 |
Nakitang may mga sugat ang kuneho at bali ang isang paa (File photo) |
Inutusang magbigay ng libreng serbisyo sa komunidad
ang isang Pilipina kanina, bilang parusa matapos siyang mahatulan na nagkasala ng pagmamalupit sa hayop nang dalawang beses, dahil sa sugat at bali sa buto sa isang paa na tinamo ng kanyang
alagang kuneho.
Sinabi ni Magistrate Tsang Hing-tung ng West Kowloon Courts na
mas makabubuting magbigay si Aeprille Anne Esplana, 28 at isang waitress/bartender,
ng 80 oras sa Community Service Orders (CSO) Scheme ng Social Welfare
Department.`
Nauna rito, nahatulang "guilty" si Esplana sa dalawang kaso ng pagmamalalupit sa hayop, na labag sa section 3(1) (g) ng Prevention of Cruelty to Animals Ordinance. Nangyari ito matapos ang dalawang araw na paglilitis sa kaso noong August 8 at 9.
Ang pagmamalupit sa hayop ay nangyari noong Aug. 16, 2022 sa inuupahang bahay ni Esplana sa Kwai Chung, New Territories.
Kinasuhan siya ng pulis matapos makita ang kalagayan ng
kuneho sa hawla nitong butas ang sahig.
Matapos masagip ang kuneho ay kinupkop ito ng isang NGO (non-government organization) upang gamutin at alagaan.
Tig-80 oras sana (o kabuuang 160 oras) ang parusa kay
Esplana sa dalawang kaso, pero inutos ni Magistrate Tsang na sabay niya itong
pagsilbihan.