![]() |
Shatin Law Court, kung saan idinaos ang pagdinig sa dalawang kaso |
Isang babae at isang lalaking Pilipino na nag-overstay sa Hong Kong ang nahatulan ng pagkakakulong ng 10 at anim na buwan matapos umamin sa pagkakasala nitong Biyernes (June 10) sa Shatin Magistrates’ Court.
Si Virgie Bugayong, 54, ay nahuli pagkatapos mag-overstay ng mahigit 17 taon sa isang operasyon ng
Immigration Department sa Quarry Bay noong May 11, 2022. Nang i-check ang
kanyang HKID, nabistong paso na ang kanyang visa mula pa noong July 10, 2005.
![]() |
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Si Josefino Cantos, 62, ay sumuko naman sa Immigration noong
May 10, 2022, para tapusin na ang kanyang ilegal na pananatili sa Hong Kong sa loob ng mahigit 12 taon. Dapat
kasi ay noong Sept. 15, 2010 pa siya umalis.
Ayon sa record ng kaso, si Bugayong ay dumating sa Hong Kong
bilang domestic helper noong July 10, 2003, at nag-expire ang kanyang kontrata
noong July 18, 2005. Simula noon ay hindi na siya nag-renew ng kanyang visa.
![]() | |
|
Sinabi ng kanyang abogado na nawala ang kanyang pasaporte at natakot
na siyang magpakita sa Immigration upang ayusin ang kanyang sitwasyon.
Pero idinagdag ng abugado na malinis ang record ni Bugayong
at nagsisisi siya na hindi niya inayos ang ilegal niyang katayuan sa Hong Kong.
Sa huli ay pinatawan siya ni Acting Principal Magistrate
David Cheung ng 15 buwang pagkakakulong, na binawasan ng 1/3 kaya naging 10
buwan.
Si Cantos naman ay nagtrabaho bilang domestic helper hanggang
Sept 15, 2010 nang matapos ang kanyang kontrata.
![]() |
BAN ON FLIGHTS FROM THE PHILIPPINES LIFTED ON APRIL 1. BOOK YOUR FLIGHTS NOW! PRESS FOR DETAILS |
Hindi na siya nakakuha ng bagong employer, nguni't pinili na manatili nang ilegal sa Hong Kong.
Ayon sa kanyang abugado, sumuko si Cantos dahil gusto na niyang
makapiling ang kanyang asawa at dalawang anak na nasa Pilipinas.
Humingi ito sa hukom ng kaluwagan sa pagpaparusa kay Cantos dahil
sa kanyang malinis na record, sa kanyang pag-amin at pagsuko.
Binigyan siya ni Magistrate Cheung ng 12 buwang sentensiya,
na binawasan ng 1/3 kaya naging walong buwan. At dahil sumuko siya, dinagdagan
pa ng hukom ang diskwento ng dalawang buwan, kaya ang natira ay anim na buwan.
Nakahanda nang makulong si Cantos nang humarap sa korte dahil
may dala siyang itim na bag, at bitbit niya ito habang sya ay itinuro ng mga
guwardiya papunta sa pinto para sa mga ikukulong.
![]() |
PADALA NA! |