Ni Leo A. Deocadiz
![]() |
Ang West Kowloon Court building, kung saan nakahimpil ang Coroner's Court. |
Ano ang ikinamatay ni Leonita A. Quinto, isang Pilipinang domestic helper?
Ito ang itinatanong ng mga kamag-anak ni Quinto, 46, mula nang matagpuan siyang patay sa loob ng bahay ng kanyang amo sa Mei
Foo Sun Chuen sa Kowloon noong April 4, 2017, tatlong buwan lang mula nang manilbihan siya rito.
Ito rin ang katanungang nais sagutin sa isang inquest o
pagsisiyasat na sinimulan ng Coroner's Court kahapon sa utos ng mataas na
hukuman.
Nakatakdang tumakbo nang pitong araw ang pagdinig na iniutos ni Court of First Instance Judge Mimmie Chan sa isang desisyon na ipinalabas noon pang April 8, 2021.
![]() |
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Naantala ang pagsisiyasat kanina, sa ikalawang araw ng pagdinig
na pinangungunahan ni Coroner C. Y. Ho, nang isa sa limang juror o hurado ang nagpasabi
na hindi siya makakarating dahil nag-positibo siya sa Covid-19.
Nakarating sa mataas na hukuman ang kaso nang tumangging tanggapin ng kapatid ni Leonita na si Imelda Quinto Abong ang unang hatol ng Coroner na “unknown” ang dahilan ng pagkamatay nito pagkatapos dumaan sa normal na proseso.
Sinabi ng amo ni Leonita na si Rachel Wong, sa salaysay nito
sa pulis, na noong 5pm ng araw bago namatay ang Pilipina (April 3, 2017), ay nagreklamo ito na masakit ang kanyang ulo at nahihilo, pero nakapagluto pa siya ng hapunan.
Kinabukasan, nagtaka si Wong at asawa nito na nasa kuwarto pa
si Leonita bandang 11am kahit statutory holiday ang araw na iyon, kaya kinatok
siya. Nakita nilang nakahiga ito at hindi magising, kaya tumawag sila ng
ambulansiya.
Dumating ang ambulansya bandang 11:47am at binigyan siya ng
paunang lunas. Dinala siya sa Princess Margaret Hospital bandang 12noon, at idineklarang
patay noong 12:27pm.
Isang police inspector ang dumating sa bahay ng amo noong 12:50pm at nag-imbestiga. Sa kanyang ulat na may petsang Oct. 16, 2017, sinabi ng pulis na wala siyang napansing senyales na nagkagulo sa kwarto, na may nag-away, at kahit anong kahina-hinalang tagpo.
Inireport rin niyang walang CCTV sa
bahay.
![]() |
BAN ON FLIGHTS FROM THE PHILIPPINES LIFTED ON APRIL 1. BOOK YOUR FLIGHTS NOW! PRESS FOR DETAILS |
Nagpunta rin ang pulis sa ospital upang suriin ang labi ni
Leonita at, sa kanyang post-mortem report na may petsang April 12, 2017, sinabi niya na wala
siyang nakitang sugat o pinsala dito.
Ayon naman sa report ng Kwai Chung Public Mortuary noong April
12, 2017, ang katawan ni Leonita ay may maliit na gasgas sa dibdib at mga TNM (tumor,
nodes and metastasis—mga posibleng sintomas ng cancer) sa kaliwang siko at bukong-bukong
ng kanang paa.
Ayon sa autopsy na ginawa noong April 18, 2017, walang
nakitang pinsala sa katawan ng namatay. May nakitang kaunting natunaw na pagkain
sa kanyang tiyan, mga fibroid sa kanyang uterus, at kaunting paracetamol sa
dugo, na kinumpirma ng Government Laboratory sa hiwalay na report nito noong May 23, 2017.
Kaya sa Certificate of the Fact of Death na inilabas noong
April 21, 2017 sinabi ng Coroner na walang matukoy na sanhing medikal ang pagkamatay
ni Leonita.
Noong March 26, 2019, naglabas ang coroner ng Death Report
na nagsasabing hindi na kailangan ang inquest at ang pagkamatay ni Leonita ay ituturing
na “death by unknown causes”.
Sa kanyang hatol, sinabi ni Judge Chan na hindi
kailangang ipakita na may pagkakamali ang coroner upang utusan itong gumawa ng inquest.
Sinabi ni Judge Chan na may kailangang isaalang-alang na interes ng publiko sa kasong ito, kung saan isang tao na nasa mahina at nakaasang sitwasyon ay mamamatay sa kalinga ng kanyang amo, at ang kamatayan niya ay hindi maipaliwanag.
Binigyan niya ng halaga ang salaysay ni Imelda, ang kapatid ni Leonida, na mula pa noong nagsimula itong magtrabaho sa amo niya ay tinatawagan na siya at sinasabing hindi maganda ang trato sa kanya.
Hindi rin daw siya pinapakain
nang maayos at panakaw lang kung sumubo dahil may CCTV na nakabantay sa
kanya. Kulang din daw siya sa tulog dahil sa dami ng ipinagagawa sa kanyang trabaho, at laging pinagagalitan at inaalipusta, at pinagbawalang
gumamit ng palikuran o toilet sa bahay.
Tatlong buwan pa lamang matapos dumating sa Hong Kong si Leonita
ay nagsabi na siya sa kapatid na gusto na niyang umuwi. Nag-terminate siya ng
kanyang kontrata noong March 3, pero namatay bago pa matapos ang huling buwan ng
trabaho.
Sinabi ni Imelda na ang salaysay niya ay sinang-ayunan ni Li
Wai Hong, ang may-ari ng Popular Employment Services, na nagpasok kay Leonita sa
employer.
Sinabi ni Li kay Imelda na palaging nagrereklamo si Leonita sa
agency tungkol sa trato sa kanya. Ang una niyang payo ay magtiis lang muna, pero
kalaunan ay sinabi niya rito na malupit nga sa mga nakaraang helper ang amo at
pangatlo na siyang gustong umalis dito. Plano rin nitong i-blacklist ang amo at
huwag nang bigyan ng aplikante.
![]() |
PADALA NA! |