 |
Nangyari daw ang pagnanakaw sa tindahan na ito ng Wellcome sa North Point |
Isang 20 taong
gulang na Pilipinang residente at walang trabaho ang inutusang arestuhin noong
Martes matapos hindi siputin ang pagdinig ng kasong pagnanakaw na isinampa sa kanya
sa Eastern Court.
Ilang beses
tinawag ang pangalan ni M.J. Gabotero para harapin ang kaso laban sa kanya pero
hindi siya nagpakita. Dahil dito ay inutos ni Mahistrado Winnie Mat ang
pagpapalabas ng “warrant of arrest” o utos na arestuhin siya, para mapilitan
siyang dumalo sa susunod na pagdinig ng kaso.
Si Gabotero ay
kinasuhan ng pagtangay ng iba-ibang klase ng tinda mula sa Wellcome supermarket
sa Two Chinachem Exchange Square sa North Point noong June 2, pero walang
ibinigay na kabuuang halaga para sa mga ito.
Ayon sa sakdal,
tinangay niya ang dalawang pakete ng corn chips, isang pakete ng keso, tatlong
karton ng gatas, tatlong bote ng soft
drinks, isang pakete ng bacon, isang pirasong broccoli, isang pakete ng bigas, isang
bote ng mantika, dalawang lata ng sabaw ng kabute, isang pakete ng tinapay,
isang mansanas, dalawang tangerines, at tig-iisang pakete ng spaghetti, hipon,
talong, carrots, at ginayat na niyog.
Naaresto siya
noon lang June 30 pero matapos siyang imbestigahan ng mga pulis ay pinayagan
siyang magpiyansa.