumuno. -- Ni Vir B. Lumicao
CALL US FOR MORE DETAILS
PRESS FOR MORE DETAILS



Don't Miss